Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conferece of the Philippines – Office on Stewardship ang mamamayan na paigtingin ang pakikiugnay sa Panginoong Hesus tungo sa pagbubuklod.
Ayon kay Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo bagamat malaking hamon ng lipunan ang pagkakaisa lalo sa pamilya ay ipinaalala nitong bukod tanging si Hesus ang daan sa pag-uugnayan ng bawat isa.
“Ang Banal na Komunyon ay paraan sa pagkakaisa. Pinag-iisa tayo ng iisang katawan ni Kristo. Maganda na ang mga pamilya ay sama-samang nagsisimba at tumatanggap ng banal na komunyon, ang Katawan at Dugo ni Kristo.” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Sa Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo binigyang diin ni Bishop Pabillo na sa pagpapatuloy ng tao kay Hesus sa Banal na Komunyon ay magkakaroon ng kaayusan ang anumang gusot at hindi pagkakaunawan.
Batid ng opisyal ang mapanganib na paglalakbay sa mundo dahil sa iba’t ibang hamon tulad ng nagdaang pandemya na kumitil ng milyong-milyong buhay sa mundo, ang mga digmaan at karahasan na nagdudulot ng pagkakawatak-watak sa lipunan gayundin ang iba pang mga trahedya bunsod ng climate change dahil sa kapabayaan at pang-abuso ng tao sa kalikasan.
Gayunpaman sa kabila ng mga suliranin tiniyak ni Hesus ang kapahingahan at kaligtasan sa pag-alay ng Katawan at Dugo para sa sanlibutan na makapagbibigay buhay.
“Si Jesus ay hindi lang nagsusustento sa atin sa lupa. Ito ay pagkain na nagdadala sa atin sa langit. Hindi lang ito nagpapahaba ng buhay. Ito ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” giit ni Bishop Pabillo.
Ang kapistahan ng Corpus Christi ay ipinagdiriwang ng simbahan matapos ang Trinity Sunday makaraang italaga ni Pope Urban IV noong August 11, 1264 sa paglathala ng ‘Bull Transiturus de mundo’.
Kaakibat ng pagdiriwang ang pagtanggap ng mga nararapat na indulhensya sa mananampalatayang dadalo sa mga Banal na Eukaristiya at tumanggap ng komunyon.
Batay sa kasaysayan dalawang pangyayari ang pinagbatayan sa pagdiriwang ng Corpus Christi ang Vision ni St. Juliana of Mont Cornillon at ang Miracle at Bolsena.