Apostolic Vicariate

of Taytay, Northern Palawan

Liham Pastoral para sa halalang pambarangay at pangsangguniang kabataan.

“Ibigay kay Caesar ang para kay Caesar at sa Diyos ang para sa Diyos.” 

(Marcos 12: 17)

 

Mahal kong bayan ng Diyos sa Bikaryato ng Taytay Palawan,

Ayun sa ating Konstitusyon “ang Pilipinas ay isang estadong republiko at demokratico. Ang ganap na kapangyanihan ay nasa sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pamahalaan.” (Article II, Sec.1)

Ang pagboto ay hindi lang isang karapatan,  ito ay ating kapangyarihan na magluklok kung sino ang gusto nating bigyan ng awtoridad. Sa madaling salita, tayo ang boss at sila ang ating kawani.  

Magpasalamat tayo sa Diyos na tayo ay bansang demokratiko pa na mayroong eleksyon. Gamitin natin ang pagkakataong ito na umpisahan ang tunay na pagbabago mula sa barangay. Hindi mangyayari ang pagbabago hanggang magkaroon tayo na bagong heneration na mga opisyales “from the  bottom up “ na may alam kung paano makaranas ng kahirapan sa buhay.

 

Nararamdaman po natin ang pagkilos ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga opisyales ng ating barangay at sangguniang kabataan para sa mga kabataan. Sila ang unang nalalapitan natin sa ating mga problema at ang karaniwang serbisyo ng gobyerno ay dumadating sa atin sa pamamagitan nila. Kung magaling at matuwid ang ating mga opisyales sa barangay at sa SK nagiging maayos ang buhay natin. Dumadating nang maayos ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan lalo na kung may mga sakunang nangyayari. Napapaunlad din ng mga opisyales ang ating mga barangay kasi may pondo para dito. Nakakagawa sila ng mga alituntunin sa ikapapayapa ng lahat. Kaya mahalaga na may maaayos at matuwid na opisyales sa barangay.

 

Ngayong ika-30 ng Oktubre magkakaroon po ng barangay at sangguniang kabataan elections. Ang pangangampanya sa halalang ito ay magsisimula ng 15 araw bago ang halalan, kaya magsisimula ito sa ika-15 ng Oktubre. Ang ibig tumakbo sa halalang ito ay dapat magbigay ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) mula sa ika-28 ng Agosto hanggang sa ika-2 ng Setyembre. 

 

Ang paglilingkod sa bayan ay isang tawag ng Diyos. Ang mga taong may mabuting kalooban at mga taong matuwid ay hinihikayat kong tumakbo upang maglingkod sa barangay at sa SK. Ang paglilingkod sa kapwa ay tanda ng pag-ibig sa Diyos. Hindi dapat pumasok sa barangay at SK elections ang mga political parties. Non-partisan ang barangay elections. Hindi dapat kumilos ang pera dito. Ang namimigay ng pera ay hindi matuwid na tao. Kung ang perang pinamimigay ay galing sa kanyang sarili, babawiin niya ito kapag siya ay nakaluklok na. Kapag ang pera naman ay galing sa ibang politiko sa itaas o sa mga negosyante, magiging bata-bata na lang siya ng mga politiko o mga negosyante. Hindi na siya magiging malaya at makatuwiran kung siya ay nakaluklok. Huwag ihalal ang namimigay ng pera. 

 

Kung madumi na ang politiko sa ating mga lunsod o bayan, huwag nating hayaang madumihan din ang pamamahala sa barangay.  Sa darating na eleksyon, may pagkakataon tayong baguhin ang pamamahala, mula sa barangay.  Pumili tayo ng maayos na punong barangay at ng pitong barangay kagawad. Ang mga kabataan na may edad 15 hanggang 24 ay pumili ng maayos na SK chairman at pitong maaayos na SK kagawad. Makakapili tayo ng maaayos at matutuwid na mga opisyales kung may mga maaayos at matutuwid na kandidatong pagpipilian. Tumakbo ang may magagandang hangarin na maglingkod sa bayan. Ibigay natin ang nararapat kay Caesar, ang nararapat sa pamahalaan. Nararapat sa ating pamahalaan sa barangay ang matuwid na mga taong handang maglingkod sa kababayan nila at hindi sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya lamang. 

 

Ngayon pa lang, pag-isipan at ipagdasal na natin ang barangay at SK elections. Mahalaga ito para sa atin. Dito lamang makasisimula ang maayos na pamamahala sa ating bansa. Humingi tayo ng gabay at tulong sa ating Mahal na Ina, ang Reyna ng Pilipinas.

 

Ang inyong kapwa mamamayan,

 

Obispo Broderick Pabillo

Obispo ng Bikaryato ng Taytay Palawan

Ika-15 ng Agosto, 2023 

Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat kay Maria sa langit  

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top