Lunes ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Vicente, diyakono at martir
2 Samuel 5, 1-7. 10
Salmo 88, 20. 21-22. 25-26
Pag-ibig ko’t pagtatapat
ay ibibigay kong ganap.
Marcos 3, 22-30
Monday of the Third Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Vincent, Deacon and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
2 Samuel 5, 1-7. 10
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, nagkaisa ang lahat ng angkan ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami’y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. Nang si Saul ang hari namin, nanguna ka sa mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ng Panginoon na gagawin ka niyang hari upang mamuno sa kanyang bayan.” Lahat ng matatanda ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo’y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ng Panginoon. Pinahiran nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel. Noo’y tatlumpung taon na si David at naghari siyang apatnapung taon. Sa Hebron, pitong taon at kalahati siyang namahala sa Juda. Sa Jerusalem naman ay tatlumpu’t tatlong taon siyang naghari sa buong Israel at Juda.
Nang siya’y maging hari, pinangunahan niya ang kanyang mga kawal upang lusubin ang mga Jebuseo na nasa Jerusalem. Sinabi nila kay David, “Hindi ka makapapasok dito kahit mga bulag at lumpo lamang ang magtanggol dito.” Ngunit nakuha ni David ang kuta ng Sion na tinawag na Lungsod ni David hanggang ngayon.
Habang lumalaon ay lalong nagiging makapangyarihan si David pagkat sumasakanya ang Panginoon, ang Diyos na Makapangyarihan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 20. 21-22. 25-26
Pag-ibig ko’t pagtatapat
ay ibibigay kong ganap.
Ika’y nagsalita noon pa mang una
sa mga lingkod mo, at ipinakita
yaong pangitain, at ito ang badya:
“Aking pinutungan ang isang dakila,
na aking pinili sa gitna ng madla.
Pag-ibig ko’t pagtatapat
ay ibibigay kong ganap.
Ang piniling lingkod na ito’y si David,
aking pinahiran ng banal na langis.
Kaya’t palagi ko siyang aakbayan
at siya’y lalakas sa aking patnubay.
Pag-ibig ko’t pagtatapat
ay ibibigay kong ganap.
Ang pagtatapat ko’t pag-ibig na wagas,
ay iuukol ko’t aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
Mga kaharia’y kanyang masasakop,
dagat na malawak at malaking ilog.”
Pag-ibig ko’t pagtatapat
ay ibibigay kong ganap.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 22-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ng mga eskribang dumating mula sa Jerusalem, “Inaalihan siya ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo. Ito ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo!” Kaya’t pinalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga: “Paano mangyayaring palayasin ni Satanas si Satanas?” Kapag naglaban-laban ang nasasakupan ng isang kaharian, hindi mananatili ang kahariang iyon. At kapag naglaban-laban ang magkakasambahay, hindi mananatili ang sambahayang iyon. Gayun din naman, kapag naghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at naglaban-laban ang kanyang nasasakupan, hindi magtatagal at darating ang kanyang wakas.
“Walang makapapasok sa bahay ng isang taong malakas at makaaagaw ng kanyang ari-arian, malibang gapusin muna niya ang taong iyon. Saka pa lamang niya malolooban ang bahay na iyon.
“Tandaan ninyo ito: maaaring ipatawad sa mga tao ang lahat ng kasalanan at panlalait nila sa Diyos, ngunit ang sinumang lumait sa Espiritu Santo ay hindi mapatatawad. Ang kanyang kasalanan ay hindi mapapawi kailanman.” Sinabi ito ni Hesus sapagkat ang sabi ng ilan, “Inaalihan siya ng masamang espiritu.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Natitipon kay Kristo na lumulupig sa kasamaan, buong tiwala tayong lumapit sa Ama dala ang ating mga idinadalanging mithiin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama sa langit, iligtas Mo kami sa masama.
Ang Simbahan nawa’y mapanibago at sumaksi nang may katapatan sa tamang pagpapahalaga sa buhay upang makatulong sa pagpapanumbalik sa mundong nasadlak sa kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdidigmaang mga bansa nawa’y matutong mamuhay sa pakikiisa at pagtutulungan upang makapagdulot ng kapayapaan sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng nananalig kay Kristo nawa’y mapaglabanan nila ang pagkakahiwa-hiwalay at maging iisa sa Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, lalo na ang mga lumpo at may kapansanan, nawa’y tumanggap ng kasiyahan at kalinga sa mga nag-aalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y mailigtas sa kasamaan ng walang hanggang kamatayan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, patuloy mo kaming hilumin sa lahat ng masama, at hayaan mong ang iyong kabutihan ang siyang magliwanag sa amin sa kapangyarihan ni Jesu-Kristong aming Panginoon. Amen.