Apostolic Vicariate

of Taytay, Northern Palawan

Homily January 14, 2024

2nd Sunday of Ordinary Time Cycle B

1 Sam 3:3-10.19 1 Cor 6:13-15.17-20 Jn 1:35-42

Tatalakayin natin ngayong ang ikalawang pagbasa. Mahalaga ang mensahe nito sa ating panahon. Binabanggit po natin sa ating pananampalataya: Sumasampalataya ako sa muling pagkabuhay ng mga namatay na tao. Naniniwala po tayo na ang kamatayan ay hindi ang wakas. May kabilang buhay. Bubuhayin ang lahat ng namatay, katawan at kaluluwa, upang ang bawat isa ay makakatanggap ng angkop na katarungan – kaparusahan na walang hanggan sa bawat isa, katawan at kaluluwa kung ito ang nararapat, o gantimpala sa bawat isa, katawan at kaluluwa kung ito ang nararapat sa kanya. Makatarungan ang Diyos. Sa bandang huli magwawagi ang katarungan. Hindi makakatakas ang masasama at hindi naman makakaligtaan ang bawat kabutihan.

Ang katawan po natin ay makakatanggap ng angkop na gantimpala o parusa, at hindi lang ang ating kaluluwa kasi ang bawat tao ay katawan at kaluluwa, at hindi lang kaluluwa. Dahil po dito sinulat ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “Gamitin ninyo ang inyong katawan upang parangalan ang Diyos.” Ang katawan ay dapat maging instrumento ng kabutihan, at totoo naman, nakakagawa tayo ng kabutihan sa pamamagitan ng ating katawan. Ang ating katawan ang napapawisan sa ating pagbabayanihan, ang ating katawan ang nagugutom at nanghihina kapag tayo ay nagpepenitensiya at nag-aayuno, ang ating kamay at paa ang gumagawa ng kabutihan. Noong tayo ay bininyagan at kinumpilan ang Espiritu Santo ay nanahan na sa ating katawan kasama ng ating kaluluwa. Kaya nga sinabi ni San Pablo na ang ating katawan ay ang templo ng Espiritu Santo na nasa atin na. Ito po ang karangalan ng ating katawan. Ito po ay bahagi ng ating pagkatao at ito ay ang tirahan ng Espiritu Santo. Kung tayo ay tumatanggap ng Banal na Komunyon, ang katawan ni Kristo ay pumapasok sa ating katawan. Nagiging isa ang ating katawan sa katawan ni Kristo.

Dahil sa karangalang ito ng ating katawan, dapat iwasan natin na ito ay magamit sa kasamaan. Kaya huwag tayo magpadala sa pita o tawag ng laman. Ang isang tawag ng laman na dapat nating iwasan ay ang kahalayan, kasama na dito ang pakikiapid. Napakasamang kasalanan ang kahalayan. Nagkakasala tayo sa ating katawan mismo. Kapag tayo ay nanuntok, ang katawan ng iba ang nasasaktan natin. Kapag tayo ay nagnakaw, ang iba ang napipinsala natin. Kapag tayo gumagawa ng kahalayan o ginagamit ang ating katawan sa kahalayan, ang ating katawan mismo ang dinudumihan natin. Tayo mismo ang nababastos. Tayo mismo ang napapasama. Nagiging kongkreto ito sa tinatawag ng na sexually transmitted diseases. Ang ating katawan ang nagkakasakit dahil sa kahalayan. Hindi ito masyadong pinag-uusapan pero ito ay nangyayari sa mga tinatawag na HIV-AIDS. Nasisira ang immune system ng ating katawan, at madalas, dahil ito sa maraming sexual partners.

Sa ating panahon ngayon, nawawala na ang dapat na pagpapahalaga sa katawan. Ginagamit ang katawan sa pagpapasikat ng kanyang kagandahan. Parang mahalaga lang ang katawan dahil sa ito ay maganda. Kaya napakaraming mga tao na abalang abala na manatili silang maganda at gumagastos sila ng malaki at gumugugol ng maraming panahon para magpaganda ng mukha, ng buhok, ng kuko, ng kilay at ng iba pa. Hindi nakikita na ang katawan ay binigay sa atin upang purihin ang Diyos, upang tumulong sa iba, at upang makagawa ng mabuti. Tinubos ni Jesus hindi lang ang kaluluwa natin, kundi ang buong pagkatao natin, at kasama na dito ang ating katawan. Kaya nga sinulat ni San Pablo: “Ang inyong katawan ay hindi talagang inyo kundi sa Diyos; binili niya kayo sa malaking alaga.” At ano ang halaga? Ang kanyang buhay mismo. Namatay siya upang tayo ay mabuhay – katawan at kaluluwa. Nagkatawang tao ang Anak ng Diyos upang tayo ay maging maluwalhati sa langit na kasama niya. Magniningning ang ating katawan ng kagandahan na hindi natin ma-imagine dito sa lupa. Kaya ngayon, sa buhay na ito i-decorate natin ang ating katawan ng mabubuting asal at mabubuting ugali. Iyan ang magdadala ng walang hanggang kaningningan sa atin.

Sumagot po tayo sa ating salmong tugunan: “Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.” At ano ang loob niya? Na maging mabubuting katiwala tayo ng biyaya ng ating katawan. Ang ating katawan at ang ating kalusugan ay biyaya ng Diyos. Magpasalamat tayo sa Diyos sa katawan na ibinigay niya sa atin. Pangalagaan natin ito. Hindi lang ito nangangahulugan na manatili tayong malusog at walang sakit. Ang pangangalaga ng katawan ay nangangahulugan din na gamitin natin ang ating katawan upang purihin at paglingkuran ang Diyos. Nagagawa natin ito sa ating pagbabalik handog ng ating serbisyo. Maglingkod tayo ayon sa kakayahan na binigay sa atin ng Diyos. Ginagawa natin ang paglilingkod na ito sa pamamagitan ng ating katawan – sa ating kasipagan, sa ating pagtulong, sa ating pakikiisa sa mga taong nangangailangan. Sa maikling salita, sa paggawa ng anumang kabutihan. Ang ganda ay lilipas, ngunit ang anumang kabutihan na ating ginawa ay mananatili. Hindi iyan kaliligtaan ng Diyos.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top