Feast of Sto Nino Year B
Holy Childhood Day
Is 9:1-6 Eph 1:3-6.15-18 Mk 10:13-16
Isang katangian ng mga Kristiyanong Katolikong Pilipino ay ang pagiging Marian. Malapit tayo sa Mahal na Ina. Marami tayong mga fiesta at mga dasal na malakas ang Marian character, tulad na lang ng pagrorosaryo. Talagang tayo ay PUEBLO AMANTE DE MARIA. Pero isa pang katangian ng ating Filipino Christianity ay ang ating pagiging Christocentric. Nakasentro at malapit tayo kay Jesus. Kaya ang malalaking kapistahan natin ay ang Pasko, ang Mahal na Araw, ang Poong Nazareno, ang Sto Nino. Malakas din ang ating debosyon sa Sacred Heart at sa Divine Mercy. Ito ang dahilan bakit malalim na naka-ugat sa atin ang debosyon sa Sto Nino, na walang iba kundi ang batang si Jesus. Ganoon kalaganap ang debosyon kay Nino Jesus na binigyan tayo ng pahintulot ng Roma na sa buong bansa maipagdiwang natin ang Kapistahan ng Sto Nino tuwing ika-tatlong Linggo ng Enero taon-taon.
Malalim ang ating debosyon sa Sto Nino dahil sa mahigpit ang kaugnayan ng Sto Nino sa kasaysayan ng ating pagiging Kristiyano sa Pilipinas. Ang larawan ng Sto Nino ay ang sagisag ng simula ng ating pagiging Kristiyano. Ito ay ang imahen na ibinigay ni Ferdinand Magellan kay Reyna Juana noong siya ay bininyagan noong March 14, 1521.
Maaaring isang dahilan pa na malapit sa puso natin ang Santo Nino ay ang ating katangian bilang mga Pilipino. Malambot ang ating puso sa mga bata. Kaya madali tayong maka-identify kay Jesus na isang bata. Madali nating hayaan ang Nino Jesus na maghari sa atin. At iyan ang larawan ng Sto Nino – isang batang hari – may korona siya, may dalang setro sa isang kamay at hawak naman ang mundo sa kabilang kamay at malahari ang kanyang damit. Tulad ng narinig natin mula kay propeta Isaias: Binigay sa atin ang isang bata na maghahari sa atin, isang paghahari na magdadala ng katarungan ngunit hindi sa pamamagitan ng lakas at dahas, kundi sa mapayapang pamamaraan. Gusto natin na maghari sa atin ang Nino Jesus.
Ang ating pagiging Kristiyano na sinasagisag ng Sto Nino ay hindi lang basta-bastang nangyari. Ito ay ayon sa plano ng Diyos. Bago pa nilikha ng Diyos ang mundo naitakda na niya na tayo ay maging banal sa pamamagitan ni Kristo. Tayo ay pinili na ng Diyos na maging mga anak niya. Ang pagiging Kristiyano natin ay naaayon sa balak ng Diyos bago pa nilikha ang mundo! Ang pagdating ng mga kastila sa ating dalampasigan ay hindi lang tsamba. Ito ay binalak ng Diyos. Kaya ipinapasalamat natin ito sa kanya. Talagang malaking biyaya ng Diyos ang pananampalatayang pinanghahawakan natin. Iwinaksi na natin ang mga kastila 120 years ago, pero mahigpit na sinasabuhay pa rin natin ang kristiyanong pananampalataya na dala nila. We are truly gifted with the Christian faith. Ang pananampalataya na binigay sa atin ay dapat maibahagi din natin sa iba. Ito rin ang hamon sa atin ng Sto Nino. Pagkaraan ng 500 taon, panahon nang palaganapin natin ang Mabuting Balita sa ibang mga bansa.
Isa pang dahilan bakit malapit sa puso natin ang Sto Nino kasi ang sanggol na si Jesus ay kumakatawan sa lahat ng mga bata na malapit sa puso niya. Naguguluhan ang mga alagad ni Jesus sa mga magulang na dinadala ang mga anak nila kay Jesus. Itinataboy nila ang mga ito. Dakilang tao si Jesus, busy siya sa mga importanteng mga bagay. Ang akala nila wala siyang panahon sa mga bata. Pinagalitan sila ni Jesus. Mali ang akala nila. “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata,” iyan ang wika niya. “Para sa kanila ang paghahari ng Diyos.” May karapatan din sila sa kaharian ng Diyos. At hindi lang. Sila pa ang ginawa ni Jesus na halimbawa paano tanggapin ang kaharian ng Diyos – tanggapin ng may tiwala, ng may kababaang loob, ng may pag-asa, at may pananalig. Ang mga ito ay katangian ng mga bata. Kung wala tayo ng mga ganitong katangian, hindi tayo makapapasok sa paghahari ng Diyos.
Ang ating debosyon sa Poong Sto Nino ay dahil din sa ating karanasan na ang pagsusumamo natin sa kanya ay madaling pakinggan. Mabait ang sanggol na si Jesus. Malambot ang puso niya sa ating mga pangangailangan. Pero ang debosyon ay hindi lang napapakita sa pamamagitan ng pagdarasal. Ito ay napapakita rin sa iba pang paraan.
Una: sa ating pagpapahalaga at paggalang sa mga bata. Totoong mapag-alaga tayo sa ating mga anak, sa ating mga pamangkin at sa ating mga apo, pero baka pabaya tayo sa ibang mga bata. Sa ating bansa maraming mga bata ay biktima ng violence, ng human trafficking, ng sexual abuse, ng cybersex. Pati nga sa simbahan nangyayari ang pang-aabuso sa mga bata. Kaya malaking eskandalo ang pedophilia sa simbahan at ito’y lubha nating pinagsisisihan at binabago. Pero mas malaki ang sexual abuse na nangyayari sa loob ng mga pamilya mismo. Maging mapagbantay tayo na hindi ito mangyari. Kung talagang tayo ay mga deboto ng Sto Nino dapat nagkakaisa tayo na labanan ang pagsasamantala sa mga bata.
Pangalawa: Alam ba ninyo na ang mga bata ay maaari ring maging mga misyonero? Mayroon tayong Holy Childhood Association (Sancta Infantia) na tinatag sa France noong 1843. Ito ay asosasyon ng mga bata hanggang 12 years old na matatagpuan ngayon sa 120 countries sa buong mundo, kasama dito ang Pilipinas. Ang objectives nito ay: Children love Children. Children help children. Children are missionaries and inspire other children to become missionaries. Simple lang ang hinihingi sa mga miyembro nito. Una, magdasal araw araw para sa ibang mga bata sa buong mundo, lalo na ang nangangailangan at hindi pa nakakakilala kay Kristo. Mabisa ang dasal ng mga bata. Pangalawa, ang mga bata ay magbigay ng pinansial na tulong para sa mga bata na nangangailangan, kahit na piso kada araw. Sa pamamagitan ng Holy Childhood Association may mga naitayong mga ampuan, pagamutan, feeding programs, kindergartens – itong lahat ay galing sa mga bata para sa kanilang kapwa bata. Children helping children. Ang mga bata ay maaari ring maging missionaries. Ang pagmamalasakit sa kapwa bata ay dapat nararamdaman ngayon na balitang-balita ang libo-libong mga bata na binobomba at namamatay sa Gaza ngayon.
Mga kapatid, malalim ang ugat at malawak ang mga sanga ng debosyon sa Sto Nino. Ito ay nakaugat sa ating kasaysayan. Ang simbolo ng 500 years of our Christianity ay ang larawan ng Sto Nino. Ito ay nakaugat sa kaugalian ng mga Pilipino na malapit tayo sa mga bata. Ito ay nakaugat sa katuruan ni Jesus na ang kaharian ng Diyos ay para rin sa mga bata at ang katangian ng pagiging bata ay kailangan natin para makapasok sa kaharian ng Diyos. Ang mga sanga ng debosyong ito ay ang pagsugpo sa anumang uri ng pang-aabuso sa mga bata, saan man ito nangyayari, sa simbahan man kaya, sa school, o sa tahanan. Ang pagpromote ng pagmimisyon ng mga bata para sa kapwa bata ay isa ring resulta ng debosyong ito. Pukawin na natin sa mga bata ang missionary spirit. Sila mismo ay may kapasidad na maging missionaries. May second collection po tayo ngayon para makatulong sa mga bata sa buong mundo sa mga lugar na ito ay kailangan.