Apostolic Vicariate

of Taytay, Northern Palawan

SABADO, PEBRERO 24, 2024

Sabado sa Unang Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Deuteronomio 26, 16-19
Salmo 118, 1-2. 4-5. 7-8

Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.

Mateo 5, 43-48

Saturday of the First Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Deuteronomio 26, 16-19

Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa mga tao: “Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Panginoon ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso’t kaluluwa. Ipinahayag ninyo ngayon na ang Panginoon ang inyong Diyos, lalakad kayo ayon sa kanyang daan, susundin ang kanyang mga tuntunin at didinggin ang kanyang tinig. Ipinahayag naman niya sa inyo na kayo ay kanyang bayan, tulad ng kanyang pangako, at dapat ninyong sundin ang kanyang mga tuntunin. Palalakihin niya kayo higit sa ibang bansa upang maging kapurihan niya, karangalan at kadakilaan. At tulad ng sabi niya, kayo ay isang bansa na nakatalaga sa kanya.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 1-2. 4-5. 7-8

Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.

Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
ayon sa utos ng Poon ang gawain araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa kaniyang kautusan,
buong puso ang pagsunod sa utos na ibinigay.

Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.

Ibinigay mo sa amin iyang iyong mga utos,
upang aming talimahin at sundin nang buong lugod.
Gayun ako umaasa, umaasang magiging tapat,
susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.

Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.

Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,
buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,
huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.

Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA:
2 Corinto 6, 2b

Ngayo’y panahong marapat,
panahon ng pagliligtas,
araw ngayon ng pagtawag
upang makamit ang habag
ng Panginoong matapat.

MABUTING BALITA
Mateo 5, 43-48

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan. Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyong iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo’y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iyon ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Kuwaresma
Sabado

Taglay ang pagtitiwala, lumapit tayo sa mapagpatawad na Ama na ang habag sa atin ay walang hangganan at walang katapusan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, gawin Mo kaming ganap sa Iyong pag-ibig.

Ang Simbahan nawa’y maging buhay na halimbawa ng pagpapatawad at habag na ipinakita ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang kaawaan ang mga taong nakasakit, nakapinsala o nagdulot ng mga paghihirap sa atin, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa tulong ng biyaya ng Diyos, nawa’y mapatawad natin ang ating mga kaaway, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga maysakit, matatanda, at mga pinabayaan nawa’y ating maipadama ang ating pagmamahal at habag, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y biyayaan at gantimpalaan ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihan at mahabaging Ama, pinasasalamatan ka namin sa pagpapatawad na inihandog mo sa pamamagitan ng iyong Anak. Tulungan mo kaming ipahayag sa iba ang iyong pagpapatawad. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top