Solemnity of the Epiphany of the Lord
Pro Nigritis Collection (African Mission)
Is 60:1-6 Eph 3:2-3.5-6 Mt 2:1-12
Merry Christmas! Nasa panahon pa tayo ng kapaskuhan. Ang Anak ng Diyos ay isinilang bilang tao. Dumating nga ang Diyos sa atin. Ang tanong: para kanino siya dumating? Para sa kanyang pamilya lang ba, ang angkan ni David? Para lang ba siya sa mga Hudyo, ang bayang hinirang ng Diyos? Para lang ba siya sa mga taong mabait? O sa mga Kristiyano lang? Ang kapistahan natin ngayong araw ang sasagot sa tanong na ito.
Kadalasan ang kapistahang ito ay tinatawag na kapistahan ng Tatlong Hari. Kaya ang batian ng mga tao ay “Happy Three Kings.” Hindi ito tumpak. Hindi naman po mga hari ang bumisita kay Jesus. Sinasabi sa atin na sila ay mga pantas, mga astrologers, mga mag-aaral ng mga bituin at sila ay galing sa silangan. Saan sa silangan? Sabi ng iba sa Arabia daw, o sa Ethiopia, o sa Persia o sa India. Sa totoo lang, hindi talaga natin alam. Ang mga lupain sa Silangan ay kilalang lugar ng karunungan noong panahon. Ni hindi man sinasabi na sila ay tatlo. Alam natin na sila ay may dalang tatlong regalo. Kaya ang buong akala ng mga tao sa may tig-iisang regalo sila. Pero maaari naman na sila ay dalawa na may tatlong regalo o lima na may tatlong regalo. Kaya hindi tumpak na tawagin silang tatlong hari. Hindi naman sila hari at hindi sigurado na sila ay tatlo. Ang wastong pangalan sa kapistahang ito ay kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon, feast of the Lord’s Epiphany. Ang salitang Epiphania ay nangangahulugan ng pagpapakita o pagpapakilala.
Sa Bibliya may tatlong pagpapakilala si Jesus. Una, pagpapakilala sa kanyang mga alagad. Iyan iyong paggawa niya ng unang milagro niya sa kasalan sa Cana. Nakita ng kanyang Ina at ng kanyang mga alagad ang kanyang kaluwalhatian sa himalang ito. Pangalawa, nagpakilala siya ng mga Hudyo noong bininyagan siya ni Juan Bautista sa ilog Jordan. Bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa anyo ng kalapati at may boses mula sa langit na nagsasabi na siya ang kinalulugdang anak ng Ama. At pangatlo, ang pagkilala sa kanya ng mga pantas na galing sa Silangan sa pamamagitan ng tala.
Ang tanong natin kanina: Para kanino dumating si Jesus? Sa kapistahang ito sinasabi sa atin na siya ay dumating para sa lahat ng mga tao. Ang lahat ng lahi ay represented ng mga pantas. Ang mga ito ay hindi mga Hudyo. Iba ang paniniwala nila pero kinilala nila si Jesus na hari ng mga Hudyo. Natagpuan nila si Jesus sa pamamagitan ng kanilang gawain, ang pag-aaral ng mga bituin. Dinala sila ng liwanag ng bituin.
Iyan din ang sinabi ni Propeta Isaias sa ating unang pagbasa. Dumating na ang liwanag. “Nababalot sa dilim ang ibang mga bansa, ngunit liliwanagan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kaningningan.” Kikilalanin siya ng lahat. Dadalhin sa kanya ang kayamanan ng mga bansa. Natupad ang mga salitang ito pagdating ng mga pantas mula sa malalayong lugar na may dala-dalang mga regalo. Ang mga regalo nila ay nagpapahiwatig ng kanilang pagkilala sa sanggol na ito: ginto, sapagkat siya ay hari; kamanyang, sapagkat siya ay Diyos; mira sapagkat siya ay masasaktan sa pag-aalay ng sarili niya bilang sakripisyo.
Ang kaligtasan para sa lahat ng tao ay siya rin ang mensahe ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Kinilala ni Pablo na binigyan siya ng katangi-tanging misyon. Siya ay katiwala ng Diyos upang ipaabot sa mga hentil, sa mga hindi Hudyo, na sila rin ay magmamana ng mga pagpapala mula sa Diyos para sa kanyang bayan. Sila rin ay kasama sa katawan ni Kristo at makikinabang sa mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Jesukristo. Salvation is for all peoples. Ang kaligtasan ay para sa lahat. Dumating si Jesus para sa lahat.
Ito ay magandang balita. Ang biyaya ng Diyos ay para sa lahat, kaya si Jesus ay dumating para sa lahat. Pero, ang magandang balitang ito ay isang malaking hamon sa ating panahon ngayon na dahil sa maraming problema at sa kasakiman, malaki ang tukso na magkakanya-kanya na lang tayo. Para sa atin lang ang biyaya. Nakikita natin ito sa mga digmaan ng nangyayari sa Ukraine at sa Israel. Gustong samsamin ng Russia ang Ukraine. Ayaw ibahagi ng mga Israelis ang lupain ng Israel sa mga Palestinians. Marami rin ang problema ng mga migrants. Ayaw papasukin ng mga mayayamang bansa sa Europa at sa America ang libu-libong mga migrante sa kanilang mga bansa. Ayaw ibahagi ang kanilang kayamanan. Nangyayari din ito sa atin. Sinasaklaw ng Tsina ang West Philippine Sea. Inaangkin ang hindi naman kanila at binu-bully tayo. Pinagkakait ang pagpapala, hindi ibinabahagi.
Oo, ang sanggol ay isinilang para sa lahat. Pero sino ang nakatagpo sa kanya? Iyong mahihirap at iyong naghahanap sa kanya. Nagpadala ang Diyos ng kanyang mga anghel sa mga mahihirap na pastol na kahit na sa kadiliman ng gabi ay nagbabantay ng kanilang mga tupa. Sila ang unang binalitaan. At dahil sa sila ay naniwala, pinuntahan nila ang sabsaban at nakita ang sanggol. Talagang ang Mabuting Balita ay pinapahayag sa mga pobre. Ito rin ang ginawa ni Jesus noong siya ay nagpahayag. Umikot siya sa mga mahihirap, mga may sakit at mga makasalanan, at pinadama sa kanila ang pagkalinga ng Diyos. Kaya nga ang simbahan ay may option for the poor. Inuuna natin ang mga mahihirap. Para din sa kanila ang magandang balita ng kaligtasan. Sila ang kailangang iligtas kasi sila ang nangangailangan.
Natatagpuan din ang Diyos ng mga taong naghahanap sa kanya. Nakita siya ng mga pantas kahit na sila ay galing sa malalayong lugar. Maaaring mga dalawang taon sila naghahanap sa sanggol. Iyan ang kwento nila kay Herodes kaya noong hindi na sila bumalik sa kanya, pinapatay ng hari ang mga sanggol sa Bethlehem at sa paligid nito na nasa dalawang taon gulang pababa. Malayo ang kanilang pinanggalingan at matagal nilang hinanap pero natagpuan nila. Totoo ang sabi ni Jesus: Maghanap kayo at kayo ay makakatagpo.
Pero si Herodes at ang mga dalubhasa sa batas sa Jerusalem ay hindi nila natagpuan ang bata. Ang Bethlehem ay malapit lang sa Jerusalem – mga 10 kilometro lang. Alam nila kung saan ipapanganak ang bata – matatagpuan ito sa Banal na Kasulatan. Kaya noong tinanong ni Herodes ang mga experts sa Bible, kaagad natukoy nila. “Ikaw Bethlehem sa lupain ng Juda… sa iyo lilitaw ang isang pinuno na mamamahala sa aking bayang Israel.” Pero hindi sila interested na puntahan ang bata. Hindi natin matatagpuan ang manliligtas dahil sa may alam tayo. Kailangan natin puntahan siya, sadyain siya. Pumunta ang Diyos sa kanyang bayan at hindi siya natagpuan, hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan. Mga dayuhan pa ang nagpahalaga sa kanya.
Ngayon araw pinapansin ng simbahan sa buong mundo ang simbahan sa African continent. May second collection tayo para sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa Africa. Handa nilang tanggapin si Jesus. May mga misyonero na nagtratrabaho doon. Si Jesus ay dumating para din sa lahat. Tayong biniyayaan na makilala si Jesus at manalig sa kanya ay may tungkuling ipakilala siya sa iba. Kaya nga we are gifted to give. Ano mang biyaya na natanggap natin sa Diyos ay hindi lang para sa atin. Ito rin ay para sa iba. Ang ating kayamanan, ari-arian, talino, oportunidad – ang mga ito ay pinasasalamat natin at ang mga ito ay sinisikap nating ibahagi sa iba. Maging daluyan tayo ng kabutihan ng Diyos na para sa lahat. Ito ang hamon ng ating pagiging katoliko – pangkalahatan tayo. Kaya nga ang simbolo ng epiphania ay ang liwanag ng bituin. Ito ay nakikita ng lahat. Ito ay para sa lahat. Ngunit ang makikinabang sa liwanag na ito ay aalis sa kanilang kinaroroonan, upang hanapin ang kaligtasan na itinuturo ng liwanag.