Iginiit ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Office on Stewardship na mahalagang paglaanan ng panahon ang Panginoon upang higit na mapalapit ang tao.
Ito ang mensahe ng obispo kaugnay sa isinusulong na programa ng simbahan na ‘spirituality of stewardship’ na layong mabuksan ang kaisipan ng mananampalataya tungo sa pagiging mabuting katiwala ng Panginoon.
Paliwanag ni Bishop Pabillo na kabilang dito ang pagiging katiwala sa panahon, talento at kayamanan na ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan at iginiit ang kahalagahan ng pagbibigay panahon para sa Panginoon.
“Ang pinakamahalaga dito ay ang Stewardship of Time. Magbibigay tayo ng panahon para sa Diyos upang madevelop ang ating relationship sa kanya. Hindi tayo nagkakaroon ng relationship sa isang tao o sa Diyos man kung hindi tayo magbibigay ng panahon para sa kanya – na tayo ay magdasal, na tayo ay magbasa ng Bibliya, na tayo ay magsisimba upang lalu siyang makilala,” ayon sa pahayag ni Bishop Pabillo.
Paalala ng opisyal na hindi dahilan ang pagiging makasalanan upang lumayo sa Diyos, sapagkat ibinibigay ng Panginoon ang habag at awa sa bawat makasalanang buong pusong nagsisisi.
Nawa’y matutuhan ng bawat isa ayon sa obispo ang pagiging mapagpakumbabang aminin ang pagkakasala at maglaan ng panahon na makipag-ugnayan sa Panginoon.
“Ang ating nakaraan ay hindi hadlang sa pagtanggap sa atin ng Diyos … Ang hindi nagbabago sa Diyos ay ang kanyang habag. Dahil sa kanyang habag makakalapit tayo palagi sa Diyos. Tatanggapin niya tayo,” ani Bishop Pabillo.