Paggunita kay Santa Escolastica, dalaga
1 Hari 12, 26-32; 13, 33-34
Salmo 105, 6-7a. 19-20. 21-22
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Marcos 8, 1-10
Memorial of St. Scholastica, Virgin (White)
Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
1 Hari 12, 26-32; 13, 33-34
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, sumaisip ni Jeroboam na kung magpapatuloy ang dating kaugalian ng kanyang mga nasasakupan, malamang na manumbalik ang mga iyon sa angkan ni David. Ito ang sabi niya sa sarili: “Kapag ang mga taong ito’y hindi tumigil sa pagpunta sa Templo ng Panginoon sa Jerusalem upang mag-alay ng mga handog, mahuhulog uli ang kanilang loob sa dati nilang panginoon, si Roboam na hari ng Juda, at ako’y kanilang papatayin.”
Kaya nga, matapos mapagkuru-kuro ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang toreteng ginto at sinabi sa bayan: “Huwag na kayong mag-abalang umahon sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong Diyos na humango sa inyo sa Egipto.” Inilagay niya ang isa sa Betel at isa nama’y sa Dan; at ang bagay na ito’y naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. May mga pumunta sa Betel upang sambahin iyong una; mayroon namang nagtungo sa Dan upang sambahin ang ikalawa. Nagtayo pa siya ng mga sambahan sa burol at naglagay ng mga saserdoteng hindi mula sa lipi ni Levi, kundi mga karaniwang tao lamang.
Ginawa niyang pista ang ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan ng taon, katulad ng kapistahang ipinagdiriwang sa Juda. Naghandog siya sa dambana sa Betel sa mga toreteng ginto na kanyang ginawa roon at pinapaglingkod niya roon ang mga saserdoteng inilagay niya sa mga sambahan sa burol.
Sa kabila ng ganitong mga pangyayari, hindi tumigil si Jeroboam sa kanyang masamang gawain. Patuloy pa rin siya sa paglalagay ng mga saserdoteng hindi mula sa lipi ni Levi. Sinumang may gusto ay ginagawa niyang saserdote ng mga sambahan sa burol. Dahil sa mga ginawang ito ni Jeroboam, kinamuhian ng Diyos ang kanyang sambahayan. Ito ang naging sanhi ng hindi niya pananatili sa pagkahari.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 6-7a. 19-20. 21-22
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
ang aming ginawa’y tunay na di tumpak, pawang kasamaan.
Ang magulang namin nang nasa Egipto, hindi alumana
ang kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Sa may Bundok ng Horeb, doon ay naghugis niyong gintong baka,
matapos mahugis ang ginawa nila’y kanilang sinamba.
Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Kanilang nilimot ang Panginoong Diyos, ang Tagapagligtas,
na yaong ginawa doon sa Egipto’y kagila-gilalas.
Sa lupaing iyon ang ginawa niya’y tunay na himala.
Sa Dagat na Tambo yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
ALELUYA
Mateo 4, 4b
Aleluya! Aleluya!
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal
na pagkaing kanyang bigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong mga araw na iyon, muling nagkatipon ang mga tao. Naubos na nila ang kanilang pagkain, kaya’t tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko nang gutom, mahihilo sila sa daan – galing pa naman sa malayo ang ilan sa kanila.” “Saan po tayo kukuha ng tinapay dito sa ilang para magkasya sa ganito karaming tao?” tugon ng mga alagad. “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Hesus. “Pito po,” sagot nila.
Ang mga tao’y pinaupo ni Hesus sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay, at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Gayun nga ang ginawa ng mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos, at iniutos niyang ibigay din iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog; at nang tipunin nila ang mga pira-pirasong tinapay na lumabis, nakapuno sila ng pitong bakol na malalaki. At may apatnalibo ang kumain. Pinayaon ni Hesus ang mga tao, saka siya sumakay sa bangka, at nagtungo sa lupain ng Dalmanuta.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Sa pagpapakain ng limanlibong tao, ipinakita ng ating Panginoon na ang Diyos Ama ang siyang nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan. Hilingin natin sa kanya ang lahat ng biyayang ipagkakaloob niya sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, paapawin Mo sa amin ang iyong pagmamahal.
Ang ating mga pastol, lalo na ang Santo Papa at mga obispo, nawa’y patuloy tayong bigyan ng mga tamang katuruan sa pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may tungkulin upang labanan ang taggutom nawa’y maging matagumpay sa kanilang pagsusumikap na mapakain ang mga milyun-milyong nagugutom na tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagugutom kay Kristo nawa’y matagpuan ang iisang Panginoon, iisang pananampalataya, at iisang binyag, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga may kapansanan nawa’y makatagpo ng kalinga, suporta, at kasiyahan mula sa kanilang mga pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y makarating sa walang hanggang kasiyahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, binigyan mo kami ng tinapay buhat sa Langit upang maging pagkain namin sa aming paglalakbay. Gabayan mo ang bawat hakbang namin sa daan ng katarungan at kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.