Apostolic Vicariate

of Taytay, Northern Palawan

MARTES, PEBRERO 13, 2024

Martes ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Santiago 1, 12-18
Salmo 93, 12-13a. 14-15. 18-19

Mapalad ang tumatanggap
ng aral ng Poong tapat.

Marcos 8, 14-21

Tuesday of the Sixth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Santiago 1, 12-18

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago

Mapalad ang taong nananatiling tapat, sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos siyang subukin, tatanggap siya ng putong. Ito’y ang buhay na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya. Huwag sabihin ninuman kapag siya’y dumaranas ng pagsubok, na tinutukso siya ng Diyos. Sapagkat ang Diyos ay hindi matutukso ng masama at hindi naman niya tinutukso ang sinuman. Natutukso ang tao kapag siya’y naakit at napatangay sa sariling pita. Kapag ang pita ay tumubo at nag-ugat, nagbubunga ito ng pagkakasala. Kapag lumala ang kasalanan, ito’y nagbubunga ng kamatayan.

Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. Bawat kaloob na mabuti at ganap ay buhat sa langit, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa langit. Hindi niya tayo iniiwan o binabayaan man sa dilim. Niloob niyang tayo’y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang matangi tayo at maging higit sa lahat ng kanyang mga nilalang.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 93, 12-13a. 14-15. 18-19

Mapalad ang tumatanggap
ng aral ng Poong tapat.

Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,
silang sa ’yo’y tumatanggap ng turo sa kautusan.
Pagkat sila’y magdaranas ng saglit na ginhawa,
hanggang yaong masasama’y mahulog sa hukay nila.

Mapalad ang tumatanggap
ng aral ng Poong tapat.

Ang lingkod ng Panginoo’y hindi niya iiwanan,
yaong mga hirang niya’y hindi niya tatalikdan;
mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.

Mapalad ang tumatanggap
ng aral ng Poong tapat.

Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko’y dumudulas,”
dahilan sa pag-ibig mo, O Diyos, ako’y tumatatag.
Kung ako ay ginugulo ng maraming suliranin,
ang wagas na pag-ibig mo ang sa aki’y umaaliw.

Mapalad ang tumatanggap
ng aral ng Poong tapat.

ALELUYA
Juan 14, 23

Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 8, 14-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, nalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay, at iisa lang ang kanilang tinapay sa bangka. “Kaiingat kayo! Ilagan ninyo ang lebadura ng mga Pariseo at ang lebadura ni Herodes,” babala ni Hesus sa kanila. Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya niya sinabi iyon.” Alam ito ni Hesus, kaya’t sila’y tinanong niya, “Bakit ninyo pinag-uusapan na kayo’y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakababatid o nakauunawa? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? Wala ba kayong mata? Wala ba kayong tainga? Nakalimutan na ba ninyo nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibo? Ilang bakol ang napuno ninyo sa mga lumabis na tinapay?” “Labindalawa po,” tugon nila. ‘At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apatnalibo, ilang bakol na malalaki ang napuno ninyo?” tanong niya. “Pitong bakol po,” tugon nila. “At hindi pa rin ninyo nauunawaan?” wika niya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

Natitipon tayo bilang sambayanan ng Diyos; dalhin natin ang ating mga pangangailangan sa Ama, panatag ang ating kalooban na tayo’y kanyang pagbibigyan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Maibiging Ama, akayin Mo kami sa iyong pamamaraan.

Ang ating mga pastol sa Simbahan nawa’y italaga nang buong-buo ang kanilang buhay sa pagpapahayag ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng kanilang pagsaksi sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magulang at guro nawa’y maging mga buhay na huwaran ng pananampalataya sa mga taong nasa kanilang pag-aaruga, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y maibigay ang lahat ng ating makakaya para gawin ang nararapat at nawa ang Salita ng Diyos ang siyang magbigay sa atin ng lakas para sa anumang gagawin natin, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y magpakita ng malasakit sa mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng bagong buhay at kapahingahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Makalangit na Ama, palalimin mo ang aming pananampalataya upang lumago kami sa iyong pag-ibig at laging maglingkod sa iyo nang may mapagbigay at malinis na puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top