Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan
Isaias 1, 10-17
Salmo 49, 8-9. 16bk-17, 21 at 23
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Mateo 10, 34 – 11, 1
Memorial of St. Bonaventure, Bishop and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Isaias 1, 10-17
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Mga pinuno ng Sodoma,
pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon;
mga namamayan sa Gomorra,
pakinggan ninyo ang aral ng ating Diyos.
Ang sabi niya, “Walang halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog.
Sawa na ako sa mga tupang sinusunog
at sa taba ng bakang inihahandog;
hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro at mga kambing.
Sino ang may sabi sa inyong magdala niyan sa harap ko?
Sino ang may utos sa inyong magparoo’t parito sa aking templo?
Huwag na kayong maghahandog nang paimbabaw;
nasusuklam ako sa usok niyan,
nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga,
dahil sa pananatili ninyo sa inyong kasalanan.
Labis akong nasusuklam
sa inyong pagdiriwang ng Bagong Buwan
at iba pang kapistahan;
suyang-suya na ako sa mga iyan
at hindi ko na matatagalan.
Kapag kayo’y tumawag sa akin,
ibabaling ko sa malayo ang aking mukha.
Hindi ko kayo papansinin
kahit na kayo’y manalangin nang manalangin.
Hindi ko kayo pakikinggan
sapagkat marami kayong inutang na buhay.
Magpakabuti na kayo, magbalik-loob sa akin;
talikdan na ninyo ang masasamang gawain.
Tumigil na kayo ng paggawa ng masama.
Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti;
pairalin ang katarungan;
itigil ang pang-aapi;
tulungan ang mga ulila;
ipagtanggol ang mga balo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 8-9. 16bk-17, 21 at 23
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana’y sinusunog,
bagaman ang mga toro’y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Bakit ninyo inuusal yaong aking mga utos?
At bakit ang paksa ninyo ay sa tipan natutungod?
Pag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin yaong aking mga utos.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Kahit ito ay ginawa hindi kayo alumana,
kaya naman ang akala, kayo’t ako’y magkaisa;
ngunit ngayon, panahon nang kayo’y aking pagwikaan
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
Ang parangal na nais ko na sa aki’y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
ALELUYA
Mateo 5, 10
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang inuusig
sa gawang puspos ng bait,
pagkat may kakamting langit.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 10, 34 – 11, 1
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Sapagkat naparito ako upang papaglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang kaaway ng isang tao’y ang kanya na ring kasambahay.
“Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.
“Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa siya’y propeta ay tatanggap ng gantimpala ukol sa propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa siya’y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala.”
Matapos tagubilinan ang labindalawang alagad, umalis si Hesus upang magturo at mangaral sa mga bayang malapit doon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Kung tapat tayo kay Kristo, huwag natin asahan na magiging sikat tayo. Nawa’y hubugin ang ating mga hangarin ng hiwagang ito ng Kaharian ng Langit.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ikaw ang aming buhay.
Ang mga miyembro ng Simbahan nawa’y maging matapang at lagi nang tapat sa pananampalataya sa gitna ng pakikipagtunggali at pag-uusig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y magkaroon ng lakas at tapang upang gabayan ang kanilang mga anak sa daan ng pananampalataya at Kristiyanong pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y magkaroon ng lakas na mapaglabanan ang impluwensya ng kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga nalulumbay, mga naliligalig at yaong nagdurusa sa isip at katawan nawa’y hipuin ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namayapa nawa’y maging masayang walang hanggan sa Kaharian ng Diyos Ama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, ipinadala mo ang iyong Anak upang tulungan kami sa aming mga pakikibaka sa buhay. Bigyan mo kami ng kapanatagan sa kabila ng aming pagdurusa, at bigyan mo kami ng lakas na kumilos nang mayroong pananalig sa iyong salita. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.