Huwebes sa Ika-2 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Jeremias 17, 5-10
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Lucas 16, 19-31
Thursday of the Second Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Jeremias 17, 5-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Sinasabi ng Panginoon,
“Parurusahan ko ang sinumang tumatalikod sa akin,
at nagtitiwala sa kanyang kapwa,
sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.
Ang katulad niya’y halamang tumubo sa ilang,
sa lupang tigang, at sa lupang maalat na walang ibang tumutubo;
walang mabuting mangyayari sa kanya.
“Ngunit maligaya ang taong nananalig sa Panginoon,
pagpapalain ang umaasa sa kanya.
Ang katulad niya’y halamang nakatanim sa tabi ng batisan,
ang mga ugat ay patungo sa tubig;
hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init,
sapagkat mamamalaging luntian ang mga dahon nito,
kahit di umulan ay wala itong aalalahanin;
patuloy pa rin itong mamumunga.
“Sino ang makauunawa sa puso ng tao?
Ito’y magdaraya at walang katulad;
Wala nang lunas ang kanyang kabulukan.
Akong Panginoon ang sumisiyasat sa isip
at sumusubok sa puso ng mga tao.
Ginagantihan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay,
at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitiyak na magtatagumpay.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 8, 15
Mapalad ang nag-iingat
sa kanyang pusong matapat
ng Salitang nagbubuhat
sa Poong D’yos ng liwanag,
sa t’yaga’y aaning ganap.
MABUTING BALITA
Lucas 16, 19-31
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman, at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa Hades, tumingala ang mayaman at kanyang natanaw sa malayo si Abraham, kapiling ni Lazaro. At sumigaw siya, ‘Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro’y nagtiis ng kahirapan. Ngunit ngayo’y inaaliw siya rito, samantalang ikaw nama’y nagdurusa. Higit sa lahat, inilagay sa pagitan natin ang isang malaking bangin upang ang mga narini ay hindi makapariyan at ang mga nariyan ay hindi makaparini.’ At sinabi ng mayaman, ‘Kung gayun po, Amang Abraham, ipinamamanhik ko sa inyong papuntahin si Lazaro sa bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki. Paparoonin nga ninyo siya upang balaan sila at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; pakinggan nila ang mga iyon.’ ‘Hindi po sapat ang mga iyon,’ tugon niya, ‘ngunit kung pumunta sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, tatalikdan nila ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Huwebes
Habang inaalaala natin ang mga pangangailangan ng mga dukha, lumapit tayo sa ating Diyos na nagbahagi sa lahat ng kanyang kayamanan sa pagsusugo ng kanyang Anak sa mundo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng mga dukha, pagpalain Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y ipadama ang habag ni Kristo sa mga dukha na nagpupunyagi para sa isang higit na makatarungang lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga natutuksong maging alipin ng kayamanan at kapanatagang dulot ng mga materyal na bagay nawa’y makaunawa na nagmumula ang espiritwal na kahirapan sa pagtangging magbahagi sa kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y tumanggap ng biyayang magpakita ng awa at habag, pag-unawa at pagiging bukas-palad sa mga nangangailangan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y palakasin ng init ng mapagmahal na presensya ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y makabahagi sa kaligayahan at kapayapaan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, sa iyong pag-ibig at habag, puspusin mo kami ng iyong nag-uumapaw na kabutihang-loob at tulungan kaming dumamay sa mga kapuspalad. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.