Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro
1 Pedro 5, 1-4
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Mateo 16, 13-19
Feast of Chair of St. Peter the Apostle (White)
UNANG PAGBASA
1 Pedro 5, 1-4
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro
Mga pinakamamahal, sa matatandang namamahala sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang tulad ninyo. Nasaksihan ko ang paghihirap ni Kristo at makakahati naman ako sa karangalang nalalapit nang ipahayag. Ipinamamanhik kong alagaan ninyo ang kawang ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob, hindi napipilitan lamang, sapagkat iyan ang ibig ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa masakim na paghahangad ng pansariling kapakinabangan, kundi sa katuwaang maglingkod; hindi bilang panginoon ng inyong mga nasasakupan, kundi bilang uliran ng inyong mga kawan. At pagparito ng Pangulong Pastol ay tatanggap kayo ng maningning na koronang di kukupas kailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 16, 18
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbabawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.