Apostolic Vicariate

of Taytay, Northern Palawan

HOMILY| SOLEMNITY OF THE NATIVITY OF OUR LORD JESUS CHRIST – CHRISTMAS DAY

HOMILY
SOLEMNITY OF THE NATIVITY OF OUR LORD JESUS CHRIST – CHRISTMAS DAY
Merry Christmas sa inyong lahat! Naka-ilang Christmas party na kayo? Ang karamihan ay nagmamadaling mag-Christmas party at ito ay ginagawa bago magpasko. Parang laos na ang Christmas party pagtapos ng December 25. Pero ngayon pa lang ang pasko! Ngayon dapat tayo magdiwang. Ang Diyos ay naging tao, naging tulad natin. Iyan ang ipinagdiriwang natin.
Isa sa mga ginagawa sa Christmas party ay ang exchange gift. Marami na tayong karanasan sa exchange gifts, mula pa nang pagkabata natin. Madalas na mangyari na marami ay disappointed pagtanggap nila ng kanilang regalo. Parang lugi sila. Mas maganda at mas mahal ang kanilang binigay kaysa kanilang natanggap. Hindi patas ang regalo!
Saan nanggaling ang kaugaliang ito ng exchange gift sa Christmas party? Maaaring ito ay nanggaling sa original na exchange sa unang Christmas – nag-exchange gift ang Diyos at ang tao. Binigay natin ang ating pagkatao sa Diyos at binigay naman ng Diyos ang kanyang pagka-Diyos sa atin. “Naging tao ang Salita ng Diyos at siya’y nanirahan sa piling natin.” “Ang nananalig sa Diyos ay pinagkalooban niya ng karapatang maging anak ng Diyos.” Binigay natin ang ating laman, ang ating pagkatao sa Anak ng Diyos upang tayo naman ay tumanggap ng kanyang pagka-Diyos. Pumunta ang Diyos sa lupa at nanirahan sa piling natin upang tayo naman ay makapunta sa langit at makapiling niya magpakailanman.
Patas ba ang ating exchange gift sa Diyos? Hindi yata patas. Ang ating pagkatao ay makasalanan, ang kanyang pagka-Diyos ay puno ng kadalisayan; ang ating pagkatao ay mamamatay, ang kanyang pagka-Diyos ay magpasawalang hanggan; ang ating pagkatao ay mahina at marupok, ang kanyang pagka-Diyos ay puspos ng kaluwalhatian. Hindi pantay ang dalawang regalo, pero nagreklamo ba ang Diyos na lugi siya? Hindi! Ang nagreklamo ay ang ilang anghel. Dito daw nagsimula ang pagrebelde ni Lucifer, ang pinakamagandang anghel. Dahil sa pagrerebeldeng ito si Lucifer naging demonyo. Nilaktawan ng Diyos ang mga anghel sa pagiging tao niya. Mas pinahalagahan niya ang tao kaysa ang anghel. At ngayong naging tao na ang Diyos, dapat na sambahin ng mga anghel ang isang tao. Narinig natin sa ating ikalawang pagbasa: “Nang suguin na ng Diyos ang kanyang bugtong na anak sa sanlibutan ay sinabi niya, ‘Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.’”
Huwag nating ipagmayabang ito kundi ipasalamat. Ang diwa na mamamayani sa atin tuwing Pasko ay pasasalamat. Oo, nagpapasalamat tayo sa mga Christmas bonus, sa mga masasarap na pagkain, at sa mga regalo na natanggap natin. Ngunit higit pa rito, magpasalamat tayo sa Diyos na lumapit sa atin, na naging isa na siyang tao tulad natin. Hindi na siya isang makapangyarihan na hindi natin maaabot. Kung noong una nagpapaabot siya ng kanyang mga mensahe sa pamamagitan ng mga propeta at ng mga tao na pinadala niya, ngayon ang Anak na niya mismo ang nagsasalita sa atin. Itong Salita ng Diyos na dumating ay kasama na ng Diyos sa pasimula pa. Siya ang dahilan bakit nilikha ng Diyos ang buong mundo. Siya ang simula ng lahat ng buhay. Siya ang liwanag ng mundo. “Ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa lahat ng tao ay dumating sa sanlibutan.” Siya iyong naging tao, naging isang tao na tulad natin. Kung talagang iisipin natin, hindi natin ito ma-imagine. Talagang nagpakababa siya para makapantay niya tayo. At bakit? Dahil sa mahal niya tayo. Gusto niyang makipag-ugnay sa atin. Sino ba naman tayong mga tao na mahalin ng ganoon na lang ng Diyos!
Hindi ito matalos ng ating kaisipan at ng ating imagination. Dahil sa hindi natin kayang isipin, pinabayaan na lang natin siya. “Nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutan. Naparito siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan.” Iyan ang malungkot. Kaya sa halip na pansinin siya at isipin kung gaano kalaki ang pag-ibig niya sa atin – pinagkakaabalahan na lang natin ang mga palamuti ng Pasko – ang mga material na regalo, ang pera, ang pagkain, ang mga damit, ang bakasyon at marami pang iba – marami pang iba maliban si Jesus, ang anak ng Diyos na naging tao. Ni hindi man natin na-appreciate ang pagdating ni Jesus, kaya hindi natin napapasalamatan ang Diyos sa dakilang regalong ito.
Sobra ang ating natanggap sa Diyos kaysa ating ibinigay sa kanya. Pahalagahan naman natin ang regalo na natanggap natin. Binigay sa atin ang kanyang pagka-Diyos. Pahalagahan at isabuhay natin ito. Let us live the divine life that is in us. Hindi lang tayo makatao. Maka-Diyos tayo. Ibinalik ng Diyos ang original na balak niya sa atin, na tayo ay kawangis niya. We are the image and likeness of God. Dahil sa maka-Diyos tayo, may mga bagay na hindi karapat-dapat sa atin, tulad ng pagmumura, tulad ng pagka-inggit, tulad ng pagsasamantala sa iba, tulad ng mga gawaing mahalay. Hindi dapat tayo maging mukhang pera. Hindi dapat makasarili o mayabang. Pahalagahan po natin ang ating pagiging maka-Diyos.
Paano ba mabubuhay ang isang tao na may buhay ng Diyos? Tingnan natin si Jesus. Ang buhay niya ay ang buhay ng isang taong Diyos. Siya ay masunurin sa Diyos Ama. Sinabi niya na ang pagkain niya ay sundin ang kalooban ng Ama. Puno siya ng tiwala sa Ama kaya simple lang ang buhay niya at hindi siya materialistic. Bakit pagka-abalahan ang mga bagay-bagay na bibigyan naman tayo ng Diyos ng mga talagang kailangan natin? Mahal niya ang kanyang kapwa, kaya matulungin siya at ginagabayan sila sa wastong landas; hindi siya nagsasamantala sa mga bata, sa mga mahihirap, sa mga babae, at sa mga dayuhan. Gayahin natin si Jesus upang maisabuhay natin ang regalo ng Pagka-Diyos na tinanggap natin sa Pasko. Kaya ma-sa-summarize natin ang buhay ni Jesus na buhay na masunurin – obedient; buhay na dalisay – chaste; at buhay na dukha – poor. Ito ang tatlong katangian ng buhay ng tao na Diyos. Ganito si Jesus. Sana matuto din tayong maging obedient, chaste and poor.
Masaya ang nagbigay ng regalo kung na-appreciate ang regalo niya at ito ay ginagamit. Masaya ang Diyos kung napapahalagahan natin ang regalo niya. Pinadala niya ang kanyang Anak upang ibigay sa atin ang kanyang buhay. Isabuhay natin ang ating pagiging anak ng Diyos. Hindi lang natin tanggapin si Jesus. Gayahin natin siya.
Bishop Broderick Pabillo
Scroll to Top