Apostolic Vicariate

of Taytay, Northern Palawan

Homily, Solemnity of the Mary the Mother of God Cycle A World Day of Prayer for Peace

Solemnity of the Mary the Mother of God Cycle A
World Day of Prayer for Peace
Num 6:22-27 Gal 4:4-7 Lk 2: 16-21
Kilala ang January 1 na New Year’s Day. Ito ang unang araw ng bagong taon. Sa ating misa ipinapasalamat natin ang taong nakaraan at pinapaubaya natin sa Diyos ang bagong taon. Para sa simbahan naman, ang January 1 ay ang huling araw ng Christmas Octave, ang walong araw ng pagdiriwang ng Pasko. Napakadakilang kapistahan ang Pasko na hindi sapat na ipagdiwang ito ng isang araw lamang. Ipinagdiriwang natin ito ng walong araw. Bilang ika-walong araw pagkapanganak kay Jesus, ito rin ang araw ng pagtutuli sa kanya ayon sa kaugalian ng mga Hudyo – at alalahanin natin na si Jesus ay isang Hudyo. Sa pagtutuli ng bata, doon siya binibigyan ng kanyang pangalan. Kaya ang sanggol na isinilang noong December 25 ay binigyan ng pangalan ni Jose na Jesus ayon sa sinabi ng anghel sa kanya. Tinawag siya na Jesus kasi siya ang tagapagligtas sa ating mga kasalanan. Ngayong araw din ay ang ika-58 na taon ng pagdiriwang ng World Day of Prayer for Peace. Kapayapaan ang hangarin nating lahat, lalo na ngayon na patuloy ang digmaan sa Ukraine, patuloy pa rin ang barilan sa Gaza at sa West Bank sa Israel kahit na may ceasefire kuno. Lumalala ang digmaan sa Sudan at ganoon din sa Myanmar. Nagsisimula ang labanan sa Thailand at Cambodia. Noon pa sinabi ni Papa Francisco na parang nasa mga World War III na tayo dahil ang mga digmaan ay nasa maraming bahagi ng mundo. Ipagdasal natin sa Diyos na pagkalooban ang mundo ng kapayapaan. Ang kapayapaan ay isang regalo ng Diyos. Kaya hindi tayo magsawang manalangin sa Diyos na pagkalooban tayo nito. Palambutin nawa ang mga puso ng mga leaders at pairalin sa puso ng bawat tao ang hangarin ng kapayapaan. Sana matuto tayo na kung anuman ang ipinaglalaban natin, kahit gaano man kabuti, hindi natin ito makukuha sa pamamagitan ng paraang madahas na nakakasakit sa iba at nagdadala pa ng kamatayan. Ito ang mensahe ni Papa Leon ngayon: Isang kapayapaan na hindi nagdadala ng armas: unarmed and disarming peace. Nagkakaroon ng kapayapaan at katarungan sa pamamagitan lamang ng mapayapang pamamaraan. Huwag tayong maniniwala tulad ng mga namumuno sa mundo ngayon, na magkakaroon tayo ng kapayapaan kung malakas tayo at matakot ang iba na salakayin tayo. Kaya ang nangyayari ngayon ay gawa ng gawa at bili ng bili ng mga armas at bomba para magkaroon ng kapayapaan. Kung ang pera na ginugugol na magkaroon ng armas ay ginagamit na magpagawa ng ospital, gumawa ng mga gamot at pagkain, magpatayo ng mga bahay, magkaroon ng trabaho ang mga tao, mawawala na ang maraming kahirapan sa mundo.
Nagpapasalamat tayo sa Diyos na nakatungtong na tayo ngayon sa taong 2026. Hindi naging madali ang 2025. Ito ay taon ng Jubileo ng Pag-asa pero marami pa rin ang nawawalan ng pag-asa. Ilang bagyo at baha ang nangyari ang ating bansa at sa marami pang bansa dito sa Asia. Nilindol ang Cebu. Tumataas pa rin ang presyo ng bilihin lalo na ng gasolina. Hindi tayo nakakahanap ng bigas na 25 pesos lang. Nabigla tayo sa multo ng korapsyon. Ginagamit pala ng mga politiko ang buwis natin para sa mga bahay, mga kotse, mga eroplano at mga bakasyon nila. Hindi naging madali ang taong 2025 pero dumaan din ang taong iyon.
Ngayong nasa 2026 na tayo, ano kaya ang dadalhin ng bagong taong ito? Mahirap mahulaan. Pero tayong mga Kristiyano ay naniniwala na ang kasaysayan ay nasa kamay ng Diyos. Siya ang Panginoon ng Kasaysayan. Hindi lang siya nanunuod sa mga ginagawa natin. Ang Diyos ay nakikilakbay sa atin. Involved din siya sa ating kasaysayan. Pumasok siya at naging bahagi siya ng kasaysayan noong siya ay isinilang bilang isang tao. Siya ang Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin. Patuloy niyang ginagabayan ang ating kasaysayan tungo sa kaligtasan. Kaya umasa tayo sa kanya, at tulad ni Maria, itanim natin sa ating isip ang anumang mangyari at pagbulay-bulayan ang mga ito. Sikapin nating unawain ang kagustuhan at layunin ng Diyos sa mga pangyayari. Tanggapin natin ang bendisyon na sinabi ng Panginoon kay Moises na ibigay ng paring si Aaron sa mga tao: “Pagpalain ka nawa at ingatan ng Panginoon; nawa’y kahabagan ka niya at subaybayan; lingapin ka nawa niya at bigyan ng kapayapaan.” Kahit anuman ang mangyari basta nandiyan ang Diyos na mag-iingat sa atin, makakayanan natin ang lahat! Mabisa ang bendisyon ng Diyos. Kaya sa simula ng taon, mahigpit nating hawakan ang kamay ng Diyos sa tulong ng ating Mahal na Ina.
Sa unang araw ng taon, piniprisenta sa atin si Maria sa pinakamahalagang title niya – na siya ang Ina ng Diyos. Oo, si Maria ay isang ina. Pero hindi lang siya isang pangkaraniwang ina, dahil si Jesus na anak niya ay hindi lang pangkaraniwan. Si Jesus ay hindi lang tao, siya ay Diyos na naging tao. Kaya masasabi natin na si Maria ay Ina ng Diyos kasi ang anak niya ay Diyos. Naging tao ang Diyos upang ibahagi niya sa atin ang kanyang pagka-Diyos. Ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu upang makatawag tayo sa Diyos ng “Ama! Ama ko!” Kaya naging anak tayo ng Diyos dahil sa Espiritung Banal. Anak tayo ng Diyos at kapatid natin si Jesus. Dahil dito ang nanay ng Anak ng Diyos ay naging nanay na rin natin. Si Maria ay ina ng Diyos at ina din natin.
Kailangan natin ng nanay sa simula ng ating buhay. Tanggapin din natin si Maria na ina natin sa simula ng bagong taon. Ang presensiya ng nanay ay nagpapatatag sa atin. Tulad ng kinalinga ni Maria ang kanyang anak na si Jesus, kakalingain din niya tayo na mga kapatid ng anak niya. Sikapin lang natin na maging tunay na kapatid ni Jesus.
Ang pananampalatayang Kristiyano ay pananampalataya kay Kristo na ating Panginoon at ating kapatid. Si Jesus ay ating Panginoon sapagkat siya ay Diyos. Siya ay ating kapatid sapagkat siya ay kapwa tao natin. Hingin natin ang tulong ni Mama Mary na lumago tayo bilang tunay na mga kapatid ni Jesus.
Sa tulong ng Mahal na Ina pagsikapan nating palalimin at palawakin ang ating pananalig sa Diyos. Ngayong taon, maging aktibo tayo at generous sa pagbibigay ng panahon para manalangin, sa pagbibigay ng serbisyo sa simbahan, at sa pagbabahagi ng ating yaman upang suportahan ang mga gawain ng pagpapalawak ng pananampalataya. Magbalik handog tayo ng panahon, ng serbisyo at ng kayamanan. Sa simula ng taong 2026 na ito, patatagin natin ang ating desisyon na maging generous tayo. Ang ating generosity ay tanda ng ating pananalig at pag-ibig sa Diyos. Hindi natin matatalo ang Diyos sa pagkamapagbigay.
Let us start this year not with doubt nor with fear, but with confidence. Naglalakbay ang Diyos kasama natin kaya maging generous tayo.
Bishop Broderick Pabillo
Scroll to Top