25th Sunday in Ordinary Time Cycle B
Wis 2:12.17-20 James 3:16-4:3 Mk 9:30-37
Si Jesus ay kilalang guro dahil sa nakikita ng marami na binibigyan niya ng panahon ang pagtuturo at nagsisikap naman siyang gumamit na iba’t-ibang paraan upang maintindihan ng mga tao ang tinuturo niya. Tinuturuan ni Jesus ang lahat ng mga lumalapit sa kanya pero nagbibigay siya ng espesyal na effort para turuan ang kanyang mga alagad. Sila ang uutusan niyang magpatuloy ng kanyang mga aral. Narinig natin sa ating ebanghelyo ngayon na habang sila ay nagdaraan sa Galilea ayaw ni Jesus na malaman ng mga tao kung nasaan sila kasi nagbibigay siya ng espesyal na lesson sa kanyang mga alagad. Pinapaabot niya sa mga alagad niya kung ano ang mangyayari sa kanya. Siya ay ipinagkakanulo at papatayin ngunit mabubuhay naman siya muli sa ikatlong araw. Hindi ito naunawaan ng mga alagad niya. Bakit kaya?
Hindi kasi sila nagtatanong. Natatakot silang magtanong. Ano naman ang kinatatakutan nila? Mabait naman si Jesus at gusto pang magpaliwanag. Natatakot silang magtanong kasi iba ang concern nila. Habang sinisikap ni Jesus ipaliwanag ang paghihirap na mangyayari sa kanya, ang kanilang concern ay kung sino sa kanila ang pinakadakila! Ang mga alagad ay sumunod kay Jesus kasi naniniwala sila na darating na ang paghahari ng Diyos at si Jesus ay ang inaasahang darating na magtatayo nito. Gusto nila na magkaposisyon sa kaharian ng Diyos. Ang pinagtatalunan nila ay kung sino sa kanila ang magkakaroon ng pangunahing posisyon. Ibang-iba ang concern nila kaysa gustong iparating ni Jesus sa kanila. Kaya natatakot silang magtanong kay Jesus kasi natatakot silang makilala ni Jesus o natatakot silang basagin ni Jesus ang kanilang pangarap na kadakilaan.
Hindi naman sila pinagsabihan ni Jesus na huwag maghangad na maging dakila. Pero sinabi ni Jesus kung ano ang paraan upang maging dakila sa kanyang kaharian. Ang pagiging dakila sa kaharian ng Diyos ay hindi iyong kadakilaan na napapansin nila sa mga kaharian sa mundo, na sila ay may espesyal na puesto, na sila ay paglilingkuran, na sila ay susundin ng mga tao. Siguro nabigla sila noong sabihin ni Jesus: “Ang sinumang nagnanais na maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”
Huwag tayong magtaka na ito ay hindi naintindihan ng labingdalawang apostol, kasi tayo, kahit na dalawang libong taong ipinapahayag ang ebanghelyo, ay hindi pa rin nakakaunawa dito. Kaya tayo sa simbahan ay nag-iisip din na mahalaga na may puwesto tayo sa simbahan, na may title tayo – na tatawaging obispo, o monsignor o president o chairman. Akala natin na ang katungkulan sa simbahan ay isang promotion o pag-akyat ng puwesto, at hindi isang paraan ng paglilingkod. Noong ako ay inannounce na maging obispo noong 2006, may nakatagpo ako na isang pari na classmate ko sa seminary. Ang bati niya sa akin ay: “Congratulations. Ang bilis ng promotion mo.” Pari na iyan, pero ang tingin pa sa pagka-obispo ay promotion! Kaya hanga ako kay Cardinal Rosales noong tinawag niya ako sa kanyang opisina at ibinalita sa akin na ako’y magiging obispo. Sabi niya: “Pinili ka ng Roma sa isang antas na paglilingkod, kung sa Inglis pa, to another level of service.” Ang pagka-obispo ay isang paglilingkod!
Kung ito ang nangyayari sa simbahan at sa mga taong simbahan ngayon na ang tingin sa posisyon ay isang karangalan at hindi isang responsibilidad, lalong hindi ito naiintindihan ng mga politiko kahit na sila ay Katoliko pa. Malapit nang mag-file ng certificate of candidacy ang mga tatakbo sa election sa Mayo 2025. Marami ay nagpaparamdam nang tatakbo. Marami, bagamat hindi sinasabi, ay tatakbo at gustong manalo kahit na sa anong paraan kasi ang posisyon sa pamahalaan ay isang karangalan at isang paraan na pagkakakitaan. Kaya ginagamit ang posisyon para sa kanilang sarili. Ang kanilang pinaglilingkuran ay mga kakampi, mga may pera at may posisyon din, at hindi ang mahihirap at ang maliliit na mga tao. Ibang iba ito sa sinabi ni Jesus: “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin, at ang sinumang tumanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.” At sino ang nagsugo kay Jesus? Ang Diyos Ama.
Dalawang libong taon na, hindi pa natin naiintindihan ang tunay na diwa ng pagiging dakila. Hindi naiintindihan ng mga masasamang tao at makamundong mga tao ang tunay na kahulugan ng paglilingkod. Hindi sa mahirap itong intindihin. Ayaw lang nilang tanggapin ang mabubuting tao na tunay na nagse-serve, kaya nilalayuan nila at ini-eliminate ang mga taong ito. Nakakakonsensya kasi sila. Sabi nila: “Pinamumukha nila sa atin na mali tayo.” Sa harap ng liwanag mas lumalabas ang kapangitan ng ugali nila. Sa ating unang pagbasa sa aklat ni Sirak galit ang masasamang tao sa mga matuwid. Sinisiraan nila ang mga ito. Hindi ba nangyayari din ito sa atin? Ngayong nagpapahiwatig na ang mga kandidato at nagkakaalaman na kung sinu-sino ang magkalaban, nagsisimula na ang siraan. Mga kapatid, hindi mabuting tao ang naninira sa kanyang kapwa. Sana sa pangangampanya sa politika ilahad lang ng mga kandidato ang kanilang programa at hindi siraan ng kalaban. Tanda na hindi mabuti ang isang tao ang naninira sa iba.
Pero bakit ba nandiyan ang paninira, nandiyan ang pag-aaway-away, at malala pa, na nandiyan ang patayan at digmaan? Sinulat ni Santiago sa ating ikalawang pagbasa na ang mga ito ay nanggagaling sa ating kalooban. Masasama ang mga salitang nasasabi natin kasi nandiyan ang kasamaan sa ating kalooban. Ang galit sa ating pagkilos ay nanggaling sa galit sa ating puso. Ang kayabangan sa ating ugali ay galing sa pagmamataas sa ating pag-iisip. Kaya mahalagang suriin ang ating budhi.
Hindi naman mahirap maintindihan ang mga aral ni Jesus kung may kabukasan tayo at kahandaan na gawin ang kanyang aral. Ang problema sa pag-unawa ay hindi lang dahil sa ating tainga, na hindi natin narinig. Hindi lang ito dahil sa ating isip, na hindi natin maabot na maintindihan. Madalas ito ay dahil sa ating puso, kamay at paa – ayaw nating gawin.