28th Sunday in Ordinary Time Cycle B
Indigenous People’s Sunday
Extreme Poverty Day
Wis 7:7-11 Heb 4, 12-13 Mk 10:17-30
Nakakahanga ang binatang lalaki sa ating ebanghelyo. Patakbo siyang lumapit kay Jesus. Masigla siyang nagtanong kay Jesus. Lumuhod pa siya sa harapan ng Panginoon. Ang kanyang tinanong ay hindi ordinaryong kahilingan. “Ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” Sino ba sa mga kabataan natin ang naghahanap ngayon ng buhay na walang hanggan? Kahit na nga tayo, sumasagi ba sa isip natin na maghanap ng buhay na walang hanggan? Madalas ang ating kahilingan ay, ano ang gagawin ko para ako makatapos sa pag-aaral ko? Paano ba ako makapagtrabaho? Paano ba humaba ang buhay ko? Paano ba magkaroon ng magandang pamilya? Hindi naman masama ang mga hangaring ito, pero ang mga ito ay mga bagay lang na lilipas at makamundo. Buhay na walang hanggan? Ito ba ay ginugusto din natin? Hinahanap-hanap ba natin ito?
Ang sagot ni Jesus sa binata. Di ano pa? Sundin mo ang mga utos ng Diyos! Ang mga batas ng Diyos na tinutukoy niya ay ang sampung utos. Ito ay binigay ng Diyos sa atin upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Nabigla at natuwa si Jesus sa sagot ng binata na ginagawa na niya ang mga ito mula pa nang pagkabata niya. Napakagaling naman ng kabataang ito. Tapat siya sa pagsunod sa mga utos at naghahanap pa baka may kailangan pa siyang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan. Magiliw siyang tiningnan ni Jesus.
Oo, mayroon pa nga siyang dapat gawin. Isa na lang ang kulang sa kanya: ipagbili ang lahat ng ari-arian niya, ipamigay ang pinagbilhan sa mga mahihirap at sumunod sa kanya. Ang binata na masiglang lumapit kay Jesus ay umalis ng malungkot. Hindi niya magawa ang huling hinihingi sa kanya. Ang dahilan? Napakayaman niya!
Mga kapatid, mahigpit ang tanikala ng kayamanan. Akala natin nagiging malaya tayo kung tayo ay mayaman. Ginagapos tayo ng kayamanan at para sa marami ito ang dahilan na pumipigil sa atin sa paglapit sa Diyos. Hindi ba nararanasan din natin ito? Mahirap magbalik handog ng yaman. Kahit lang nga 10% ay ayaw natin ibigay sa Diyos, na sa totoo lang 90% ang naiiwan sa atin. Nanghihinayang tayo na magbigay ng 10% ngunit binibigyan nga tayo ng 90% ng Diyos. Tandaan natin na ang lahat ng kayamanan at ari-arian natin ay galing sa Diyos. Hindi naman atin iyan. Balang araw, iiwan naman natin ang mga iyan.
Alam mo bakit mahirap magbigay ng 10% sa Diyos? Kasi akala natin, iyan ay pera natin, at mahirap magbigay ng ating ari-arian. Pero kung kumbinsido tayo na ang Diyos ang may-ari ng lahat at tayo ay katiwala lamang, hindi mahirap magbigay ng 10%. Kanya naman iyan, hindi ba? Binibigay ko lang sa kanya ang ari arian niya at natutuwa pa nga tayo na iniwan sa aking pamamahala ang 90%.
Ang Salita ng Diyos ay tunay na matalas at mabisa. Tumatagos ito sa ating kaluluwa. Binibisto tayo nito. Nagiging lantad sa harap natin kung talaga bang pinapahalagahan natin ang mga aral at karunungan ng Diyos, o pahapyaw lang ang ating pagnanais na ito ay sundin. Binisto ng salita ni Jesus ang tunay na kalagayan ng binatang lumapit sa kanya. Paano siya magkakamit ng buhay na walang hanggan kung ang mas mahalaga sa kanya ay ang malaking kayamanan niya?
Hindi niya naisapuso ang katuruan sa aklat ng Karunungan na ating napakinggan sa unang pagbasa. Higit na mahalaga ang karunungan na galing sa Diyos kaysa anong kapangyarihan at kayamanan. Mas matimbang ito kaysa anumang ginto o alahas. Hindi ito kukupas. Iyan ang buhay na walang hanggan.
Akala natin malulugi tayo kung pinagbibigyan natin ang Diyos. Mawawalan ba tayo kung nagbibigay tayo sa Diyos? Iyan naman ang tanong ni Pedro kay Jesus. Ano naman ang para sa amin na iniwan na namin ang lahat at sumunod sa iyo? Matatalo ba natin ang Diyos sa kabaitan at sa pagiging mapagbigay? Mas generous ba tayo kaysa Diyos? Ano ang kapalit sa pag-iwan natin ng kayamanan, ng panahon, ng hanap buhay, ng ari-arian para Diyos at para sa Magandang Balita sa ating paglilingkod sa kanya? Tandaan natin ang sagot ni Jesus. Ito ay Salita ng Diyos at siya ay maasahan. “Tandaan niyo ito: ang sinumang mag-iwan ng bahay, ng mga kapatid, ina, ama, mga anak, mga lupa, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap ng makasandaang ibayo sa buhay na ito – mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak at mga lupa – ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa kabilang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.” Ok na ba ang palitan? Sa anumang iniwan natin dahil kay Jesus, ang kapalit ay isang daang ibayo sa buhay na ito, kasama na ang pag-uusig, at sa kabilang buhay, buhay na walang hanggan?
Talagang sineryoso ng mga unang Kristiyano sa Jerusalem ang Salita na ito ni Jesus, na ang mga ari-arian nila ay ipinagbili nila at ang pinagbilhan ay ibinigay sa mga apostol at ibinahagi naman ng mga apostol ang mga perang ito sa mga mahihirap sa kanila. Kaya sa pamayanang Kristiyano walang nagdarahop kasi nagbabahaginan nila. Walang mahirap kasi walang mayaman. At lahat sila ay masaya.
Malayo pa ang kalagayan natin sa katuruan ng Diyos. Maraming mahihirap sa atin kasi kanya-kanya tayo. Maraming mahihirap kasi may mga mayayaman na patuloy pang nagpapayaman at naaalipin sila ng pera. Kawawa naman sila. Tumatalikod sila kay Jesus na malungkot na iniiwan ang hangarin ng buhay na walang hanggan.
Ngayong Linggo ay Extreme Poverty Sunday. Pinapaalaala sa atin na maraming mga tao, at dumadami pa sila, na hindi lang mahihirap, kundi lubos na mahihirap. May mga tao sa buong mundo, at sa Pilipinas din, na nagugutom, na namamatay sa mga sakit na pwede namang gamutin pero walang pangpagamot, na walang malinis na tubig, na hanggang ngayon ay no read no write. Huwag natin silang pabayaan. Pananagutan natin sila, lalo na tayo na may kaya naman.
Ngayong linggo din ay ang Indigenous Peoples’ Sunday, Linggo ng mga katutubo. Marami sa mga katutubo natin ay mahihirap at pinapahirapan pa. Kinukuha ang mga lupaing ninuno nila. Ang mga lupain nila ang minimina at sila ay nalilinlang kasi hindi sila gaano nakapag-aral. At ang malungkot pa, ang mga paaralan nila ay sinisira ng military kasi pinagbibintangan silang komunista at rebelde. Pinapanatili silang mangmang upang madaling matakot at madaling malinlang.
Pero pahalagahan natin ang mga katutubo. Sila ang may malalim na kaugnayan sa kagubatan at sa kalikasan. Ang buhay nila ay nakasalalay sa lupa at sa dagat kaya sila ang makakatulong sa atin paano pangalagaan ang mga ito. Sa Linggong ito tinatapos natin ang Season of Creation, pero hindi tayo titigil na ipagtanggol, pangalagaan at itaguyod ang kalikasan. Ito ang tanging yaman na binigay sa atin ng Diyos dito sa Palawan. Tulad ng mga katutubo, maging mabubuting katiwala tayo ng kalikasan.
May second collection po tayo ngayon para sa mga grupo na tumutulong at nag-oorganisa ng mga katutubo.