Homily March 24, 2024
Palm Sunday Alay Kapwa Sunday Cycle B
Is 50:4-7 Phil 2:6-11 Mk 14:1-15:47
Sinisimulan natin ngayong araw ang Holy Week, ang Semana Santa. Banal ang Linggong ito kasi dito magaganap ang mga mahahalagang pangyayari sa ating kaligtasan – ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus, ang Anak ng Diyos na naging tao. Hinihikayat tayo sa Linggong ito na makiisa sa kanya. Dinanas niya ang mga ito para sa atin. Samahan natin siya sa ating ala-ala at ating mga panalangin upang mapahalagahan ang kanyang ginawa para sa atin.
Samahan natin ang madla sa araw na ito na tanggapin si Jesus sa ating buhay. Manalangin tayo sa kanya at papurihan siya. Siya ang dumadating sa ngalan ng Panginoon. Ang palaspas na dala-dala at iwinagayway natin ay tanda ng ating pag-welcome sa kanya. Dumadating ka Panginoon sa aking buhay. Halina, pumasok ka sa aking buhay, Panginoon.
Pinapapasok natin si Jesus hindi lang sa ating buhay kundi pati na rin sa ating katawan kapag tinatanggap natin siya sa Banal na Komunyon. Ngayong Huwebes itatatag niya ang sakramento ng Banal na Eukaristiya upang palagi nating maaalaala ang kanyang pag-aalay sa atin. Nagpaiwan siya sa anyo ng pagkain upang palagi natin siyang matanggap at palagi niya tayong mapalakas sa ating pagsunod sa kanya.
Hindi madali ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili. Hindi lang ito simbolo o ritual. Talagang ginawa niya ito, at iyan ang ating ipinagdiriwang sa Biyernes Santo. Talagang ang kanyang katawan ay natadtad ng sugat. Talagang ang kanyang dugo ay ibinuhos para sa atin. Pinaparamdam niya sa atin kung gaano tayo kahalaga para sa kanya. Ipinagpalit mo Panginoong Jesus ang iyong buhay para sa akin. Ako ang nagkasala, pero ikaw ang tumanggap ng parusa para sa akin. Binayaran mo ang aking utang. Salamat, O Panginoong Jesus.
Hindi naman nasayang ang pag-aalay ni Jesus. Ang kanyang pagpapakumbaba at ang kanyang sakripisyo ay naging kalugud-lugod sa Diyos Ama. Kaya si Jesus ay muling nabuhay. Napatawad talaga ang ating kasalanan. Natalo niya ang kamatayan na dala ng kasalanan. Natanggap niya ang bagong buhay na hindi na hawak ng kamatayan. Ang tagumpay na ito ay hindi lang kanya. Ito ay atin din, tayo na nakikiisa sa kanya. Kaya ang buhay natin ngayon ay hindi na hawak ng kasamaan. Mapagtatagumpayan na natin ang kasamaan kasi nasa atin na ang energy ng muling pagkabuhay.
Pinapasilip tayo sa mga pangyayaring ito na magaganap ngayong linggo sa ating pagbabasa ng kwento ng pagpapakasakit at muling pagkabuhay ng Panginoon sa ating ebanghelyo. Mahaba ang pagbasa natin. Inihahanda po tayo na pumasok ng pagbasang ito sa Semana Santa. Hingin natin sa banal na misang ito ang grasya ng generosity ng pagbabalik handog natin ng panahon sa Holy Week na ito.
Maraming pagkakataon na magbalik handog tayo ng panahon. Ilaan na natin ang buong linggong ito sa Panginoong Diyos. Sumali tayo sa pagbasa ng Pasyon. Ito ay ang kwento ng ating kaligtasan. Magbigay din tayo ng panahon na tumanod kasama ni Jesus sa Huwebes Santo ng gabi. Sana ang sinabi niya kay Pedro ay hindi masabi sa atin: “Natutulog ka, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lang? Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso.” Magbigay tayo ng panahon na sumama sa paggawa ng Daan ng Krus sa Biyernes Santo. Medyo mahaba-habang lakarin iyon pero sinasamahan natin si Jesus sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Makiisa din tayo sa ritual ng patatanghal ng Krus sa Biyernes Santo. Magnilay tayo sa Sabado sa pagkamatay ni Jesus para sa atin. Pero sana sa gabi ng Sabado nandoon tayo sa pinakamagandang pagdiriwang ng buong taon – ang magdamagang pag-aabang sa Muling Pagkabuhay ni Jesus. Dito natin sasariwain ang ating binyag na siyang simula ng ating buhay Kristiyano. Ito ang ating pakikiisa kay Kristo sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Sa ibang mga Parokya sa gabing ito gaganapin ang pagbibinyag ng mga hindi na bata (adult baptism). Kasama ng pagbinyag sa kanila matatanggap na ng mga bagong Kristiyano ang kumpil at ang Banal na Komunyon. Nandoon din tayo sa salubong sa madaling araw ng Linggo. Ito ay ang ating masayang pakikiisa kay Mama Mary sa pagtagpo niya sa kanyang Anak na muling nabuhay. Ang lahat ng mga ito ay mangyayari ngayong Holy Week. Magbalik handog tayo ng panahon. Makiisa tayo sa mga gawaing ito.
Ngayon din ang ating pagbabalik handog ng yaman. Dahil sa tayo ay nagsakripisyo ng buong panahong ng kuwaresma, anuman ang ating naipon ay ating ibibigay para sa ating kapwa. Kaya ngayon ay Alay Kapwa Sunday. Ang malilikom natin sa ating second collection ay ating itatabi bilang reserve fund para po sa mga tao na nasasalanta ng kalamidad. Tumitindi na ang El Nino. Marami na ang nasa state of emergency. Pagdumating ng bagyo mabuti na may pondo tayo sa agarang pagtugon sa mangangailangan. Ito po ay makukuha natin sa Alay Kapwa fund.
Ang diwa na dapat mamayani sa atin sa Holy Week ay diwa ng pagninilay, ng pagpapakumbaba at ng pasasalamat. Pinagninilayan natin ang dakilang pagmamahal ni Jesus para sa atin. Ibinigay niya ang lahat para sa atin. Hindi siya napilitan. Mahal niya ang kanyang Ama kaya naging masunurin siya hanggang kamatayan, at kamatayan sa Krus. Mahal niya tayo. Ayaw niyang mapahamak tayo kaya siya na ang tumanggap ng pasakit na dapat ay para sa atin.
Pero sino ba naman tayo na mahalin ng ganyan? Ang masama pa, hindi natin napapahalagahan ang kanyang sakripisyo. Mas pinapansin natin ang ating kagustuhan. Mas nagpapadala pa tayo sa ating galit, o katamaran, o pagkawalang bahala. Kaya tayo ay nagpapakumbabang nagsisisi. Sa harap ng kanyang dakilang pag-ibig nagiging matingkad ang ating pagkukulang. Sorry, Lord.
Nagsisisi tayo at nagpapasalamat. Kahit na tayo ay makasalanan, mahal pa rin tayo ng Diyos. Sinasama niya tayo sa kanyang tagumpay. May lakas na tayong harapin ang kasalanan at ang mga tukso dahil sa biyaya ng binyag at ng kumpil. Salamat O Jesus sa bagong buhay na binabahagi mo sa akin. Magsisikap na ako ngayon na mamuhay bilang isang taong minamahal at mahalaga sa iyo, O aking Diyos at Panginoon.