Homily March 17, 2024
5th Sunday of Lent
Jer 31:31-34 Heb 5:7-9 Jn 12:20-33
“Ibig po naming na makita si Jesus.” Ito ang sinabi ng mga Griego kay Felipe. Marahil ang mga Griegong ito ay mga dayuhan sa Jerusalem. Pinag-uusapan na noon si Jesus sa Jerusalem. Bantog na siya. Tinanggap siya ng mga tao nang maluwalhati sa kanilang lunsod. Kaya baka na-curious ang mga dayuhang ito tungkol sa kanya. Sino ba siya? Nilapitan nila si Felipe, na marahil ay nagsasalita din ng Griego. Nilapitan ni Felipe si Andres, ang apostol na unang sumunod kay Jesus, at dalawa silang lumapit kay Jesus. Ang sagot ni Jesus ay medyo malayo sa kahilingan na makita siya: “Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga ng marami.” Si Jesus na gusto nilang makita ay malapit ng patayin. Pero ang kamatayan niya ay ang paraan ng kanyang tagumpay. Kapag siya ay dumaan sa kamatayan, magbibigay siya ng buhay. Handa pa ba silang makita at sumunod sa kanya? Ito ba ang Jesus na gusto nilang makita?
Hindi madali ang kamatayan ni Jesus sa mga malapit sa kanya. Ito na nangangahulugan na maging handa din sila na danasin ang dadaanan niya. Hindi ito madali, na mamatay sa sarili upang magkaroon ng buhay at ng maraming bunga.
Hindi rin ito madali kay Jesus mismo. Kaya siya ay nababagabag. Natutukso siyang magdasal na iligtas siya sa kahirapang dadanasin niya. Pero hindi! Pinaalalahanan ni Jesus ang kanyang sarili na ang layunin ng kanyang pagparito ay danasin ang kahirapang ito. Kaya, sa halip ang dasal niya ay: “Parangalan mo ang iyong pangalan.” Napaparangalan ang Diyos kapag ang kanyang kalooban ay nasusunod. Kaya ang mas mahalaga kay Jesus ay hindi ang gusto niya kundi ang kagustuhan ng kanyang Ama. Hindi ba ito rin ang dasal nila doon ng jardin ng Gethsemani. Napakatindi ng dasal niya, stress na stress siya, na namawis na siya ng dugo. Ayaw niyang inumin ang kalis ng kahirapan. Tatlong beses niya inulit-ulit ito: “Ama, kung maaari huwag kong inumin itong kalis ng hahirapan.” Pero ang bawat kahilingan niya ay nagtapos ng, “Hindi ang kagustuhan ko kundi ang kagustuhan mo ang mangyari.” Mahirap sa loob niya, inaayawan din ng kanyang katawan ang kahirapan at kamatayan, pero bandang huli sumunod siya sa kagustuhan ng Diyos Ama. Pinarangalan niya ang kanyang Ama.
Sa pagpapako sa kanya sa krus hinatulan siya ng mga leaders ng mga Hudyo pero sa totoo lang, siya ang humatol sa mundo. Sa kanyang muling pagkabuhay lumabas na mali ang hatol ng mundo sa kanya. Ang mundo at ang nagpapatay sa kanya ay mali. Gusto ng mga leaders ng mga Hudyo na patayin si Jesus sa krus, sa buong pag-aakala na kapag patay na si Jesus sa krus ang mga tagasunod niya ay matakot at lumayo na sa kanya, na aakalain nila na masama si Jesus at tagapagpanggap, kaya hindi na sila susunod sa kanya. Pero hindi ito ang nangyayari. Sinabi ni Jesus: “At kung ako ay maitaas na, ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao.” Ang tinutukoy niya na maitaas na ay maitaas na sa krus. Si Jesus na nakataas sa krus ang magdadala sa mga tao sa kanya. Nangyayari ito hanggang ngayon. Tayo ay nagtitipon-tipon sa ilalim ng larawan ng Crucifix, na walang iba kundi si Jesus na nakapako sa krus. Pinapaalaala sa atin ng larawan na ito ang dakilang pagmamahal ni Jesus sa atin, minahal tayo hanggang sa kanyang kamatayan sa krus!
Masasabi din ba natin ang sinabi ng mga Griego, “Gusto naming makita si Jesus?” Si Jesus na gusto nating makita ay nakapako sa Krus. Sa krus natin siya hanapin sapagkat naroon siya at doon siya nagbibigay ng buhay sa atin.
Si Jesus na nakapako sa krus ay ang tanda ng bagong tipan ng Diyos sa atin. Noon pa, mga limang daang taon nang nakaraan bago dumating si Jesus, nangako ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Jeremias na magkakaroon siya ng bagong tipan sa mga tao. Ito ay hindi tulad ng dating tipan na nakasulat sa tapyas na bato. Ito ay nakasulat sa puso ng bawat isa kaya hindi na ito mababasag. Sa bagong tipan na ito makikilala na ng bawat isa ang Diyos at patatawarin na ang kanilang mga kasalanan. May mga tao pa rin na hindi susunod sa bagong tipan na ito pero sila ay makababalik uli, makakapagsimula uli kasi sila ay patatawarin sa kanilang pagsuway. Dumating na ang patawad kasi ang dugo na siyang tanda ng tipan ay walang iba kundi ang dugo ni Jesus, ang anak ng Diyos na naging tao, na kanyang ibinuhos sa krus. Noon ang dugo na nagpapatunay ng tipan ay dugo ng mga hayop – mga kordero, mga kambing o mga tupa. Ngayon ang dugo na nagpapatotoo ay ang dugo ng Anak ng Diyos mismo. Siya ang kordero ng Diyos na binabanggit natin sa banal na misa.
Mapalad tayo, mga kapatid, na tayo ay mga taong nabibilang sa bagong tipan na ito. Kaya sa bawat misa pinapaalaala sa atin ang dugo ni Jesus na siya ang dugo ng bagong tipan. Natataggap natin ang katawan ni Kristo, ang kordero ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa atin. Lumapit tayo kay Jesus at tanggapin natin siya.
Habang papalapit na ang Mahal na Araw, sana mas tumitindi na ang ating hangarin, hindi lang na makita si Jesus, ngunit mapalapit sa kanya at sumunod sa kanya. Sinabi ni Jesus: “Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod.” Nasaan si Jesus? Siya ay nasa Jerusalem. Siya ay dudustain. Siya ay ipapako sa krus. Sana handa pa rin tayong sumunod sa kanya. Maging handa tayo, kasi hindi naman matatapos ang ating pagsunod sa kanya sa kamatayan kundi sa bagong buhay. Buhay ang dala niya, hindi kamatayan. Dadaanan lang natin ang kahirapan at kamatayan pero ang mga ito ay magbibigay ng buhay, at ng bagong buhay. Kailangang mamatay ang butil upang magbunga ng masagana.