10th Sunday of Ordinary Time Cycle B
Gen 3:9-15 2 Cor 4:13-5:1 Mk 3:20-35
Bising-bisi si Jesus. Marami ang mga tao na pumupunta sa kanya at sa kanyang mga alagad. Marami ang dumadating upang magpagaling sa anumang karamdaman. Lalong marami ay dumadating upang makinig sa kanyang mga aral. May ilan na dumadating dahil may problema silang isinasangguni kay Jesus. Narinig natin ngayon na dumating din ang ina at mga kamag-anak ni Jesus dahil sa nababahala sila sa mga balita na nakararating sa kanila. Hindi na raw nakapapahinga si Jesus at hindi nga siya makakain dahil sa mga tao. Baka naman nasiraan na siya ng bait dahil sa hindi napapangalagaan ang sarili. Concerned sila sa kanya.
May ilan ding dumating na galing pa sa Jerusalem. Sila ay mga eskriba, mga experts sa mga Batas at mga Kasulatan. Marahil sila ay pinadala ng mga religious leaders mula sa Jerusalem upang imbistigahan si Jesus. Nasaksihan nila na nakapagpapagaling siya at nakapapalayas ng demonyo. Hindi nila ito maitatatwa. Dahil sa hindi nila matanggap si Jesus ay pinadala ng Diyos, ang interpretasyon na ibinigay nila ay: Nakapapalayas siya ng demonyo kasi siya mismo ay inaalihan ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo. Kumalat ang ganitong akusasyon laban kay Jesus kaya kailangan magpaliwanag siya sa mga tao.
Kung si Satanas ay nagpapalayas kay Satanas, di ibig sabihin nag-aaway-away na ang mga demonyo. Kung nag-aaway-away na sila, di nanghihina na sila at pabagsak na ang kanilang kaharian. Pero hindi ganyan ang nararanasan ng mga tao. Malakas pa rin ang kasamaan. Kaya bakit nakakapalayas si Jesus ng demonyo? Kasi siya ay mas malakas kaysa demonyo. Walang laban sa kanya ang kasamaan.
Tinupad ni Jesus ang pangako ng Diyos noong unang magkasala ang tao noong panahon ng ating unang mga magulang. Nalaman ng Diyos na sumuway ang tao sa kanya kasi nagtatago na siya sa Diyos. Lumalayo na ang tao sa kanya, ayaw nang makisama sa kanya. Noon, magkasama-sama pa silang namamasyal sa jarden ng paraiso. Ngayon nahihiya na siyang lumapit sa Diyos kasi hubad siya. Noong tinanong siya ng Diyos kung sumuway siya sa kanyang utos, hindi niya masabi na ganoon nga. Sa halip sinisi niya ang babaeng ginawa ng Diyos na maging partner niya. Noong tinanong naman ng Diyos ang babae, sinisi naman nito ang ahas. Dito nakikita natin ang resulta ng kasalanan: nahihiya na tayo sa Diyos, ayaw na nating lumapit sa kanya, at dumadating din ang sisihan.
Ang bawat kasalanan ay nagdadala din ng masamang resulta. Ito na ang parusa ng kasalanan. Ang parusa ay ang pag-aaway ng babae at ng ahas, at ang pag-aaway ng kanilang mga binhi. Sa bandang huli masasaktan ang sakong ng binhi ng babae pero dudurugin naman nito ang ulo ng ahas. Pagdating ni Jesus, dahil sa kanyang kapangyarihan na mas malakas kaysa kapangyarihan ng demonyo, nakakapalayas siya ng mga demonyo. Ito na ang Magandang Balita; nandito na ang paghahari ng Diyos. Magwawakas na ang kaharian ng kasamaan.
Ano ang kasalanan na laban sa Espiritu Santo na walang kapatawan na binanggit ni Jesus? Ito ay ang kasalanan ng pagtanggi sa Magandang Balita. Kaya ng Diyos na patawarin ang lahat ng kasalanan. Pero hindi namimilit ang Diyos. Mapapatawad lang ang handang tumanggap ng patawad. Ang ayaw kumilala na nandito na ang Diyos at kumikilos na ang Espiritu Santo ay hindi mapapatawad kasi sinasarhan na nila ang kanilang sarili sa Magandang Balita. Sa halip na kilalanin na nandito na ang Magandang Balita, na natatalo na ang kasamaan, tinatawag pa nila si Jesus na siya mismo daw ang demonyo. Paano mapapatawad ang ganyang tao? Pero may mga taong ganyan, na binabalewala si Jesus at hindi naniniwala sa kaligtasan na dala niya. Hindi nila kinikilala na makasalanan sila. Hindi sila humihingi ng kapatawaran. Paano sila mapapatawad?
Talagang generous si Jesus. Hindi lang siya nagbibigay ng kapatawaran, inuugnay pa niya tayo sa kanyang buhay. Hindi na iba ang tingin niya sa mga taong nakikinig sa kanya at sumusunod sa kanyang salita. Tinuturing pa niya silang kapamilya niya, na kanyang ina at mga kapatid. Ang kaugnayan kay Jesus ay hindi lang iyong kaugnayan na nanggaling sa dugo, na kadugo siya. Ang umuugnay sa atin kay Jesus ay ang Salita ng Diyos, ang kalooban ng Ama. Kung ito ay tinatanggap natin at isinasabuhay natin, nagiging kamag-anak tayo ni Jesus.
Si Maria ay talagang malapit kay Jesus. Siya ang nagsilang sa kanya. Mula sa kanyang laman ay nagkaroon si Jesus ng laman. Kinuha ni Jesus ang kanyang pagkatao kay Maria. Pero ipinaglihi ni Maria si Jesus dahil sa tinanggap niya ang kalooban ng Diyos sa kanya sa pamamagitan ng balita ng archangel Gabriel. Sinabi niya: “Mangyari sa akin ayon sa iyong sinabi.” Tinanggap ni Maria ang Salita ng Diyos sa kanyang isip at sa kanyang puso kaya ang Salita ng Diyos ay nagkaroon ng laman sa kanyang sinapupunan. Kaya nga wala ng taong mas malapit kay Jesus kaysa kay Mama Mary. Ina siya ni Jesus sa laman at Ina siya ni Jesus kasi tinanggap niya at namumuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos.
Maraming Magandang Balita ang ating napakinggan ngayon. Magandang Balita: natalo na si Satanas. Dinurog na ang kanyang ulo. Magandang Balita: mas malakas si Jesus kaysa anumang kasamaan. Siya ang dumurog sa ulo ni Satanas. Pinapalayas niya ang mga demonyo. Kaya kung kakampi na natin si Jesus hindi tayo matatalo ng kasamaan. Kaya kahit na nababalitan natin na laganap ang kasamaan – mga digmaan sa Ukraine at sa Gaza, mga espiyang Chinese sa Bamban at sa Cavite, mga nagtataasang bilihin – malalampasan natin ang mga ito. Hindi magwawagi ang kasamaan. Magandang Balita: maaari tayong magkaroon ng mahigpit na kaugnayan kay Jesus, mas mahigpit pa kaysa maging kamag-anak niya sa laman. Ito ay sa pamamagitan ng pakikinig, pagtanggap at pagsasabuhay ng kalooban ng Diyos. Basta gawin natin ang gusto ng Diyos, nagiging kamag-anak natin si Jesus. Hindi niya pababayaan ang nabibilang sa kanya!