14th Sunday Ordinary Time Cycle B
Ez 2:2-5 2 Cor 12:7-10 Mk 6:1-6
Talagang nakakataka. Ang mabuti ay mahirap tanggapin at mahirap gawin, pero ang masama ay madaling paniwalaan at madaling gawin. Mahirap maniwala ang tao na nakabubuti sa kanila ang kabutihan pero madali sundin ang masasamang gawain. Hindi naman masama ang magdasal at magsimba, bakit ayaw ito gawin ng marami? Hindi naman nakabubuti ang sabong at marami pa ngang pamilya ang naghihirap dahil dito pero palaging puno ang sabungan. Hirap ang mga kabataan na magtiyaga sa pag-aaral, pero madaling maglakwatsa kung saan-saan.
Si Jesus mismo ay nagtaka dito. Umuwi siya sa kanyang lunsod ng Nazaret kung saan siya lumaki. Kilala niya ang mga tao doon, ang marami ay kamag-anak pa niya. Kilala din siya ng mga tao at kilala ang kanyang pamilya. Ngunit ayaw siyang paniwalaan ng kanyang kababayan. Dapat nga matuwa sila na isa sa kanila ay naging tanyag dahil magaling siyang magpahayag at nakakatulong pa sa marami sa kanyang pagpapagaling at pagpapalayas ng demonyo. Pero hindi! Sa halip na sila ay matuwa, pinagdudahan pa siya. “Saan siya nakakakuha ng ganitong galing at kapangyarihan?” ang tanong nila. “Hindi ba karpintero lang siya at taga-rito lang siya?” Ang kanilang pagkakilala sa kanyang pagkatao ay bumulag sa kanila sa kanyang misyon ng kaligtasan, kahit may patotoo pa siyang ginagawa – ang mga milagro niya. Dahil sa pagkakilala kuno nila sa kanyang pagkatao hindi sila nanampalataya. Baka may pagkahalo pa itong inggit. Sinulat sa ating ebanghelyo: “Nagtaka si Jesus sapagkat hindi sila sumampalataya.”
Pero kahit na ganito ang pangkaraniwang ugali ng mga tao na mahirap makinig sa matuwid, hindi nagsasawa ang Diyos na magpadala sa atin ng mga propeta upang patuloy na magsalita at manawagan sa atin. Ito ang sinabi ng Diyos kay propeta Ezekiel noong ipadala siya ng Diyos. Alam ng Diyos na matitigas ang ulo ng mga Israelita. Ito ay isang bansang suwail, mula pa sa kanilang mga ninuno. Naghihimagsik sila palagi laban sa Diyos. Pero pinadala pa rin niya si Ezekiel sa kanila. Makinig man sila sa kanya o hindi, patuloy siyang magsalita sa kanila tungkol sa Panginoong Diyos. Hindi sila makakabigay ng excuse na hindi nila alam, na walang sinabi ang Diyos. Hindi siya nagkukulang na magpaalaala sa kanila.
Makikita natin dito ang pagtitiyaga ng Diyos at ang kanyang katapatan sa atin. Ito ay dahil sa kanyang pag-ibig sa atin. Marahil ito rin ay dahil sa kanyang malaking tiwala sa atin na baka naman ay may maniwala pa, baka naman may pumansin sa kanya at magbagong buhay. Sinabi ni Papa Francisco na mahalaga sa Diyos kahit na ang kaunting pagpapakita ng pagbabago at paggawa ng kabutihan. Kaya kapag tayo ay magbalik handog ng kaunting panahon sa pagdarasal, mahalaga na ito sa kanya. Kaunting halaga lang na binibigay natin sa balik handog ay magagamit na niya para sa malaking kabutihan. Kaya ang pagbibigay ng piso sa Pondo ng Pinoy ay ikinatutuwa niya. Maaari ito na ang simula ng pagiging generous ng isang tao.
Kung ang Diyos ay hindi nagsasawa na maniwala sa atin, huwag din tayong magsawa na maniwala sa kanya. Sa ating ikalawang pagbasa, si Pablo ay may iniinda sa Panginoon. Hindi natin alam kung ano ito. Ang tawag niya dito ay isang tinik o isang kapansanan na kanyang nararanasan sa kanyang katawan. Ito ba kaya ay isang karamdaman, o isang malaking problema, o isang tukso? Hindi natin alam. Pero nahihirapan siya rito kaya tatlong beses niyang ipinagdasal sa Diyos na tanggalin na ito. Pero hindi ginawa ng Diyos ang kanyang kahilingan. Sinabi lang ng Diyos sa kanya: “Ang aking tulong ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Mga kapatid, uulitin ko ang sinabi ng Panginoon: “Ang aking tulong ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo.” Hindi lang niya ito sinabi kay Pablo. Ito ay sinasabi niya sa bawat isa sa atin. Hindi niya tayo pababayaan. Sapat ang tulong niya sa atin. Naniwala si Pablo sa kanya. Kaya kapag may problema siya, kapag nanghihina na siya dahil sa kanyang dinadalang responsibilidad, naniniwala siya na palalakasin siya ng kapangyarihan ni Kristo. Dahil dito nasabi niya na kung kailan siya mahina, saka naman siya malakas. Siya ay malakas dahil sa ang lakas na ito ay galing sa Diyos. Dahil sa hindi na niya kaya, pinalalakas siya ng Panginoon. Hindi ba nararanasan din natin ito? May mga panahon na mahina tayo, na halos wala na tayong magagawa. Nagsu-surrender na nga tayo. Pero nakakatayo pa tayo. Nalalampasan din natin ang problema. Kumilos ang Diyos sa atin. Nagkaroon tayo ng ibayong lakas at kakayahan. Tinutulungan ng Diyos ang nangangailangan.
Kaya huwag tayong mawalan ng pag-asa. Sa ating kahinaan kumikilos ang Diyos basta huwag tayong magpabaya, gawin natin ang magagawa natin at maniwala tayo sa kanya. Kinakabahan tayo ngayon sa banta ng Tsina na atin. Binabangga ang mga barko nating nagdadala ng supplies sa mga mangingisda at mga sundalo sa West Philippine Sea. Napakalaki ng Tsina; magaling ang technology nila. Mayaman sila. Ano naman ang laban natin sa kanila? Mayroon silang 9,150 na tanke, mayroon lang tayo ng 45. Mayroon silang 1,385 na eroplanong pandigma. Mayroon tayo ng 8. Mayroon silang 106 warships, mayroon tayong 14. Ano naman ang laban natin sa kanila? Pero mga kapatid, mayroon tayong Diyos. Sila ay hindi naniniwala sa Diyos. May pananampalataya tayo. Gamitin natin ito. Magdasal tayo, manalig tayo sa kanya. Sabihin natin: Kung kailan kami mahina, diyan kami malakas kasi may dakilang Diyos tayo na hindi magpapabaya sa atin. Kumapit lang tayo sa kanya at gawin natin ang kalugod-lugod sa kanya! May dakilang Diyos tayo!