Solemnity of Mary, The Holy Mother of God
World Day of Prayer for Peace
Numbers 6:22-27 Gal 4:4-7 Lk 2: 16-21
Happy New Year! Ito ang ipinagdiriwang ng marami ngayong araw: Ang New Year! Pero para sa atin sa simbahan ang January 1 ay hindi lang bagong taon. Ito ay dakilang kapistahan ng Birheng Maria bilang Ina ng Diyos. Hindi lang si Maria Ina ni Jesus o Ina ng Kristo. Siya ay Ina ng Diyos, na ang ibig sabihin, na si Jesus na anak niya ay Diyos. Ang January 1 din ay ang World Day of Prayer for Peace. Ipinagdarasal natin ang kapayapaan na talagang kailangan ng mundo natin ngayon. Sana maging mapayapa ang taong 2024. Napakayaman ng kahulugan ng unang araw ng taon.
Ito ang ika-57 taon ng World Day of Prayer for Peace na sinimulan ni St. Paul VI noong 1967. Sa araw na ito ipinagdarasal natin ang kapayapaan sa mundo na lubhang napakailap. Kapayapaan ang message ng anghel sa mga pastol noong isinilang si Jesus: Peace on earth! Ang Santo Papa ay nagbibigay ng mensahe tungkol sa kapayapaan tuwing January 1. The message of Pope Francis this year is: PEACE AND ARTIFICIAL INTELLIGENCE. Ang Artificial Intelligence ay resulta ng science. Ang progress na nanggagaling sa science ay dapat ginagamit sa pagpapaunlad ng lahat ng tao. Ito ay dapat nagpapabuti sa buhay ng lahat at nagdadala ng kapayapaan. Ipagdasal natin na sana ang artificial intelligence ay hindi gamitin sa pagpalaganap ng fake news. Hindi sana ito magpalala ng digmaan o gamitin sa pagkawala ng ating privacy. Sa Banal na Misa ngayon ipagdasal natin na pagkalooban tayo ng Diyos ng kapayapaan. Ito ay isa sa hinahangad ng lahat, and from experience, hindi natin maaabot ang kapayapaan sa ating sariling pagsisikap lamang. Ito ay biyaya ng Diyos. Patuloy nating hingin ito.
Ang January 1 ay ang ika-walong araw ng pagsilang ng Panginoong Jesus na ipinagdiwang natin noong December 25. Ayon sa kaugalian ng mga Hudyo, sa ika-walong araw ng pagsilang tinutuli ang bata kung kailan din siya binibigyan ng pangalan. Ang pagbibigay ng pangalan ay mahalaga dahil ang pangalan ng isang tao ay nagpapahiwatig ng kanyang misyon o gawain sa buhay. Kung ano ang tawag sa kanya, magiging ganyan siya. Ang bata ay tinawag na Jesus, ayon sa sinabi ng anghel kay Jose. “Tatawagin mo siyang Jesus kasi ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” Iyan ang ibig sabihin ng pangalang Jesus: manliligtas. Ang pagtutuli sa batang Hudyo ay ang pagpasok niya sa bayang hinirang ng Diyos, ang lahi ng mga Hudyo. Si Jesus ay isang Hudyo at tinupad niya ang pangako sa mga Hudyo. Siya ang Kristo. Pero siya ay hinirang ng Diyos na tagapagligtas hindi lang para sa mga Hudyo pero para sa lahat ng tao.
Ngayong huling araw ng Christmas Octave, ang focus ng ating pansin ay ang Ina ni Jesus, si Maria. Marami tayong mga titles sa Mahal na Birhen dahil sa marami ang kanyang katangian, marami ang kanyang mga ginagampanan, at marami ang kanyang pagpaparamdam ng kanyang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang mga apparitions. Kaya mayroon tayong Birhen ng Fatima o ng Lourdes o ng La Salette. Mayroon tayong Maria Ina ng Hapis, Reyna ng mga Apostol, Ina ng Simbahan, Mary Help of Christians. Sa lahat ng mga titles ng Mahal na Birhen, ang pinakamahalaga ay si Maria na Ina ng Diyos. Iyan ang pinakamahalagang papel na ginampanan niya sa Kasaysayan ng Ating Kaligtasan: siya ang nagsilang sa anak ng Diyos na naging tao. Matagal na pinagdebatihan ang title na ito sa loob ng simbahan. May mga obispo na nagsasabi na siya ay Christotokos – tagapagdala ng Kristo pero may mga obispo na nagsasabi na siya ay Theotokos – tagapagdala ng Diyos. Ang naging opisyal na katuruan ng simbahan tungkol dito ay idineklara ng First Council of Ephesus noong taong 431 AD na si Maria ay Ina ng Diyos. Siya ay Theotokos. Ang pinapahalagahan dito ay ang kanyang anak, na ang anak niya ay Diyos. Si Maria na Ina ng Diyos ay hindi Diyos, kundi ang anak niya ay Diyos, tulad ng kapag sinabi natin na ina ng pari, hindi ibig sabihin na siya ay pari kundi ang anak niya ay pari.
Si Maria ay ina ni Jesus, na ayon kay San Pablo sa ating ikalawang pagbasa, na sa takdang panahon ay isinilang ng isang babae upang tayo ay tubusin at maging mga ampon tayo na mga anak ng Diyos. Alam natin na ang huling pamana ni Jesus sa atin bago siya mamatay sa Krus ay ang kanyang ina. Ipinagkatiwala ni Jesus si Maria sa atin na kinatawan ng minamahal niyang alagad na si Juan, at pinagkatiwala din tayo sa kanyang Ina. Maganda at sa unang araw ng taon hinahawakan natin ang kamay ni Maria na Ina ng Diyos at Ina rin natin. Hindi natin alam saan tayo dadalhin ng taong 2024, pero may assurance ngayon na nandiyan si Maria na ating Ina. Hindi tayo nag-iisa at hindi niya tayo pababayaan.
Kunin natin ang attitude ni Mama Mary sa araw na ito. Nasorpresa si Maria sa mga sinasabi ng mga pastol noong ang mga ito ay dumalaw sa kanila sa gabi ng pasko. Siguro naguluhan din siya sa balitang may mga anghel na umawit sa mga pastol. Ano ang ginawa ni Maria? Mary kept all these things in her heart. Pinagnilayan ni Maria ang lahat ng ito sa kanyang puso. Sa simula ng bagong taon, kasama ni Maria, manahimik tayo, magnilay at magdasal. Hanapin natin ang kahulugan ng mga pangyayari sa buhay natin. Alam natin na kasama natin ang Diyos sa ating kasaysayan. May sinasabi siya sa mga pangyayari. Taimtim natin itong pagnilayan. Kaya ang magandang pagdiwang ng Bagong Taon ay pananahimik at pagdarasal. Ipaubaya natin sa Diyos ang taong 2024. Kakaiba ito sa ginagawa ng mga taong wala ng ginawa kundi magpaputok, mag-ingay, tumalon para daw tumangkad, at mag-inuman ng alak. Umaasa silang magugulat nila ang malas sa buhay nila sa kanilang pag-iingay. Hindi iyan totoo.
Ano kaya ang dadalhin ng 2024? Noong nakaraang taon, hindi pa nga nagtatapos ang digmaan sa Ukraine, sumiklab naman ang digmaan sa Israel. Isang libo at dalawang daan ang pinatay ng mga Hamas sa Israel noong October 7, at ngayon higit ng labing walong libo na ang pinapatay ng mga Israeli sa Gaza, at karamihan pa diyan ay mga bata at kababaihan. Kung terorista ang Hamas mas terorista ngayon ang Israel. Nabalitaan natin na El Nino daw ngayong taon. Sana naman hindi mabibigatan ang ating mga magsasaka. Hinamon tayo noong Simbang Gabi na maging mabuting katiwala. Ito sana ang gawin natin ngayong taon. Maging generous tayo na magbalik-handog ng ating panahon, ng ating serbisyo, at ng ating yaman.
Kahit na may ganitong mga hamon, huwag tayong mawalan ng pag-asa. Sa ating unang pagbasa sinabi ng Diyos kay Moises kung ano ang blessing na ibibigay ni Aaron at ng kanyang mga anak na pari sa mga Israelita. Si Aaron at ang mga anak niya ay ang mga pari sa bayan ng Israel. Ang bendisyon nila ay ang ibibigay ng Diyos sa kanyang bayan. “Pagpalain ka nawa at ingatan ng Panginoon; nawa’y kahabagan ka niya at subaybayan; lingapin ka nawa niya at bigyan ng kapayapaan.” Sa mga blessings na ito, ang Diyos ang aktibong gagawa. Siya ang mananatili sa atin. Siya ang magiging mabuti sa atin. Siya ang magiging mahabagin sa atin at magbibigay ng kapayapaan. Ang Diyos nga ay active sa ating kaligtasan. Hindi niya tayo pababayaan.
Kaya kasama ng Mahal na Ina, kasama ng bendisyon ng Diyos, mahaharap din natin ang 2024 ng may buong pag-asa. Kasama natin ang Diyos. Hindi tayo nag-iisa. Mahaharap natin ang lahat na kasama si Jesus, ang Diyos na naglalakbay kasama natin. Siya ang Immanuel, ang Diyos na sumasaatin!