Homily December 8, 2025
Lunes
Solemnity of the Immaculate Conception
Gen 3:9-15 Eph 1:3-6.11-12 Lk 1:26-38
Happy feastday po sa ating lahat. Ngayon po ang kapistahan
nating lahat sa Pilipinas kasi si Maria, ang Immaculada
Concepcion, ay ang pinaka-patron ng buong kapuluan ng
Pilipinas. Kaya, sa muli, happy fiesta po sa ating lahat!
Ano ba ang kapistahang ito at ano ang kabuluhan nito para sa
ating buhay? Ang ibig sabihin ng Immaculate Conception ay
ang kalinis-linisang Paglilihi kay Maria. Ang ibig sabihin nito ay
sa simula ng kanyang buhay, sa paglilihi sa kanya, hindi na siya
nabahiran ng kasalanan. Tayong lahat ay nagsimula na
nadagtaan na ng kasalanan. Kaya nga kailangan tayong
mabinyagan, upang mapatawad na ang kasalanang minana
natin sa pagiging tao natin. Narinig natin sa ating unang
pagbasa ang simula ng kasalanan na naging dagta sa ating
katauhan. Hindi ito tungkol sa pagkain ng mansanas. Hindi nga
binanggit na mansanas ang kinain ng unang mga magulang
natin. Basta sinabi na ito ay prutas na pinagbabawal. Ang
kasalanan ay ang hindi pagsunod sa salita ng Diyos. Sa halip,
ang sinunod nila ay salita ng diyablo, salita ng ahas. At bakit?
Oo, mukhang masarap ang prutas. Pero ang mas malalim na
dahilan ay ibig nilang maging tulad ng Diyos, na sila na ang
magpapasya kung ano ang tama at ano ang mali. Naging
mayabang ang tao, ayaw niyang sumunod. Kaya ang solusyon
sa kayabangan ng tao ay ang pagiging masunurin ni Jesus, ang
anak ng Diyos na naging tao. Naging masunurin siya sa
kanyang Ama hanggang sa kamatayan, at kamatayan sa Krus.
Ang pagiging walang kasalanan ni Maria mula pa sa paglilihi sa
kanya ay grasya ng Diyos. Pasya lamang ito ng Diyos. Wala
namang ginawa si Maria na maging karapat-dapat siya nito.
Talagang ito ay kagustuhan lang ng Diyos. At bakit ito ginusto
ng Diyos? Kasi may plano siya. Ang plano ng Diyos ay ang ating
kaligtasan. Hindi kasamaan natin o ang kasamaan ng diyablo
ang huling salita. Ang balak ng Diyos na kabutihan ay hindi
mababalewala . Kaya noong magkasala ang mga unang tao
kaagad nagkaroon na ng pahiwatig ng pagkatalo ng kasamaan.
Mag-aaway ang babae at ang ahas, ang binhi ng ahas at ang
binhi ng babae. Matutuklaw ang sakong ng anak ng babae
pero aapakan niya at titirisin ang ulo ng ahas. Ito ay pahiwatig
na ng pakikibaka ni Jesus, ang binhi ng isang babae laban sa
kasamaan. Papasakitan siya. Mamamatay siya. Tutuklawin
nga siya ng kasamaan pero hindi siya matotodas. Mula sa
kamatayan mabubuhay siyang muli. Dahil sa kanyang pagiging
masunurin hanggang kamatayan sa krus, natalo niya ang
kasamaan. Inapakan niya ang ulo ng ahas! Ang kaligtasan ay
dadalhin ni Jesus. Siya ang manliligtas na binhi ng babae.
Alang-alang sa kanyang pagiging masunurin pati si Maria na
kanyang ina ay kanyang ililigtas, kaya nga si Maria ay hindi
nadagtaan ng kasalanan sa kanyang buong buhay, mula ng
paglihi sa kanya hanggang sa kanyang kamatayan. Oh! Ang
galing ng plano ng Diyos!
May plano ang Diyos para sa ating kaligtasan. Hindi ba ito rin
ang sinulat ni San Pablo sa mga taga-Efeso? Bago pa nilikha ng
Diyos ang sanlibutan, pinili na niya tayo, itinalaga na niya tayo
na maging banal sa pamamagitan ni Kristo. Kaya may plano na
ang Diyos na ipadadala ang Kristo upang tayo ay iligtas at
maging anak ng Diyos.
Kaya nga pinagbawalan na ng Diyos na madagtaan ang
katawan ni Maria ng kasalanan kasi may balak siya na mula sa
laman ng babaeng ito magkakaroon ng laman ang Anak ng
Diyos. Kaya ang grasya at pribilehiyo ay alang-alang kay Jesus.
Hindi nararapat na ang katawan ng Anak ng Diyos ay
manggagaling sa isang katawan na nadagtaan ng kasamaan.
Kaya nga si Maria ay tinawag ng anghel na FULL OF GRACE,
PUNO KA NG GRASYA, sa pagbati niya sa kanya. Talagang
kalugud-lugod si Maria sa mata ng Diyos. Ang pagiging
Immaculada Concepcion ay grasya ng Diyos. Walang
kinalaman si Maria tungkol dito. Ginawa lang ito ng Diyos sa
kanya. Ang kadakilaan ni Maria ay, pinangalagaan niya ang
grasyang ito. Pinatili niya ang kanyang sarili na walang
kasalanan. Hindi tulad natin. Tinanggal din ang kasalanan sa
atin noong tayo ay bininyagan, pero nagkasala at patuloy pa
rin tayo sa pagkakasala.
May plano ang Diyos kay Maria. May papel siyang
gagampanan, at sumang-ayon at nakiisa si Maria sa planong
ito. Noong inalok siya ng anghel na maging Ina ng Diyos na
kataas-taasan, kahit na hindi niya lubusang maintindihan kung
papaano siya magiging ina na walang tatay ang bata, at kung
ano ba ang ibig sabihin nitong paglukob ng Espiritu Santo,
sumunod siya. Naging kontento siya sa balak ng Diyos sa
kanya, hindi tulad ni Eba noong unang panahon na sumuway
sa Salita ng Diyos. Kaya napakaganda ang sagot ni Maria:
Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong salita; anumang ibig
sabihin ng salitang iyan, susunod ako. Sumunod si Maria hindi
dahil sa klaro sa kanya ang sinabi ng Diyos, kundi naniwala
siya sa Diyos. Marami ding mga bagay na hindi natin gaanong
naiintindihan, tulad ng mga kaguluhan sa mundo, tulad ng
pagkasira na dala ng mga bagyo at baha. Natatanggap ba
natin na sa mga ito may mabuting balak ang ating
mapagmahal na Diyos?
Dahil sa pagsang-ayon ni Maria, nilukuban na siya ng
kapangyarihan ng Diyos at naglihi na siya. Ipinaglihi niya ang
Anak ng Diyos. Dahil dito nagkakaroon na tayo ng Pasko. Kaya
sa ating kalendaryo ng simbahan ang Annunciation – ang
pagbabalita ng anghel ay nasa March 25 – doon naglihi si
Maria, at ang pasko, ang pagsilang sa sanggol, ay siyam na
buwan pagkalipas noon, sa December 25.
Ang tanong natin kanina: ano naman ang kabuluhan ng
kapistahang ito para atin? Marami!
Una: sinasabi ng kapistahang ito na ang buhay ay nagsimula sa
paglilihi. Issue natin ito ngayon na may nagpapalaganap ng
contraception at ng abortion. Nagdadahilan pa ang iba na sa
ika-3, o ika-6 na buwan pa daw ang buhay ng tao. Tao na tayo
noong ipinaglilihi tayo. Si Maria ay ipinaglihi ng walang
kasalanan. Nagsimula siya ng buhay niya na walang
kasalanan.
Pangalawa, si Maria ang pinakahanda na tumanggap sa Diyos
dahil sa wala siyang kasalanan at nanatiling walang kasalanan.
Mahalaga ang paala-alang ito sa panahon ng adbiyento na
hinahanda natin ang ating sarili sa pagtanggap sa Diyos.
Tanggalin natin ang kasalanan. Iyan ang hadlang sa
pagtanggap sa Diyos.
Pangatlo: Hindi matatalo ng kasamaan ang mabuting balak ng
Diyos. May plano siya para sa ating kaligtasan. Si Abraham ay
bahagi ng kanyang plano, ganoon din si Moises, ganoon din si
David, ganoon din si Maria, ganoon din si San Agustin, ganoon
din si Pedro Calungsod, ganoon din ako, ganoon din ikaw.
Mahalaga ang papel ni Maria sa planong ito, at hindi niya
binigo ang Diyos. Ako, ikaw, binibigo ba natin ang Diyos sa
plano nya, sumasabay ba tayo sa daloy ng kaligtasan?
Pang-apat: kailangan ng kababaang loob upang maging
masunurin sa Diyos. Ang kasalanan ay pagsuway sa Diyos.
Sinusuway natin ang Diyos kasi mayabang tayo. Hindi tayo
naniniwala sa Diyos na ang gusto lang naman niya ay ang
ikabubuti natin. Mas naniniwala tayo sa ahas na ayaw daw ng
Diyos na maging tulad tayo niya, kaya kailangan daw natin
pantayan, o lampasan pa ang Diyos. Sabi ng Diyos, magdasal
tayo palagi. Hindi natin ito ginagawa. Sabi ng Diyos na
tulungan natin ang mahihirap; wala tayong pakialam sa
kanila. Sabi ng Diyos na patawarin ang nakagawa ng masama;
gusto natin ng death penalty o EJK. Lahat ng kasalanan ay
pagsuway sa kagustuhan ng Diyos.
Panglima: Tinanggap muna ni Maria ang Salita ng Diyos sa
kanyang puso, sumang-ayon muna siya, bago nagkaroon ng
laman ang Salita ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Sana sa
bawat isa sa atin magkaroon din ng laman ang Salita ng Diyos
sa ating buhay. Mangyayari ito kung pinapakinggan at
sinusunod natin ang Salita ng Diyos. Tandaan natin na si Jesus
ay ang Salita ng Diyos na naging tao. Nagsimulang mangyari
iyan sa sinapupunan ni Maria.
Mga kapatid, ipaubaya natin ang ating sarili sa Mahal na Ina.
Sasariwain natin ang pagtatalaga ng ating bayan sa misa natin
ngayon. Ang pagtatalagang ito ay ginagawa ngayon sa lahat ng
Parokya sa buong Pilipinas. Siya ang ating patron; tayo ay ang
natatanging Pueblo Amante de Maria, ang bayang kasinta-
sinta kay Maria. Happy feast to all of you once more!
Bishop Broderick Pabillo