Homily December 7, 2025
2 nd Sunday of Advent Cycle A
World Day for People with Disabilities
National AIDS Sunday
Is 11:1-10 Rom 15:4-9 Mt 3:1-12
Noong nakaraang Linggo, November 30, nagkaroon
ng rally sa maraming mga lunsod sa buong bansa
natin. Nanawagan ang mga tao ng: SOBRA NA! TAMA
NA! IKULONG NA! Sa mga rally na ito ipinapahayag
ng mga tao na nadidismaya na sila sa mga balitang
korapsyon at maraming imbestigasyon na hindi
naman napapanagot ang mga senador, mga
congressman, mga mayayamang kontraktor at mga
matataas na kawani ng gobyerno. Wala pa naman sa
kanila ang ikinulong! Kapag mahirap ang tao, agad-
agad kinakasuhan at pinagbibintangan pa ng kaso at
kinukulong agad. Pero hindi ang mayayaman. Ang
dami pang proseso na dinadaanan! Maraming palusot
at tumatakas pa sa ibang bansa. Kaya naghahangad
tayo ng leaders sa gobyerno na magbibigay ng
katarungan sa mga dukha, na ipagtatanggol ang
karapatan ng mga kawawa, na hahatol ng
kaparusahan sa mga masasama. Katarungan at
katapatan ang paiiralin niya sa kaniyang pamamahala.
Ang paghahangad na ito ay siya ring ipinangako ni
propeta Isaias pagdating ng haring sisibol sa tuod ni
Jesse. Ito ay isang haring manggagaling sa lahi ni
Jesse. Si Jesse ay tatay ni David. Para sa atin ang
haring ito ay si Jesus na galing sa lipi ni David.
Dumating na siya. Sinimulan na niya ang paghaharing
makatarungan na pinapansin at tinutulungan ang mga
pilay, mga bulag, mga may ketong, mga makasalanan
at mga mahihirap. Babalik uli siya upang lubusang
tapusin ang kanyang sinimulan. Inaabangan natin ito
ngayong panahon ng adbiyento.
Ang kanyang pagdating ay tanda ng kanyang
katapatan at ng kanyang habag. Ang Diyos ay tapat sa
kanyang mga pangako. Matagal na niyang ipinangako
ang pagdating ng isang Kristo – noon pang panahon
ni Abraham, panahon ni Moises, panahon ni David at
ng mga propeta. Sa wakas tinupad na niya ang
kanyang pangako. Kaya si Jesukristo ay ang dakilang
Yes, dakilang Oo ng Diyos sa kanyang mga pangako.
Si Kristo din ay tanda ng habag ng Diyos. Siya ay
dumating hindi lang para sa mga Hudyo na kanyang
pinangakuan. Siya ay dumating sa mga hindi Hudyo,
sa mga sumasamba ang iba’t-ibang mga diyos.
Pinatawad niya sila. Kahit na sa mga hindi kumikilala
sa Diyos nandiyan ang habag ng Diyos.
Nagpapatawad siya sa lahat.
Oo, nagpapatawad siya sa lahat, pero sa lahat na
nagsisisi. Ang pagsisisi ay ang susi sa pasok ng
Diyos sa ating buhay. Kaya nga noong dumating si
Juan Bautista upang ipaghanda ang pagdating ng
Kristo ang kanyang panawagan ay: PAGSISIHAN
NINYO AT TALIKDAN ANG INYONG MGA
KASALANAN. Ang pagbibinyag niya sa ilog Jordan ay
ang panlabas na paglilinis na dala ng panloob na
pagsisisi. Kahit na sa mga walang audience, doon sa
disyerto, patuloy siyang nananawagan at sumisigaw.
Ang kanyang mensahe ay hindi lang sa pamamagitan
ng kanyang salita. Ang buhay niya mismo ay bahagi
ng kanyang panawagan. Payak at simple ang buhay
niya. Balat ng kamelyo ang kanyang damit –
magaspang at makati iyan. Ang kanyang pagkain ay
iyong pagkain na matatagpuan sa disyerto at hind sa
mall o mga restaurant – simple lang: balang (insekto
iyan) at pulot. Wala siyang itinatangi sa mga
pinagsasalitaan niya. Kahit na iyong mga dayuhan na
galing pa sa Jerusalem at Judea ay pinagwiwikaan
niya. Kailangan din silang magsisisi kahit na sila ay
mayayaman at mga may pinag-aralan. Kailangan din
silang magbagong buhay. At huwag nang ipasabukas
ang pagsisisi kasi nakaamba na ang palakol sa ugat
ng punong kahoy. Puputulin ang bawat puno na hindi
nagbubunga ng katuwiran. Ang darating ay nandiyan
na, ay malapit na. Pagdating niya magbibinyag siya ng
Espiritu Santo at ng apoy. Susunugin ang bawat puno
na hindi namumunga.
Ano ba ang ibig sabihin ng pagsisisi? Una, ito ay
nangangahulugan na talikdan na ang kasamaan – ang
alitan, ang paghihiganti, ang kahalayan, ang bisyo at
marami pang ibang kasalanan. Ikalawa, ito ay
nangangahulugan ng pagtupad ng ating tungkulin sa
buhay. Maging mabuting estudyante tayo, mabuting
magulang, mabuting manggagawa, mabuting lingkod
ng simbahan. At panghuli, maging
mapagkawanggawa, ipagtanggol ang inaapi, labanan
ang korapsyon at panlalamang sa kapwa. Mag-ambag
tayo na umiral ang katuwiran at katotohanan sa ating
Lipunan.
Hindi lang sapat na hindi gumagawa ng masama.
Nagsisikap din tayo na palakasin ang katarungan at
gumawa ng mabuti. Ito ang totoong pagtanggap kay
Jesus na dumarating at darating pa.
Ngayong Linggo ay Linggo ng may mga kapansanan
at may HIV-AIDS. Sila ay pansinin at tulungan natin.
Madalas isinasantabi na lang natin sila at tinatago pa
nga. Si Jesus ay dumating din para sa kanila. May
dangal din ang kanilang pagkatao at iniligtas din sila
ni Jesus. Huwag natin silang husgahan, bagkus sila
ay tulungan. Minsan, may lumapit kay Jesus na isang
bulag mula pa sa kanyang pagkabata. Ang tanong ng
mga tao kay Jesus ay: “Panginoon sino ba ang
nagkasala, siya o ang kanyang mga magulang na nasa
ganito siyang kalungkot-lungkot na kalagayan?” Ang
sabi ni Jesus na hindi ito dahil sa kasalanan niya o ng
kanyang mga magulang, ngunit ito ay isang
pagkakataon na maipakita sa kanila ang kadakilaan ng
kaligtasan. Pinagaling ni Jesus ang bulag at nakilala
ng mga tao ang kanyang kadakilaan. Ganoon din,
napapakita natin ang pagpapahalaga natin kay Jesus
sa mga may kapansanan at ang mga may HIV-AIDS na
ating natutulungan. Sa pamamagitan nila, si Jesus ay
lumalapit sa atin at humihingi ng tulong sa atin.
Bishop Broderick Pabillo