Ash Wednesday
Joel 2:12-18 2 Cor 5:20-6:2 Mt 6:1-6.16-18
Tulad ng sinulat ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa, bilang pinadala ng Diyos, nanawagan kami sa inyo sa ngalan ni Kristo, makipagkasundo na kayo sa Diyos. Ngayon na ang panahon ng kaligtasan. Tanggapin na ninyo ang kaligtasang inaalok sa inyo.
Iyan po ang panahon ng Kuwaresma na sinisimulan natin ngayong araw. Ito ay panahon ng masidhing pagsisikap na isabuhay ang kaligtasan na tinanggap na natin noong tayo ay bininyagan. Niligtas tayo ni Jesus noong siya ay nagpakasakit, namatay at muling mabuhay para sa atin. Natanggap natin ang kaligtasang ito noong tayo ay bininyagan. Binayaran na ni Jesus ang ating mga kasalanan at binahagi sa atin ang kanyang bagong buhay. Naging mga anak na tayo ng Diyos Ama, tulad ni Jesus. Naging tagapagmana na tayo ng langit. Naging templo na tayo ng Espiritu Santo na nananahan sa atin. Ang mga katotohanang ito ay pinapaalaala uli sa atin, at hinihikayat tayo na isabuhay ang bagong buhay ng mga inililigtas ng Diyos.
Ang paglalagay ng abo sa ating mga noo ngayong araw ay panawagan sa atin ng bagong buhay na mapapasaatin. Huwag huwag tayong malilang ng mundong ito. Lilipas ang buhay na makalaman natin. Mamamatay tayo at babalik tayo sa alabok, pero may bagong buhay na nag-aantay sa atin. Mamuhay na tayo ngayon ayon sa bagong buhay na ito, kaya magsisisi na sa ating mga kasalanan at mamuhay para sa kaharian ng Diyos.
Oo, napatawad na ang kasalanan natin noong tayo ay bininyagan. Pero dala-dala pa rin natin ang bakas ng kasamaan sa ating buhay ngayon at hinahatak pa tayo nito. Huwag tayo magpadala dito. Patuloy natin labanan ang kasamaan sa ating buhay. Talagang ang buhay natin ay isang pakikidigma sa kasamaan. Araw araw nating itong ginagawa at huwag dapat tayong magpabaya. Binigyan naman tayo ng sandata sa labanan na ito. Ito ang tatlong programa ng kuwaresma – iyan ay ang panalangin, ang pagpepenitensiya at ang pagkakawanggawa.
Sa panalangin nakikipag-ugnay tayo sa Diyos. Ito po ay ang balik-handog natin ng panahon. Sikapin natin na mas bigyan ng panahon ang Diyos sa ating personal na panalangin, sa ating pakikiisa sa mga gawain sa simbahan tulad ng pakiisa sa rosary at Bible sharing sa ating mga Kriska o BEC, sa ating personal na pagbabasa ng Bible, sa mga sama-samang pagdarasal sa ating mga pamilya. Mas pinagbibigyan natin ng panahon ang panalangin, may lumalago ang ating pag-ibig sa Diyos at mas mabibiyayaan tayo.
Ang madalas na hadlang sa ating pagdarasal ay ang sariling kagustuhan. Mas gusto natin ang barkada, mas gusto natin ang mag-tik-tok o manuod ng video o TV, mas gusto natin ang matulog. Kaya kailangan ding supilin ang ating sarili. Ito na ang pagpepenitensiya. Kasama dito ang pag-aayuno ngayong araw ng Miyerkules ng Abo at ang hindi pagkain ng Karne tuwing Biyernes. Maaari din tayong gumawa ng pagpigil sa sarili sa iba’t-ibang paraan upang magkaroon ng self-control. Ito ay maaaring pag-control ng pagmumura, supilin ang pagiging magalitin, labanan ang katamaran, bawasan o alisin ang pag-iinum o paninigerilyo. Maraming paraan upang magkaroon tayo ng self-mastery.
Ang bunga ng ating panalangin at penitensiya ay ang pag-ibig sa kapwa na napapakita natin sa ating pagkawanggawa. Kaya ang panahon ng kuwaresma ay panahon ng FAST2FEED. Ang natipid natin dahil sa pag-aayuno ay ibinigigay natin para makakain ng mga nagugutom o hindi sapat na nakakain na mga bata. Kaya mayroon tayong second collection sa araw na ito para sa FAST2FEED. Mayroon din tayong programa ng ALAY KAPWA. May pananagutan tayo sa ating kapwa kaya naglilikom tayo ng pera upang makatulong sa mga nasasalanta ng mga kalamidad. Nagtitipid tayo upang may mai-share tayo sa iba. Pati na ang mahihirap o ang mga bata ay makakasama sa pagtulong sa kapwa. Nandiyan ang PONDO NG PINOY, ang pagtatabi ng maliit na halaga, kahit na piso araw-araw bilang tanda ng pag-ibig sa Diyos at sa kapaw. Hindi ba ito din ang diwa ng ating pagbabalik-handog ng kayamanan? Seriosohin natin na ang ating pagbabalik-handog. Binibigyan tayo ng simbahan ng maraming paraan upang makatulong sa kapwa.
Mga kapatid, sa ating pagdarasal, napapalapit tayo sa Diyos. Sa ating pagpepenitensiya nagkakaroon tayo ng self-control, at sa ating pagkakawanggawa nakakatulong tayo sa kapwa. Ngunit may sinasabi ang Panginoong Jesus sa atin tungkol sa mga ito. Gawin natin ang mga ito, pero gawin natin na hindi nagpapakitang tao. Ginagawa natin ito para sa Diyos, mapansin man ng iba o hindi. Ang Diyos na nakakakita ng mga bagay na ginagawa ng lihim, ay ang gagantimpala sa atin. May gantimpala sa Diyos kasi mabubuti ang mga gawaing ito. Huwag lang sana sirain ang kabutihan ng panalangin, ng pag-aayuno at ng paglilimos ng kayabangan o paghahanap ng pansin sa ibang tao.
Ang kuwaresma ay tatagal ng apatnapong araw. Apatnapo ay panahon ng paghahanda at panahon ng pagpapanibago. Ito ay nagpapakita ng pagtitiyaga. Ang tunay na pagbabago ay hindi natatamo sa panandaliang paraan. Kailangan nito ng panahon upang magka-ugat at maging kaugali. Ang mga Israelita ay dapat maglakbay ng apatnapong taon sa disyerto upang maging bayan ng Diyos pagpasok nila sa lupang ipinangako sa kanilang mga ninuno. Umulan na apatnapong araw at gabi upang mapanibago ang mundo noong panahon ni Noe. Si propeta Elias ay lumakbay ng apatnapong araw papunta sa bundok ng Horeb upang doon ay makatagpo ang Diyos. Si Jesus ay nagdasal at nag-ayuno ng apatnapong araw sa disyerto bago siya magsimula ng kanyang misyon. Kaya taon-taon apatnapong araw tayo dumadaan sa kuwaresma upang sariwain ang ating sarili para makaisa ni Jesus sa kanyang misterio paskal – ang kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay. Upang makaisa ni Jesus sa kanyang muling pagkabuhay dumadaan din tayo sa karanasan ng pagsisikap na mamatay sa sarili at maging generous.
Mga kapatid, pumasok tayo sa panahong ito na may kababaan loob, kaya tumatanggap tayo ng abo sa ating noon, at ng may katatagang loob na ipagpatuloy ang disiplina ng panalangin, penitensiya at kawanggawa sa loob ng apatnapong araw na ito.