6th Sunday of Ordinary Time
World Day of the Sick
Lev 13:1-2.44-46 1 Cor 10:31-11:1 Mk 1:40-45
Noong February 11, 1858 si Bernadette Soubirous, kasama ng dalawa pang batang babae ay pumunta sa may grotto ng Masabiel upang manguha ng panggatong. Bigla na lang may malakas na hangin mula sa grotto at doon nakakita si Bernadette ng isang magandang babae. Siya lang ang nakakita nito. Ito na ang simula ng labing walong pagpapakita ng Mahal na Birhen sa kanya sa grottong iyon. Ang Mahal na Birhen ay nagpakilala sa kanya na siya ang Imakulada Concepcion. Si Maria na Imaculada Concepcion, na ibig sabihin ay pinaglihi na walang kasalanan, ay idiniklara na dogma, na ang ibig sabihin ay dapat paniwalaan ng mananampalataya na totoo, nuong 1854 lamang. Ang Masabiel ay nasa maliit na barrio ng Lourdes. Mula noon, naging tanyag ang Lourdes na puntahan ng mga mananampalataya, lalo na ng mga may sakit dahil sa maliit na batis na pinahukay ng Mahal na Birhen kay Bernadette. Mula sa batis na ito na ngayon ay malaki na, marami ang napapagaling. Ngayon, kilalang-kilala ang Lourdes na puntahan ng mga may sakit, ng mga gustong tumulong sa mga may sakit, ng mga gustong magdasal, at ng iba’t ibang mga tao na may dalang mga kahilingan sa Diyos o gustong magpasalamat sa kanya.
Milyong-milyon ang mga tao na pumupunta doon taon-taon. Dahil dito idineklara ang February 11 na World Day of the Sick. Hindi man tayo makapunta sa Lourdes sa araw na ito, bigyan nating halaga ang mga may sakit. Sinabi ni Jesus na papapasukin tayo sa kanyang kaharian kasi siya ay may sakit at inalagaan natin siya. Sa ating pagkalinga sa mga may sakit, si Jesus ang ating pinaglilingkuran, kahit na ang mga may sakit ay mahina na at makulit pa. Sa misa natin ngayon, itaas natin sa Diyos ang kahirapan ng mga may sakit, lalo na iyong mga kamag-anak at kakilala natin. Ipagdasal din natin ang mga doctor, mga nurses at mga care-givers na nangangalaga sa kanila.
Ngayong Linggo, ang mga pagbasa natin ay tungkol sa isang sakit na kinatatakutan noong panahon, ang sakit na ketong. Nakakatakot ang sakit na ito kasi nakikita ang sintomas ng karamdaman. Naaagnas ang balat ng may sakit. Nakakadiri itong tingnan. Noong unang panahon, ito ay walang lunas at pinaniniwalaang nakakahawa pa. Wala silang magawa sa mga may ketong kundi ilayo sila sa lipunan. Ang mga taong may sugat na hindi gumagaling at kumakalat ay dapat dalhin sa pari ng mga Israelita. Susuriin ng pari ang sugat o ang pagbabago ng kulay ng balat at siya ang madedeklara na ito ay ketong. Ang may ganitong karamdaman ay ilalayo sa sambayanan. Palagi siyang sisigaw na “Ketong! Ketong!” kapag may lumalapit sa kanya upang siya ay layuan.
Si Jesus ay ang anak ng Diyos na naging tao at siya ay dumating upang magbigay ng kaligtasan, kasama na dito ang pagalingin ang mga may karamdaman. Ito ay pinakita niya sa ating ebanghelyo ngayon. Hindi niya nilalayuan ang may pangangailangan, kahit na ang may ketong. Lumapit pa nga siya at hinipo ang ketongin. Bawal ito para sa mga Hudyo. Magiging madumi ang may contact sa may ketong. Bakit niya ginawa ito? Kasi siya ay mahabagin. Nahabag siya kaya lumapit siya. Ang mahalaga sa kanya ay hindi ang sasabihin ng iba kundi ang pangangailangan ng may sakit.
Napakaganda ang sinabi ng may ketong sa kanya. “Kung gusto mo, mapapagaling mo ko.” May pananampalataya ang ketongin kay Jesus. Naniniwala siya sa kanyang kapangyarihan. May kakayahan siya. Gusto ba niyang gamitin ang kakayahan niya? Napakasarap ng sagot ni Jesus: “Gusto ko! Gumaling ka!” Nilapitan, hinipo at pinagaling siya ni Jesus. Mahabagin siya, may kakayahan siyang tumulong, at tumutulong siya! Iyan ang ating Panginoong Jesus.
Ginalang din ni Jesus ang kaugalian ng mga Hudyo. Hindi lang sapat na gumaling ang ketong. Kailangan maibalik uli siya sa komunidad. Kaya pinapunta niya ang taong gumaling sa pari upang magpatotoo ito na talagang magaling na siya at mag-alay siya ng handog para makabalik na siya sa komunidad.
Pinagbawalan ni Jesus na ibalita ang milagrong ito sa mga tao. Ayaw niyang maging sikat, at ang tao ay lumapit lamang sa kanya dahil sa sikat siya, na isa na siyang star. Hindi naman siguro natin masisisi ang taong gumaling. Sa kanyang labis na tuwa, hindi niya mapigilang ipahayag na siya ay wala nang ketong. Nalaman ito ng mga tao at dinumog na si Jesus ng madla, kaya hindi na siya makapasok sa mga lunsod. Nanatili na lang siya sa mga ilang na lugar, pero kahit na doon, pinupuntahan pa rin siya ng mga tao.
Ang ketong ay nagagamot na ngayon. Kaya ang isla ng Culion na pinagtatapunan ng mga ketongin mula pa noong 1906 ay bukas na ngayon mula lang nuong 1992, at may mga turista na na pumupunta doon. Magagamot na ang ketong, pero ngayon ay may mga karamdaman pa rin na kinatatakutan ng mga tao at wala pang gamot na natutuklasan. Isa na riyan ay ang HIV-AIDS. Wala pang gamot dito. Ito ay nakakahawa din at nilalayuan ng mga tao ang may sakit ng ganito, hindi lang sa ito ay nakakahawa at nakamamatay, kundi tingin nila na makasalanan sila. Kadalasan nakukuha ang sakit na ito dahil sa sexual activities. Huwag na nating usisain paano nagka-HIV ang isang tao. Sa halip, tulungan natin siya. Mahabag tayo sa kanila at tanggapin natin sila sa ating pamilya at sa ating sambayanan. Pero maging maingat tayo, lalo na dito sa Palawan. Wine-welcome natin ang mga turista pero kilalanin din natin na mayroong negative side ang tourism. Nagdadala din ito ng iresponsableng sexual activities. Iwaksi natin ito. Huwag ipagbili ang katawan para lamang pagkakakitaan o sa kaaliwan.
Ang lahat ng may sakit ay tulungan natin. Ang mensahe ng World Day of the Sick ngayon ay: “Hindi maganda na ang tao ay mag-isa.” Iyan ang nararanasan ng maraming may sakit, lalo na kung malubha na ang kanilang kalagayan – parang iniiwanan na sila. Madalas mag-isa na lang sila. Iyan din ang nararamdaman ng may HIV. Hindi man tayo mga doctor o care giver na direktang makagagamot sa kanila, maipaparamdam nating lahat na hindi nag-iisa ang mga may sakit. Nandiyan tayo, binibisita sila, tinatanggap sila at tinutulungan sila. Maari pa nga na tayo ang makapagpaparamdam sa kanila ng presensiya ng Diyos.