Apostolic Vicariate

of Taytay, Northern Palawan

Homily, Feast of the Holy Family Cycle A

Homily December 28, 2025
Feast of the Holy Family Cycle A
Sir 3:2-7.12-14 Col 3:12-21 Mt 2:2:13-15.19-23
Merry Christmas sa inyong lahat! Bahagi ng ating pagdiriwang ng Pasko ay ang pagdiriwang natin ng kapistahan ng Banal na Mag-anak, Feast of the Holy Family. Pinapakita ng kapistahan na ito kung gaano kahalaga ang pamilya sa ating mga tao. Kahit na ang Diyos noong naging tao siya, siya ay naging bahagi ng isang pamilya. Hinahanap ng ating pagkatao ang isang pamilya na binubuo ng isang tatay, isang nanay at ng anak. Ang basehan ng lipunan ay ang pamilya. Kung malusog, matatag, nagkakaisa at nagtutulungan ang pamilya, magiging maayos ang lipunan. Maraming problema na nangyayari sa lipunan ay dahil sa broken family. Pangalagaan natin ang ating pamilya. Ipagdasal natin ito. Tandaan natin: no amount of success can make up for failure in the family. Hindi mapapalitan ng anumang tagumpay ang pagkabigo o pagkasira ng pamilya.
Magiging maayos ang pamilya kung ginagampanan ng bawat isa ang kanilang tungkulin. Kaya sinulat sa Banal na Kasulatan na ating napakinggan:
• Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon.
• Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag silang pagmalupitan.
• Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat ikinalulugod iyan ng Panginoon.
• Mga magulang, huwag ninyong kagagalitan nang labis ang inyong mga anak, baka manghina ang kanilang loob.
Sinabi pa sa atin: “Itanim ninyong mabuti sa inyong isip ang Salita ni Kristo… kaya magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa’t-isa.” Dahil sa tayo ay tao lamang, kailangan natin ng pagpapatawad at pagbibigayan lalo na sa ating pamilya. Sinabi ni Papa Francisco na may tatlong salita na dapat palaging marinig sa ating mga tahanan: Please o palihog o patigayon. Palaging makiusap na may paggalang. Thank you o pasalamat. Kilalanin ang kabutihan na ginagawa ng bawat isa. Sorry o patawad o pasaylo. Kilalanin natin at aminin ang ating pagkakamali at pagkukulang. Siguraduhing maging madalas sa ating pamilya ang paggamit ng mga salitang ito: Please…. Thank you ….. I am sorry.
Kailangan natin ang pamilya hindi lang sa simula ng ating buhay, kundi pati na sa ating katandaan. Ang mahihina ay naaalagaan sa pamilya. Sila iyong mga bata, iyong matatanda at iyong mga maysakit at may kapansanan. Ipinapaala-ala din sa atin ito sa Bibliya. Narinig natin: “Kalingain mo ang iyong magulang kapag siya ay matanda na…. Pagpaumanhinan mo siya kapag nanlalabo na ang kanyang isip.” Kung gagantimpalaan ng Diyos ang ginagawa natin sa mga nangangailangan at mga mahihina, ano pa kaya kung sila ay ang mga magulang, kapatid o anak natin? Dito natin napapakita ang tunay na pagmamahal sa ating kapwa. Sino pa kaya ang mas kapwa natin kaysa iyong kapamilya natin? Minsan nababalewala natin sila kasi palagi naman silang nandiyan, o kaya nakukulitan at nagsasawa na tayo sa kanila. Baka naman ang pagiging makulit nila ay isang paraan nila ng paglalambing sa atin o ang paghingi nila ng paglalalambing?
At talagang hindi madali ang pagiging mapagbigay sa pamilya. Ito ay naranasan ni San Jose. Ang laki ng sakripisyo niya at pagmamalasakit kay Jesus at kay Maria. Talagang siya ang tumayo na gabay at tagapangalaga sa kanila. At iginalang ng Diyos ang papel ni Jose sa buhay ni Jesus. Ang mga instructions ng Diyos para sa bata ay binibigay ng Diyos kay Jose. Kay Jose nagsalita ang anghel na ilikas ang bata sa Egipto. Siya rin ang sinabihan ng anghel na makakabalik na sila sa kanilang lupain kasi patay na si Herodes. Nanirahan ang mag-anak sa Nazaret dahil din sa ito ang sinabi ng anghel. Natupad ang plano ng Diyos sa bata dahil sa pagsunod ni Jose. Kaya natupad ang nasabi sa Kasulatan na tatawagin ang Anak ng Diyos mula sa Egipto kasi dinala ni Jose ang bata sa Egipto. Natupad ang sinabi sa Kasulatan noon pang panahon na tatawagin ang ipadadala ng Diyos na Nazareno kasi doon dinala ni Jose ang Banal na Mag-anak. Dakila talaga si Jose! Ginagabayan siya ng Diyos at naging masunurin naman siya sa Diyos.
Hindi lang naman si Jose ang ginagabayan ng Diyos. Ginagabayan din ng Diyos ang lahat ng mag-anak na pinabanal nila. Sa sakramento ng kasal pinababanal ng Diyos ang mag-asawa at ang kanilang pamilya. Kaya mahalaga ang sakramentong ito sa mag-asawa. Hindi lang ito seremonyas. Ito ay sakramento. Ito ay isang permanenteng bendisyon ng Diyos. Pero hindi magic ang sakramento. Hindi bigla-biglang maaayos na ang pamilya kasi kinasal sila sa simbahan. Ginagabayan tayo ng Diyos. Nagpapagabay ba tayo sa kanya? Sumusunod ba tayo sa kanya? Bahagi ba ang Diyos sa buhay ng ating pamilya? Sabay-sabay ba tayong nagdarasal? Nagsisimba ba tayo bilang pamilya? Pinag-uusapan din ba natin ang Diyos sa ating pamilya?
Ang Banal na Mag-anak ay huwaran ng ating pamilya. Tularan natin ang kanilang pagmamahalan. Dito lumaki si Jesus na malusog at kalugud-lugod sa Diyos at sa tao. Magdasal din tayo sa Banal na Mag-anak. Siguradong maaasahan natin ang panalangin ni Jesus, Maria at Jose.
-Bishop Broderick Pabillo
Scroll to Top