Feast of the Holy Family Cycle B
Sirach 3:307.14-17 Colosas 3:12-21 Lk 2:22-40
Ang unang Linggo pagkatapos ng December 25 ay ang kapistahan ng Banal na Mag-anak, the feastday of the Holy Family. Pinapaalaala sa atin na ang Anak ng Diyos, noong naging tao siya, ay naging bahagi ng isang pamilya at doon siya lumaki sa isang pamilya. Napakahalaga po ng pamilya para sa tao, at ang pamilya ay binubuo ng isang ina, na isang babae, ng isang ama, na isang lalaki, at ng anak. Ang Banal na Mag-anak ang nagsisilbing modelo sa lahat ng mga pamilya.
Kinikilala natin ang pamilya sa simbahan na domestic church. Ito ay ang simbahan sa tahanan. Ang unang karanasan natin sa simbahan ay sa ating pamilya. Dito nararanasan natin ang pagsunod sa mga alituntunin na galing sa Diyos. Ginawa ito ni Maria at ni Jose. Sinunod nila ang mga alituntunin ng Diyos para sa mga Hudyo. Sila ay pumunta sa templo dala-dala ang sanggol na si Jesus upang mag-alay ng handog para sa paglilinis sa nanay pagkatapos na siya ay manganak, at para din sa pagtubos ng kanilang panganay na anak. Ang lahat ng panganay ay para sa Diyos. Kaya ang panganay na anak ay dapat tubusin ng mga magulang sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aalay. Dahil sa mahirap lang sila, ang alay ni Maria at ni Jose ay dalawang inakay na kalapati. Oo, mahirap lang si Maria at si Jose pero nag-alay sila ayon sa kautusan ng Diyos. Hindi nila dinahilan ang kanilang kahirapan na hindi makapag-alay sa Diyos.
Ang tahanan ay naging simbahan din kasi dito naisasabuhay ang mga asal na Kristiyano. Napakinggan natin kay San Pablo sa ating ikalawang pagbasa ang maraming mabubuting asal na dapat gawin ng isang nagmamahal sa Diyos: maging mahabagin, maging maganda ang loob, mapagkumbaba, matiisin, nagpapatawad, nagmamahal sa isa’t-isa, nagtutulungan, nagkakaisa, at gumagalang sa bawat isa. Hindi ba sa pamilya natin natutunan ang mga ito? Ang paghuhubog ng puso at ng kaugalian ng bawat tao ay natutunan sa pamilya. Pati na ang mga magulang ay nahuhubog ng pamilya. Mas nagiging responsable ang isang lalaki kasi may-asawa at tatay na siya. Natututo ang nanay na maging mapagpasensya dahil sa kanyang mga anak. We grow in virtues in our families. Pati na nga si Jesus ay lumago at naging mature sa loob ng kanyang pamilya sa Nazareth. Narinig natin kay San Lukas: “Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.”
Sa pamilya din tayo natututong makilala ang Diyos at magdasal. Natutunan ni Jesus na sundin ang kautusan ng Diyos kasi si Maria at si Jose ay masunurin sa utos ng Diyos. Masasabi nating tinuruan din si Jesus na magdasal ng kanyang lola at lolo na si Santa Ana at si San Joaquin at ng kanyang mga magulang, tulad din natin na natuto tayong magdasal, at dinala tayo sa simbahan ng ating mga lolo at lola, ng mga magulang natin at ng mga ate at kuya. Talagang ang pundasyon ng ating simbahan ay nagsisimula sa mga pamilya.
Sa pamilya natututo din tayong gumalang sa iba. May tungkulin tayo sa bawat isa. Kaya nga sinabi ni San Pablo: mga babae pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, at mga lalaki ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag silang pagmalupitan. Mga anak palagi ninyong sundin ang inyong mga magulang, ang mga magulang, huwag ninyong pagalitan ng labis ang iyong mga anak para hindi manghina ang kanilang loob. Huwag sana ninyo murahin ang inyong mga anak. Tanggalin ang pagmumura sa pamilya. Nakakababa iyan ng dignidad, at kahit na bata pa, may dignidad din sila. Sa halip, ang tatlong salita na dapat palaging marinig sa isa’t-isa sa pamilya ay: “I am sorry” “I love you” “Please” – “PAUMANHIN, SORRY PO NAGKAMALI AKO.” “MAHAL KITA.” “PALIHOG. PATIGAYON.”
Napakahalaga ng misyon ng pamilya sa simbahan, na ito ay pinababanal ng sakramento ng kasal. Ang lalaki at babae na palagay nila tinatawag sila ng Diyos na magbuo ng pamilya ay lumalapit sa simbahan at humihingi ng sakramento na magpapalakas at gagabay sa kanilang panghabang buhay na misyon na magmahalan sa isa’t-isa, at kung loloobin ng Diyos, magkaroon ng mga anak na huhubigin na maging mga anak ng Diyos. Ang sakramento ng kasal ay nagbibigay ng gabay at lakas na mula sa Diyos para maging simbahan sila sa tahanan.
Sa ating mga Pilipino, isang mahalagang miyembro ng pamilya natin ay ang mga lolo at lola at matatanda nating mga kamag-anak. Narinig natin sa ating unang pagbasa na mula sa aklat ni Sirak na ang pagsunod, paggalang at pag-alaga sa mga magulang ay kinalulugdan ng Diyos. Ito ay nagbabayad ng ating mga kasalanan. Dinidinig ng Diyos ang ating mga dasal kung gumagalang at pinaliligaya natin ang ating matatanda. Hahaba ang ating buhay kung kumakalinga tayo sa mga magulang, lalo na kapag matanda na sila at alagain na.
Ang mga matatanda natin ay siya ring nagdadala sa atin ng salita ng Diyos, tulad ng ginawa ni Simeon at ni Anna sa templo sa Jerusalem. Sila ang nakakilala na ang sanggol na daladala ni Maria at ni Jose ay ang katuparan ng pangako ng Diyos, na siya ang magiging liwanag ng mundo. Sila ang nagpakilala sa sanggol sa mga tao doon sa templo. Si Simeon ang nagpahayag kay Maria sa mangyayari sa bata at sa kanya, na dadating din ang kahirapan sa kanyang buhay dahil sa batang ito na katitisuran ng marami sa Israel na ayaw tumanggap sa kanya. Patuloy po nating pahalagahan ang mga matatanda. Sila ang ugat natin sa kasaysayan ng ating pamilya. Naipapasa nila sa atin ang kanilang malalim na karanasan sa buhay, pinapakilala nila sa atin ang Diyos, at sila ang nagsasabi sa atin kung ano talaga ang mahalaga sa buhay. Alam na nila, ayon sa mahabang karanasan, kung ano ang talagang mahalaga sa buhay at kung ano ang lilipas lang at walang kwenta.
Magpasalamat tayo sa Diyos sa ating mga pamilya. Tumingala tayo sa Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria at Jose. Tularan natin sila at hingin natin sa kanila na gawin ang ating mga pamilya na simbahan sa tahanan kung saan ang Diyos ay pinupuri, at bawat isa ay minamahal at tinutulungan, at kung saan ang Salita ng Diyos ay pinapahalagahan at binabahagi.