21st Sunday of Ordinary Time Cycle C
Jos 24:1-2.15-17.18 Eph 5:21-32 Jn 6:60-69
Kayong nandito na nagsisimba, kayo’y mga katoliko. Ang karamihan sa atin ay naging katoliko dahil sa ipinanganak tayo sa isang pamilyang katoliko. Pero bakit ba kayo nanatiling katoliko? Bakit ba kayo patuloy na nagsisimba at nakikiisa sa simbahan? Ito ba ay dahil sa kaugalian lang ng inyong pamilya? Nanatili ba akong katoliko dahil ba sa napipilitan lang ako, natatakot kay Lola o kay Tatay? O dahil lang ba sa barkada, nandito kasi ang mga kaibigan ko? O dahil ba sa wala na akong ibang alam kundi ang maging katoliko? O ang pagiging pananatili mong katoliko ay isang bagay na dinisisyonan mo? Patuloy akong nagsisimba kasi ito ay aking pasya na mabuti. Patuloy akong sumusunod sa simbahan dahil na dinisisyonan ko na ito ang tama. Dapat tayo magpasya. Dapat tayo magdesisyon. Iyon ang pinagawa ni Josue sa mga tao at iyon din ang pinagawa ni Jesus sa kanyang mga apostol.
Pagkatapos ng mahabang panahon ng pakikipag-digma sa mga taga-Canaan, sa wakas nakuha na ng mga Israelita ang halos buong Canaan, ang lupaing ipinangako ng Diyos sa kanyang bayan. Naibahagi ang lupain sa iba’t ibang tribu ng Israel. Matanda na noon si Josue, ang kanilang leader. Pinatawag niya ang mga matatanda, ang mga hukom, ang mga pinuno at mga tagapangasiwa sa Israel sa isang pagpupulong sa lunsod ng Siquem. Sabi niya na natapos na niya ang kanyang misyon na pangunahan sila sa pagkuha ng lupain at pagbahagi nito sa bawat tribu. Sa kanilang mahabang pagsasama-sama marami na silang mga diyos na naranasan. Nakilala nila ang mga diyos ng ninuno nila sa Mesopotamia, ang mga diyos ng mga taga-Egipto, ang mga Diyos ng mga Amorreo at mga tao na taga-Cananaan, at si Yahweh na siya ang Diyos na nagligtas sa kanila sa Egipto. Ngayong nasa lupain na sila ng Canaan, pumili na sila kung sinong diyos ang sasambahin nila. Pero sabi ni Josue, “Ako at ang aking angkan ay kay Yahweh Panginoon lamang maglilingkod.” Nagsigawan ang lahat ng mga leaders ng bayan: “Nasaksihan namin ang mga kababalaghan na ginawa ni Yahweh sa pagliligtas sa amin sa mga kaaway. Kami rin ay kay Yahweh na Panginoon maglilingkod. Siya ang ating Diyos.”
Nanindigan ang mga tao na kay Yahweh lang sila maglilingkod. Pumili sila at pinili nila sa Yahweh bilang kanilang Diyos. Pero alam natin sa kasaysayan ng Israel na noong mamatay na ang matatandang mga Israelita, sumamba na sa mga diyos-diyosan ng Canaan ang mga tao. Hindi pinanindigan ng kanilang mga anak ang commitment ng mga nakakatanda kaya dahan-dahan nawala sila sa lupain na ipinangako sa kanila.
Noong panahon din ni Jesus pinapili ni Jesus ang kanyang labing dalawang apostol. “O ano, aalis din ba kayo?” Hinamon ni Jesus ang mga apostol noong ang mga alagad niya ay isa-isa nang umaalis at iniiwan sila. Excited noon ang mga alagad na sumunod sa kanya. Nasaksihan nila ang pagpakain ni Jesus sa higit na limang libong mga tao mula sa limang tinapay at dalawang isda lamang. Gusto na nilang gawin si Jesus na hari. Pero noong nagsalita na si Jesus na dapat maniwala sila sa kanya na siya ay galing sa langit na pinadala ng Ama, nagbulungbulungan na sila. Mahirap na tanggapin ito na siya ay galing sa langit na alam nila na galing siya sa Galilea at ang mga kamag-anak niya ay kilala nila. At noong nagsalita na si Jesus na magbibigay siya ng pagkain na hindi na sila magugutom at hindi mamamatay at ang pagkaing ito ay ang kanyang katawan, ay lalong nadisgusto na sila sa kanya. Ano? Kakainin namin ang kanyang laman at iinumin ang kanyang dugo? Ano ang akala niya sa kanila, mga aswang? Mga mamamatay tao? Baliw yata ang taong ito. Mula noon marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hind na sumama sa kanya. Kaya tinanong ni Jesus ang labing dalawang apostol kung aalis din ba sila. Hinamon sila ni Jesus na magdesisyon.
Maganda ang sagot ni Simon Pedro. Bilang kinikilalang leader, siya ang sumagot para sa lahat: “Panginoon, kanino pa kami pupunta? Nasa iyo ang salita na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.” Maaaring hindi din nila naiintindihan kung paano nila kakainin ang kanyang laman at iinumin ang kanyang dugo, pero naniniwala sila na siya ang pinadala ng Diyos, na salita niya ay maaasahan kasi ito ay nagbibigay buhay. Naniwala sila hindi dahil sa naintindihan nila kundi dahil sa naniniwala sila sa kanya. Siya ay maaasahan. Mabuti ang kanyang balak para sa kanila at naniniwala sila na siya ay galing sa Diyos. Ito ang pananampalataya. Naniniwala tayo sa kanya kaya tinatanggap natin ang lahat ng sinasabi niya.
Ganyan din ba ang ating pananampalataya kay Jesus? Hindi lang tayo naniniwala sa kanya kung maayos ang buhay natin. Kahit na sa panahon ng kagipitan kumakapit tayo sa kanya. Hindi niya tayo pababayaan. Mahal niya tayo at hindi niya tayo bibiguin. Lalo na naniniwala tayo na dadalhin niya tayo sa langit kung nasaan ang buhay na walang hanggan. Walang nakakaalam papunta sa langit kundi ang nanggaling sa langit. Si Jesus ay galing doon. Nagtaya na siya ng kanyang buhay upang dalhin tayo doon. Talagang gagabayan niya tayo papunta doon.
Hindi lang tayo gagabayan ni Jesus papunta ng langit. Ginagabayan niya tayo sa lupa upang ipakita sa atin ang wastong landas ng kabutihan. Kaya nga binigyan niya tayo ng Simbahan at ng kanyang Banal na Salita. Kaya sa ating panahon ngayon nandiyan ang Salita ng Diyos sa Bibliya at ang Simbahan na siyang nagpapaliwanag at nagsasabuhay nito.
Isang malaking usapin sa ating panahon ngayon ay ang divorce. Tinutuligsa tayo ng marami na backward daw tayo sa Pilipinas kasi wala pa tayong divorce. Bilang mga katoliko hindi natin matatanggap ang divorce kasi ito ay hindi tinatanggap ng Bibliya. Sinabi ni propeta Malakias na sabi ng Diyos: I hate divorce. Sinabi ni Jesus na ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao. Pinagsama ng Diyos ang lalaki at babae noong unang likhain niya ang dalawa. Sila ay hindi na dalawa kundi magiging isa na lamang. Ngayon sinasabi sa atin sa sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso na ang kaugnayan ng lalaki at babae sa pag-aasawa ay isang tanda ng malalim na katotohanan – tanda ng pagsasama ni Kristo sa simbahan. Ito ang ibig sabihin ng sakramento – isang tandang nakikita na nagpapahiwatig ng malalalim na katotohanan na hindi nakikita. Ang pagsasama ng mag-asawa ay salamin ng pagsasama ni Kristo at ng simbahan. Tulad na ang simbahan ay nagpapasailalim kay Kristo, gayon din ang babae ay nagpapasakop sa kanyang asawa. Tulad ng ganoon na lang ang pagmamahal ni Kristo sa simbahan na binigay na niya ang buhay niya para sa simbahan, ganoon din ang pag-ibig ng lalaki sa kanyang asawa. Ibinibigay niya ang buhay niya para sa kanyang asawa. Dahil sa sila ay iisa na lang, ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. Walang tao na namumuhi sa kanyang sarili, kaya hindi kinamumuhian ng lalaki ang kanyang asawa.
Ang pagsasama ng lalaki at babae sa kasal ay hindi lang isang kontrata. Para sa ating mga katoliko, ito ay isang sakramento. Ang pagsasamang ito ay nagpapahiwatig ng malalim na katotohanan at nagbibigay ng grasya sa mag-asawa at sa kanilang pamilya. Kaya dapat pangalagaan ang pag-aasawa at ang pagpapamilya. Mas mataas ang bilang ng naghihiwalay na mag-asawa at mga broken families sa mga bansa na may divorce. Mas marami ang mga bata at mga nanay ang nagdurusa dahil sa divorce. Kaya hindi ito kalooban ng Diyos at hindi natin ito mapapayagan. Mas pipiliin ba natin ang sabi sabi ng sinu-sinong politiko at dalubhasa kuno at ng mga anu-anong survey kaysa Salita ng Diyos? Magdesisyon tayo.
Sabi ni Josue, “Ako at ang aking angkan ay sa Panginoon lamang maglilingkod.” Sabi ni Pedro, “Nasa inyo ang salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” Magdesisyon din tayo!