Homily April 28, 2024
5th Sunday of Ordinary Time
Acts 9:26-31 1 Jn 3:18-24 Jn 15:1-8
Tayong lahat na nandito ay naniniwala sa Diyos. Oo, naniniwala tayo sa Diyos, naniniwala tayo na mayroong Diyos, na nandiyan siya, pero mahalaga ba siya sa atin? Gaano kahalaga? Kailangan ba natin siya? O baka naman iniisip natin na maaari naman tayo mabuhay na hindi niya tayo pinakikialaman? Pero mga kapatid, hindi lang na mayroong Diyos, kailangang-kailangan natin siya. Napakahalaga niya para sa atin na sinabi ni Jesus: “Ako ang tunay na puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Hindi mabubuhay ang sanga kung hiwalay sa puno. Ito ay nalalanta at namamatay.” Pero ang hinanap sa atin ay hindi lang mabuhay. Gusto ng Diyos na tayo ay mamunga. Lalong hindi makapamumunga ang sanga na hiwalay sa puno.
Upang mabuhay, upang makapamulaklak, at upang mamunga ang sanga, ito ay dapat nananatili sa puno, kaugnay sa puno. Kaya ang tanong ay paano ba tayo mananatili sa puno, paano ba tayo mananatili kay Jesus? Manatili tayo sa kanyang salita, na ang ibig sabihin ay sumunod tayo sa kanyang utos. Ang sumusunod sa utos ng Diyos ang nagmamahal sa kanya. Ang pagmamahal sa Diyos ay hindi napapakita sa luha natin o sa pagyakap natin sa kanya. Ito ay napapatunayan sa pagsunod sa kanya. At ano ang utos ng Diyos sa atin? Sinabi ni San Juan sa ating ikalawang pagbasa: “Ito ang kanyang utos: manalig kayo sa kanyang anak na si Jesukristo, at mag-ibigan kayo, gaya ng iniutos ni Kristo sa atin.” Pananampalataya at pag-ibig, iyan ang hinihingi sa atin para manatili tayo kay Jesus. Pag ito ay isinasabuhay natin, mamumunga tayo nang sagana at ang mga bungang ito ang magpapatunay na mga alagad tayo ni Kristo.
Gusto ng Diyos na mamunga tayo ng sagana. Ano ba ang bunga na hinahanap ng Diyos sa atin? Ang pagpapatotoo at pagpapakilala sa kanya. Ibig ng Diyos na makarating sa mas maraming tao ang Magandang Balita na dala ni Jesus. Ito ay makararating sa iba sa pamamagitan ng mga taong naniniwala na sa kanya. Dadami ang mananampalataya sa pamamagitan ng naniniwala na. Tayo ba ay nakapagpapatotoo kay Jesukristo? Napapakilala ba natin siya? Kung may pag-uusig laban sa mga Kristiyano, uusigin ba tayo, kasi nakikita na kristiyano tayo, o hahayaan na lang tayo kasi hindi naman klaro na mananampalataya tayo? Sana matularan natin si Pablo, na noon kilala pang si Saulo, sa ating unang pagbasa.
Maalala natin na si Saulo ay nagsimula na tagapag-usig sa mga Kristiyano. Naniniwala siya na mali ang itinuturo ng bagong grupong ito na si Jesus daw ay ang Kristong ipinangako. Ganoon siya kasigasig sa pagkokontra sa mga Kristiyano na binabahay-bahay ang mga ito ay hinuhuli at ipinapakulong. Pumunta pa siya sa ibayong lunsod ng Damasco upang manghuli ng mga Kristiyano. Pero nagpakita sa kanya si Jesus sa daan. Nagpakilala si Jesus at doon naunawaan ni Saulo na mali pala siya. Noong ma-realize ito, nanampalataya na siya kay Jesukristo. Hindi lang siya tumigil na manghuli at mang-usig ng mga kristiyano. Siya mismo ay masigasig na nagpatotoo na si Jesus nga ang Kristo ayon sa Banal na Kasulatan.
Pagbalik niya sa Jerusalem, takot ang mga tao sa kanya. Kilala siya bilang kaaway at mang-uusig. Mabuti na lang at ipinakilala siya ni Bernabe, isang Kristiyanong iginagalang sa simbahan. Sinabi ni Bernabe na ibang tao na si Saulo. Kakampi na nila siya. At totoo nga, naging masigasig si Saulo na mangaral sa pangalan ni Jesus. Ganoon kagaling ang kanyang pananalig at pagpapaliwanag na hindi siya matalo ng mga ayaw maniwala na mga Hudyo, lalo na sa pangkat ng mga Hudyong Helenista, ang grupo pumatay kay Esteban. Gusto na nilang patayin din si Saulo upang patahimikin siya tulad ng ginawa nila kay Esteban. Natakot ang mga leaders ng mga Kristiyano para kay Saulo kaya pinauwi na lang muna siya sa kanyang bayan sa Tarso. Naging masyadong mainit na siya sa mata ng mga Hudyo.
Namunga si Saulo. Napakalakas ng kanyang patotoo na napapansin na siya ng iba. Hindi lang naniwala si Saulo sa Magandang Balita. Ipinahayag at pinatotohanan niya ito sa kanyang mga salita at mga gawa. Hindi na naitatago ang bunga ng kanyang pananampalataya. Ang puno na may bunga ay niyuyugyog at binabato. Ganyan na si Saulo. Kaya inuusig na rin siya.
Ang Anak ng Diyos ay naging tao upang maging kasama natin. Ibig ni Jesus na makiisa sa atin. Gusto din ba natin ito, na makiisa at manatili sa Kanya? Nananatili sa atin si Jesus kung ang kanyang salita ay nananatili sa atin, na ibig sabihin na sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang utos niya ay manalig tayo sa kanya at mag-ibigan tayo. Ang pag-ibig ay hindi lang sa salita kundi pinapakita sa gawa. Ito ay may bunga. Ibig ng Diyos na maging mabunga ang ating pananampalataya at pag-ibig, bunga na mananatili at hindi panandalian lamang. Ang bunga ay ang ating pagsasaksi, ang ating pagpapatotoo tungkol kay Jesus. Sa pagpapatotoo lumalaganap ang Magandang Balita at marami ang mga taong maniniwala. Kaya kung talagang nananatili tayo kay Jesus nagpapatotoo tayo tungkol sa kanya. Nagsasalita tayo tungkol sa kanya. Ikinukwento natin siya. Pinaninindigan natin ang mga aral niya.
Umaabot sa atin ang salita ni Jesus sa pamamagitan ng mga aral ng simbahan. Nakikinig tayo ngayon kay Jesus kung pinakikinggan natin ang mga aral ng simbahan. Isa sa mga aral ng simbahan ay tayo, bilang tao ay nilikha ng Diyos bilang katiwala niya na pangalagaan ang kalikasanan. Hindi natin ito sinisira. Dito sa atin sa Palawan at sa buong Pilipinas pa nga, malaki ang pagkasira ng kalikasan dala ng pagmimina. Sinisira nito ang ating mga kagubatan. Libu-libong puno ang pinuputol sa pagmimina. Hindi lang pinuputol, hinuhukay pa ang lupa at tinatapon ang top soil. Kaya pagkatapos ng pagmimina hindi na napapakinabangan ang lupang pinagminahan. Huwag tayong maniwala na mare-rehabilitate nila ito. Wala pang bundok na tinibag nila na narehabilitate. Hindi na tutubo ang mga tanim doon. Wala ng hayop na maninirahan doon. Pinapatay nila ang lupa at ang mga tao na nakadepende sa lupa – ang ating mga katutubo at magsasaka.
Hindi madali ang kumontra sa pagmimina. Babansagan tayo at ire-redtag na mga nanggugulo at komunista pa nga. Hindi po madali na manatili kay Jesus at sa kanyang mga salita sa usaping ito. Maninindigan ba tayo? Ipaglalabanan ba natin ang ating pagiging mabuting katiwala ng Diyos? Iyan ang isang hamon sa atin kung ibig natin manatili kay Jesus at sa kanyang mga salita.