Homily April 14, 2024
3rd Sunday of Easter Cycle B
Acts 3:13-15.17-19 1 Jn 2:1-5 Lk 24:35-48
Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay ang tagumpay sa kasalanan. Ibinuhos na kay Jesus ang lahat ng fuersa ng kasalanan. Naranasan niya ang iba’t-ibang anyo ng kasalanan. Siya ay pinagbili ni Judas, pinagtinaksilan ni Pedro, pinagbintangan ng mga religious leaders ng kanyang panahon. Naranasan niya ang torture ng mga Romano, ang pagkutya ng mga tao, ang kaduwagan ni Pilato, ang pananahimik ng kanyang mga alagad. Nandiyan din ang walang katarungang pagbibintang at paghuhusga, ang panunulsol ng mga pari pa naman sa mga tao, ang pasakit ng pagkapako sa krus. Natanggap din niya ang huling kamandag ng kasalanan na walang iba kundi ang kamatayan, at masakit at nakakahiyang kamatayan. Ang lahat ng ito ay dinanas ni Jesus at napagtagumpayan niya. Siya ay muling nabuhay! Ang mga bakas ng sugat sa kanyang mga kamay at paa ay hindi na naging tanda ng kahihiyan kundi naging medalya na ng kanyang tagumpay. Hindi siya napahiya. Napagtagumpayan niya ang lahat.
Tayong nakikiisa kay Jesus ay nakikiisa din sa kanyang tagumpay. Ano naman ang ating tagumpay sa kasalanan? Ang kapatawaran! Totoo nandiyan pa rin ang kasalanan, pero wala na itong kapit sa atin. Napapatawad na tayo kahit na gaano kalaki ng ating kasalanan. Iyan ang mensahe ni Pedro at ni Juan sa mga tao doon sa Jerusalem. Maraming mga tao ang nagtipon noong makita nila na ang lumpo na namamalimos sa labas ng templo ay nakalalakad na. Pinaliwanag ni Pedro na ang lumpong ito ay nakalakad dahil sa kapangarihan ni Jesus na muling nabuhay. Oo, namatay siya. Itinakwil nila siya sa harapan ni Pilato kahit na gusto na niya siyang palayain. Pinagbintangan nila ang taong matuwid at banal at pinagpalit sa isang mamamatay tao. Pinapatay nila ang pinagmumulan ng buhay, ngunit hindi siya mapigilan ng kamatayan. Sila ay muling nabuhay. Ang katotohanan na buhay siya ay napagaling niya ng lumpo na nasa harapan nila ngayon.
Pero kahit na ganito ang kanilang ginawa kay Jesus hindi pa huli ang lahat. Sa kanilang pagka-ignorante sa pamamaraan ng Diyos, tinupad nila ang nakasulat sa banal na kasulatan na ang Kristo ay dapat magdusa. Kaya ngayon magsisisi na sila upang matanggal na ang kasamaan na kanilang ginawa. Iyan din ang sinulat ni San Juan na ating narinig sa ikalawang pagbasa. Ayaw ng Diyos na magkasala tayo, pero kung nagkakasala man tayo, nandiyan si Kristo na Tagapamagitan natin. Siya ang handog na nagpapatawad sa kasalanan natin, at hindi lang ng kasalanan natin, kundi kasalanan ng lahat ng mga tao. Kaya hindi na tayo maaalipin ng kasamaan. Matatanggal na ang kasamaan natin.
Sino ang magdadala ng mensaheng ito ng tagumpay at kapangyarihan? Ang mga apostol ni Jesus, na sila mismo ay nagkasala, na sila mismo ay nahirapan na makapaniwala. Nagpakita na si Jesus sa dalawa sa kanila sa daan patungo sa Emaus. Nakita na nila si Jesus na nakatayo sa harap nila. Pinakita na ni Jesus at pinapahipo pa sa kanila ang butas ng pako sa kanyang mga kamay at paa. Kumain na si Jesus ng inihaw na isda sa harap nila upang patunayan na hindi siya multo, pero nag-aalinlangan pa sila. Ang damdamin nila ay magkahalong takot at tuwa. Tuwa dahil nandiyan na si Jesus sa piling nila. Takot at pagkamangha kasi bago ang pangyayaring ito. Siya ba talaga ito? Totoo ba ito?
Pinaliwanag sa kanila ni Jesus na ang nangyari sa kanya ay bahagi ng plano ng Diyos. Nangyari ito sa kanya hindi dahil sa naging mahina siya at hindi siya nakatakas sa mga umuusig sa kanya. Ito ay nakatakda na sa Banal na Kasulatan. Nakasulat doon na magbabata ang Kristo ng kahirapan ngunit mabubuhay na muli sa ikatlong araw. At ngayong buhay na uli siya, ipapahayag na ang kapatawaran ng kasalanan.
Natalo na niya ang kasamaan. At sila, ang mga alagad niya, ang mga saksi sa mga pangyayaring ito. Ganoon nga ang ginawa ng mga apostol. Pumunta sila sa iba’t-ibang bahagi ng mundo at nagpahayag. Hindi lang sila nagpatotoo sa pamamagitan ng kanilang mga salita. Itinaya nila ang kanilang buhay sa mensahe nila. Ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus na nagbigay ng lakas sa mga alagad na humayo at magbuhos ng kanilang buhay na ito ay totoo.
Nakarating hanggang sa atin ang mensaheng ito. Natanggap natin ang mga patotoong ito ng mga apostol kaya mayroong tayong apostolic faith. At tayo din ngayon, tinataya natin ang ating panahon, ang ating talento, ang ating yaman sa paniniwalang ito. Dahil sa handog ni Jesus, tayo ay nagbabalik handog. Kaya nga tayo nagsisimba ngayon. Kaya nga tayo nakikiisa sa mga panawagan ng bayanihan. Kaya nga marami sa atin ay nag-se-serve sa iba’t-ibang gawain ng simbahan. Kaya nga tayo nag-aambag ng ating makakayanan sa mga projects ng simbahan. Isinasabuhay natin ang pag-aalay ni Jesus sa paniniwala na makikiisa din tayo sa kanyang tagumpay.
Isabuhay natin at patuloy na ipahayag ang magandang balitang ito. Malaya na tayo sa kasamaan. Pairalin na natin ang kabutihan. Kaya huwag na tayong magpadala sa takot, sa pangamba, sa galit, sa inggit, sa bisyo at sa anumang kasamaan. Manalig tayo at maging generous at makikiisa tayo sa kapangyarihan ni Jesus na muling nabuhay.