FEBRUARY 1, 2026
4th Sunday in Ordinary Time Cycle A
Pro-Life Sunday
Day of Prayer and Awareness against Human Trafficking
Zep 2:3; 3:12-13 1 Cor 1:26-31 Mt 5:1-12
Noong 1990’s nauso ang mga aklat na nagsasabi sa atin kung papano maging mayaman, maging successful, maging malusog, at iba pa. How to be successful in life, how to learn better, how to be healthy, how to be happy. Ngayong may internet na, marami ring mga ganitong pahayag. Oo, naghahanap tayo ng formula, ng paraan paano, lalo na ngayon, paano maging masaya. Si Jesus din ay mayroong ganitong pahayag, at iyan ang napakinggan natin ngayon sa ating mga pagbasa. Maniwala tayo sa pahayag ni Jesus. Hindi ito resulta ng research ng anumang Universidad o ng sinumang magaling na professor. Ito ay Salita ng Diyos na maaasahan.
Ayon kay Jesus, sino ba ang magiging masaya? Sino ba ang mapalad? Sino ba ang maswerte? Ang mga mahihirap, ang mga nahahapis, ang mga mapagkumbaba, ang mga naghahangad ng katarungan, ang mga mahabagin, ang mga may malinis ang puso, ang mga kumikilos para sa kapayapaan, at ang mga inuusig dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Pinag-aalimura sila at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na kasinungalingan naman. Ano? Mapalad ba ang mga tao sa ganitong kalagayan?
Paano at bakit sila magiging masaya? Hindi dahil sa malulungkot at masasamang karanasan na ito, kundi dahil sa ang mga nasa ganitong kalagayan ay kahahabagan at tutulungan ng Diyos. Itataas sila ng Diyos. Ang mga mahihirap ay makakasama sa kaharian ng Diyos. Aaliwin ng Diyos ang nahahapis. Kung ang Diyos ang aaliw sa atin, ay talagang maaaliw tayo. Ang mga mapagkukumbaba ay tatanggap ng mga pangako ng Diyos na pagpapala. Sila ang madaling sumunod sa mga kautusan ng Diyos kaya sila ang pagpapalain niya.
Ang mga humahanap ng katarungan ay tatanggap nito. Matatamo nila ang katarungan na kanilang hinahanap kasi tutulungan sila ng Diyos. Hindi ba sinabi ni Jesus na ang naghahanap ay makakatagpo? Kahahabagan ng Diyos ang mahabagin kasi kung ano ang ginagawa natin sa iba ay iyan din ang gagawin ng Diyos sa atin. Makikita ang Diyos ng mga may malinis at dalisay na puso. Handa ang puso nila na maranasan ang Diyos. Ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan at pakikipagkasundo ay magiging anak ng Diyos. Ang pakikipagkasundo ay kalooban ng Diyos. Hindi kakalimutan ng Diyos ang pinag-uusig alang-alang sa kanya. Gagantimpalaan niya ang nananatiling tapat sa kanya.
Magiging mapalad ang mga taong ito dahil sa pagkilos ng Diyos para sa kanila. Ang kanilang kahinaan ay nag-aattract sa Diyos. Akala natin nakalimutan na tayo ng Diyos kasi inaapi tayo, kasi parang walang nangyayari sa pagsisikap natin pakipagkasunduin ang mga nag-aaway, Kasi hirap tayo sa buhay. Hindi! Nagiging malapit nga ang Diyos sa atin at kikilos siya sa panig natin. Samakatuwid, ang nagpapasaya sa atin ay ang Diyos mismo. Napapalapit ang Diyos sa mga taong mababa ang loob. Naririnig ng Diyos ang hibik ng mga nalulungkot. Kinalulugdan niya ang mga taong nanatiling malinis ang puso dahil sa ang atensiyon nila ay nasa Diyos lamang.
Ito ang formula o paraan para sa kaligayahan na naranasan ng mga kristiyano sa Corinto. Pinaalaala ni Pablo sa kanila na naging kristiyano sila at pinili ng Diyos na makilala nila si Jesus hindi dahil sa sila ay mas banal kaysa iba, hindi dahil sila ay magaling, hindi dahil sa kanilang posisyon sa lipunan. Pinili sila ng Diyos at pinagpala sila ng buhay na walang hanggan dahil sa sila ay mga ordinaryong tao lamang at tinuturing pa nga ng iba na walang-wala. Kaya sinulat ni San Pablo: “Pinili ng Diyos ang sa palagay ng sanlibutan ay kahangalan upang hiyain ang marunong, at mahihina sa turing ng sanlibutan upang hiyain ang malalakas. Pinili niya ang mga itinuturing na hamak, walang halaga at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalang halaga ang mga itinuturing na dakila ng sanlibutan.” Iba talaga ang Diyos kapag siya ang pumili. Iba talaga ang Diyos sa pagbibigay niya ng halaga sa mga tao.
Isang magandang halimbawa dito ay ang pagpili kay David. Pinapunta ng Diyos si Samuel kay Jesse sa Bethlehem kasi isa sa mga anak niya ay pinili ng Diyos na maging hari. Isa-isang pinalapit ni Jesus ang mga anak niya kay Samuel. Nagiliwan ni Samuel ang panganay na anak na lumapit, si Eliab. Magandang lalaki siya, malusog, matangkad, at masigasig. Akala niya ito na ang magiging hari ng Israel. Hindi siya ang pinili ng Diyos kasi hindi nadadala ang Diyos ng panlabas na kagitingan. Ang puso ng tao ang kanyang tinitingnan. Walang napili si Samuel sa pitong mga anak ni Jesse. Ito na ba ang lahat na mga anak niya? “Ay mayroon pang isa,” wika ng tatay. Nandoon siya nagbabantay ng mga tupa. “Maliit pa siya at wala pang pakinabang.” Siya ay si David. Pinatawag siya at siya ang pinili ng Diyos at nilangisan ni Samuel bilang hari ng Israel. Ibang pumili ang Diyos. Iba ang mga pinagpapala ng Diyos.
Hanggang ngayon ganyan ang Diyos. Ang mga dukha, ang mga naiiwanan, ang mga hindi pinapansin ang pinagpapala niya. At tayo ay nagiging masaya dahil sa pagpapala ng Diyos. Kaya nga kinikilala natin ang ating sarili na Simbahan ng mga Dukha at sinisikap natin na tayo ay maging tunay na simbahan ng mga dukha upang tayo ay maging malapit sa Diyos. Paano naman ang hindi mahihirap? Hindi pa sila pinagpapala? Hindi sila pagpapalain ng Diyos kung hiniwalay nila ang kanilang sarili sa mga dukha, kung minamata nila ang mga mahihirap, kung hindi sila kikilos para sa mga inaapi at ipagtanggol sila. Ang nagmamataas ay binibagsak ng Diyos. Hindi sila magiging mapalad; hindi sila makakasama sa pinaghaharian ng Diyos. Sabi ni propeta Sofonias: “Hanapin ninyo ang Poon, kayong mapagkumbaba, kayong gumaganap ng kanyang kautusan; hanapin ninyo ang katwiran at iyon ang iyong gawin.”
Ngayong Linggo ay ang Pro-life Sunday. Pinapaalaala sa atin na ang buhay ng lahat ng tao ay mahalaga, kasama na ang buhay ng mga bata na nasa loob pa ng tiyan ng kanilang nanay, ang buhay ng mga may kapansanan at mga matatanda. Huwag din pagsamantalahan ang buhay ng mga kabataan at mga kababaihan na ipangalakal sila. Ang pangangalakal ng mga tao sa human trafficking ay isang malaking business. Pinagbibili nila ang katawan ng kapwa tao sa sex, sa pag-aalipin sa kanila sa trabaho, o sa pagbebenta ng human organs. Ito ay pagsasamantala sa kapwa. Hindi ito makatuwiran at dapat itong labanan. Ang mga gawaing ito ay laban sa Diyos na nagmamahal sa bawat buhay ng tao.
Bishop Broderick Pabillo