Apostolic Vicariate

of Taytay, Northern Palawan

HOMILY: 26th Sunday in Ordinary Time Cycle A

Homily September 27, 2026
26th Sunday in Ordinary Time Cycle A
National Seafarers’ Sunday
Migrants’ Sunday
Ez 18:25-28 Phil 2:1-11 Mt 21:28-32
Ang impiyerno ay puno ng mga taong may mga mabubuting hangarin. Nasa impiyerno sila kasi ang kabutihan nila ay nasa hangarin lamang. Ang tinitingnan ng Diyos ay hindi iyong mabubuting intensyon natin, kundi ang ating mga ginagawa. Iyan ang ibig sabihin ng talinhaga ni Jesus ngayong Linggo. Ang panganay na anak ay walang balak na pumunta sa ubasan nila upang magtrabaho doon. Ngunit nagbago ang isip niya. Pumaroon siya at nagtrabaho. Ang pangalawang anak ay generous sa kanyang sagot. Oo, magtratrabaho daw siya, pero hindi naman pumunta doon. Ang gumawa ng kagustuhan ng ama ay hindi iyong sumagot ng oo, kundi iyong nagtrabaho.
Isa pang sinasabi ng talinhaga ni Jesus: maaari tayong magbago. Sana magbago tayo para sa kabutihan, hindi para sa kasamaan. Nagbago ang panganay na anak. Ayaw sana niya, pero bandang huli pumunta din siya at ginawa ang hinihiling ng kanyang ama. Nagbago siya para sa kabutihan. Nagbago din ang pangalawang anak, pero nagbago siya mula sa kabutihan patungong kasamaan. Hindi siya sumunod kahit na nag-oo siya noong una.
Iyan din ang sinabi ng Panginoon kay propeta Ezekiel sa ating unang pagbasa. Ang masama na nagbago at naging mabuti ay magkakaroon ng buhay, pero ang mabuti na naging masama ay mamamatay. Hindi tayo maliligtas ng kabutihan natin noon kung naging masama tayo ngayon. Ang tinitingnan ng Diyos ay hindi kung ano tayo noon, kundi kung ano tayo ngayon. Kaya anong mabubuting balak natin noon, anuman man nga ang mabubuting nagawa natin noon, ay hindi makapagliligtas sa atin ngayon kung gumagawa tayo ng masama ngayon.
Ang katotohanang ito ang nagbibigay ng pag-asa sa mga masasama at nagbibigay ng babala sa mga mabubuti. Pag-asa, kasi kahit na masama tayo, may pag-asang mabubuhay tayo. Magbago tayo. Maging mabuti tayo. Babala, kung mabuti tayo ngayon, manatili tayong mabuti. Huwag tayong umasa na sapat na ang kabutihan natin at bubuhayin na tayo nito. Kung hindi tayo mananatiling mabuti at magbago tayo at nagpakasama na, paparusahan tayo dahil sa pangkasalukuyang kasamaan natin.
May isang binata na hindi nagsisimba at nagdarasal. Tinanong siya kung bakit. Ang sagot niya: “Noong bata pa ako palagi akong sinasama ni lola na magsimba at magdasal. Sapat na ang mga misa na sinaluhan ko noong bata pa ako. Naipagsimba ko na ang buong buhay ko.” Palagay ninyo, magbibigay ba ng buhay ang nakaraan niyang pagsisimba kung ngayon hindi na niya ito ginagawa? Hindi! Kaya manatili tayo sa kabutihan, huwag na tayo magbago. Magbago tayo mula sa ating kasamaan; napapatawad ang lahat kung nagbabago tayo!
Kaya ano ang dapat nating gawin? Maging generous tayo sa ating mabubuting balak. Punuin natin ang ating isip at damdamin ng mabubuting hangarin. Tingnan natin ang mabubuting halimbawa ng iba at gustuhin natin ang kabutihan nila. Kailangan natin ng mabubuting huwaran. Dahil dito, mabuti na tingnan natin ang mabubuting halimbawa ng mga santo at ng mga bayani natin. Sila dapat ang nagbibigay sa atin ng inspirasyon. Sa ating mga katoliko ang mga santo ay hindi lang natin hinihingan ng tulong sa panalangin at dinadasalan. Sila ay kinikilala natin at tinutularan.
Itong darating na linggo, sa October 1, ang santo na aalahanin natin ay si Santa Teresita ng Sanggol na si Jesus. Siya ay simpleng tao lang. Naging madre siya noong siya ay labing limang taong gulang at namatay siya noong siya ay 24 years old – siyam na taon lang sa kumbento. Hindi naman siya lumabas ng kanyang lunsod at ng kanyang kumbento. Wala naman siyang milagrong ginawa noong siya ay nabubuhay pa sa lupa. Paano siya naging santa? Sa paggawa ng kanyang karaniwang gawain ng may pagmamahal sa Diyos. Ang kanyang pagdarasal, pananahi, pagluluto, paglilinis sa kumbento ay kanyang ginagawa ng may malaking pag-ibig sa Diyos. Dahil sa mga munting pag-aalay na ito, nakatulong siya ng malaki sa mga misyonero. Maraming mga na-convert dahil sa kanyang dasal at munting mga gawain ng may pagmamahal. Maraming mga misyonero ang kanyang natulungan sa mga munting kabutihan niya. Dahil dito idiniklara siya ng simbahan na patron ng mga nagmimisyon. Ang buhay ni Santa Teresita ay magagaya nating lahat. Hindi kailangang gumawa ng malalaking bagay. Ang maliliit na gawain natin, ang mga pang-araw-araw na gawain natin na may malaking pagmamahal, ay nakikita ng Diyos at pinapahalagahan niya. Hangarin natin ang ginawa ni Santa Teresita.
Pero hindi lang sapat na magkaroon tayo ng mabubuting intensyon. Gawin din natin ito. At magagawa natin ito kasi ang pang-araw-araw na buhay natin pala ang paraan ng pagpapabanal sa atin at ang paggawa ng kabutihan. Hindi ba sinabi ni Jesus na alam ng Diyos ang bawat salita na lumalabas sa ating bibig? Hindi ba sinabi din niya na kahit ang isang baso ng malamig na tubig na binigay natin sa alagad ng Diyos ay hindi mawawalan ng gantimpala? Alam ng Diyos at nakikita niya ang lahat. Kaya gawin natin ang lahat ng may pagmamahal.
Ito rin ang mensahe sa atin ng Pondo ng Pinoy. Anumang magaling, kahit maliit, ay patungong langit. Kaya pati na ang piso na binibigay natin araw-araw ay nakikita niya. Wala ng halaga ang piso ngayon, pero iyan ay mahalaga sa Diyos kasi tinatabi natin ito at inaalay ng may pagmamahal para sa mahihirap. Kahit na nga ang mahihirap ay nakakatulong sa kapwa mahihirap sa kanilang pagpopondo ng Pinoy.
Noong nasa Maynila ako, ilang beses ako naiimbitahan na magmisa kasama ng isang pari na nangangalaga sa mga street people. Iyon ay ang mga taong walang bahay kaya natutulog at nabubuhay na lang sila sa kalye. Nahihiya silang sumabay na magsimba sa mga simbahan kasi madudumi ang damit nila. Yagit ang tingin sa kanila ng iba. Kaya may sariling misa sila sa isang gym. Sa misa nila nag-aalay sila ng kanilang naipon sa Pondo ng Pinoy. Nagbibigay din sila ng mga bote na may mga laman na barya. Kahit mahihirap ay nakaiipon din para tumulong sa mahihirap.
Ngayon, kung nagpopondo ng pinoy na tayo, ipagpatuloy natin ito. Huwag tayong tumigil sa anumang kabutihan na nagagawa na natin. Kung hindi pa natin ito nagagawa, hindi pa huli na magbago at magsimula na gumawa ng kabutihan.
Maaari din tayong tumulong sa mga seafarers at migrants. Higit na 300,000 ang mga namamalakayang Pilipino sa nasa laot araw-araw. Ang trabaho nila ay nagbibigay ng kabuhayan sa kanilang mga pamilya. Pero ito ay mayroon ding maraming hamon, lalo na ang hamon ng kalungkutan sa dagat. Ipagdasal natin sila na hindi sila madala ng anumang tukso.
Inaalaala din natin ang ating mga kapatid na migrante – iyong mga Pilipino na nangibang bansa. Higit na 10 million sila na mga OFW. Marahil may mga kapatid tayo dito ngayon na nagsisimba na may asawa, anak o kapatid na OFW. May second collection tayo ngayong Linggo para tulungan ang mga migrante at ang kanilang mga pamilya.
Bishop Broderick Pabillo
Scroll to Top