Homily July 19, 2026
16th Sunday in Ordinary Time
Wis 12:13. 16-19 Rom 8: 26-27 Mt 13:24-43
Sa pananaw ng mundo pinapakita ng tao na dahil siya’y makapangyarihan kaya siya dapat ang masusunod. Madali siyang magparusa sa kumokontra sa kanya. Kinatatakutan siya kasi madali siyang magalit at magparusa. Magtaas lang siya ng boses o tumingin lang ng masama, natutunaw na ang mga nasa ilalim niya.
Iba ang Diyos. Sinabi sa aklat ng Karunungan na ating binasa na walang hanggan ang kapangyarihan ng Diyos. Hindi siya mananagot kanino man. Maaari siyang magparusa at magalit at walang siyang pananagutan. Oo, makapangyarihan siya pero siya ay mahabagin. Namamahala siya ng buong hinahon at pagtitimpi. Maari siyang magparusa agad, pero nagbibigay siya ng pagkakataon na magsisi ang nagkakasala. Hindi niya ginagamit ang kapangyarihan niya upang mag down ng iba. Para sa atin, nakikita natin ito na kahinaan. Gusto na natin ipadama kaagad ang kamalian ng iba. Madaling sumiklab ang galit natin kasi makapangyarihan tayo.
Nakita natin ito sa talinhaga ni Jesus tungkol sa sama-samang paglago ng mabuting binhi at ng damo. Ang damo ay hindi galing sa may ari ng bukid na ang Panginoon. Ito ay kagagawan ng kaaway. Gusto na agad na bunutin ang damo ng mga alipin ng may-ari. Ayaw nilang magsama ang mabuti at ang masama. Hindi iyan pinayagan ng may-ari. Ang kanyang dahilan: baka kapag binunot ang damo, mabunot din ang mabuting tanim. Pero kung titingnan natin na ang bukirin ng Panginoon ay ang mundo at ang mga tanim at mga damo ay mga tao, may iba pang dahilan ang may-ari sa hindi pagbunot sa masasama. Baka naman magbago pa ang masasamang tao. Ang pagpapasensya ng Diyos ay pagkakataon sa atin na magbago tayo. Hinahabaan pa niya ang kanyang pisi para maligtas tayo. Hindi ito tanda ng kahinaan o kapabayaan, kundi ng pag-ibig. May isa pang dahilan. Ang presensiya ng masama ay nakakatulong din sa mabuti na maging matatag. Oo, maaaring mainfluensiyahan ng masama ang mabuti, pero maaari ding mas naging malakas ang mabuti kaya hindi siya nadadala ng masama.
Pero hindi dahil sa mapagpasensya ang Diyos na siya ay pabaya, na ok lang sa kanya kung tayo ay masama o mabait. Hindi! Mananagot din tayo. Dadating ang wakas ng panahon at ang wakas ng ating buhay. Sa panahong iyon, aanihin ang mga matuwid at dadalhin sa kaharian ng Ama. Ang mga masama ay parurusahan. At wala na silang maidadahilan. Binigyan sila ng lahat ng pagkakataon.
Hindi lang tayo binibigyan ng panahon. Binibigyan din tayo ng lakas upang makapagbago. Bago si Jesus umakyat sa langit, sinabi niya sa mga alagad niya na aalis siya ngunit hindi niya sila iiwanang ulila. Magpapadala siya sa kanila ng isa pang katulong – at iyan ay ang Espiritu Santo na magpapaalaala sa kanila ng lahat ng sinabi niya at bibigyan sila ng lakas na gawin ang iniuutos niya. Ito rin ang sinabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Nandiyan ang Espiritu ng Diyos na tumutulong sa atin sa ating kahinaan. Gusto naman nating magdasal, pero madalas hindi natin alam paano magdasal at ano ang dadasalin. Tumawag tayo sa Espiritu Santo at hayaan natin siyang magdasal sa atin. Sumunod lang tayo sa kanya.
Noong kami ay mga bata pa, naalaala ko na ginabayan kami ng aming nanay paano at ano ang ipagdadasal. Sumusunod lang kami sa kanya habang ipinagdarasal niya ang mga pinsan namin, ang mga tita namin, ang trabaho ng aming tatay. Ganoon din ang ginagawa ng Espiritu Santo. Tumahimik lang tayo at banggitin natin ang anumang nararamdaman natin sa ating puso. Iyan na ang Banal na Espiritu na nagdadasal sa atin. Tandaan natin na kung gusto nating magdasal, mas lalong gusto ng Diyos na pakinggan ang ating dasal kahit na pabulol-bulol pa. Hindi ba ganyan ang mga magulang? Buo ang kanilang attention sa pakikinig sa ibig sabihin ng anak na nagsisikap na magsalita sa kanila? Natutuwa ang Diyos sa bawat effort at bawat hakbang natin na lumapit at makipag-usap sa kanya.
Ang makapangyarihang Diyos ay hindi malupit. Siya ay mahinahon. Mapagpasensya siya. Binibigyan niya tayo ng lahat ng pagkakataon na lumapit sa kanya.
Nasusubukan ang ating pagpapasensya ng mga mahihinang tao, hindi lang ng mga bata pero pati na rin ng mga matatanda. Madaling magalit sa kanila kasi mahina ang kanilang pang-unawa at wala naman silang laban sa atin. Mahina sila. Hindi sana ito mangyari sa ating pakikitungo sa matatanda, sa mga bata at sa mga tao na mababa ang pinag-aralan kaya mahina umintindi. Maging mahinahon tayo at mapagtimpi. Ito ang tunay na tanda ng kadakilaan.
Noong bata pa ako madalas kong marinig ang puna ng aking tatay sa aking nanay. Madaling magalit si Mommy sa katulong namin at sa mga tao na gumagawa sa bahay. Sabi ni Daddy sa kanya na mapagpasiyensiya sila sa kanila. Hindi dapat siya madaling magalit. Mas nakapag-aral siya – siya ay isang guro – at mas malawak ang kanyang kaalaman. Siya na ang umunawa sa kanilang pagkukulang. Nanatili sa akin ang kanyang leksiyon. Dahil sa ating kakayahan at kaalaman, tayo na ang umunawa sa mga tao na mahirap umintindi o hindi madaling makasunod sa ating instructions. The more we have the more patient we should be to those who have less. Iyan ang pakikitungo ng ating Diyos sa atin. Siya ay mapag-unawa sa mga mahihina, maliliit na tao at mga makasalanan. Pero pananagutin din ang lahat sa bandang huli. Mapagbigay ang Diyos at maunawain pero hindi siya pabaya.
Bishop Broderick Pabillo