Sabi ng Panginoon: “Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan
ng lahat ng bansa.” (Isaias 56:7)
Mahal kong bayan ng Diyos sa Bikaryato Apostoliko ng Taytay,
Ang simbahan ay ang bayan ng Diyos. Ito ay ang mga taong pinag-iisa ng kanilang pananampalataya kay Kristo at sama-samang pakikinig sa kanyang salita at sumasamba sa kanya. Ang simbahan ay binubuo ng mga tao. Tayo ay nagkakatipon sa isang lugar para makinig sa salita ng Diyos, para sambahin siya at matanggap ang kanyang mga grasya sa pagdiriwang ng mga sakramento. Dahil dito ang gusali na ginagamit natin ay tinatawag na simbahan.
Ang simbahan na gusali ay ginagamit sa Bibliya na larawan ng bayang pinag-isa ng Diyos. Kaya sinulat ni San Pablo: “Kayo rin ay gusali ng Diyos….Hindi ba ninyo alam na kayo’y templo ng Diyos at naniirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.” (1 Cor 3:9.16-17)
Ang ating gusaling simbahan ay sumasagisag ng ating pagiging bayan ng Diyos kaya pangalagaan natin ang ating mga simbahan at chapels at pagandahin ito at panatilihin na palaging malinis. Ang mga ito ang ating bahay dalanginan. Dito natin sabay-sabay na tinataas ang ating mga papuri at panalangin sa Diyos.
Isang pagpapahalaga sa simbahan, lalo na sa mahalagang simbahan ng ating Parokya, ang parish church, ay ang pagtatalaga nito sa Diyos. Ito ay nangangahulugan na talagang iniuukol na natin sa Diyos ang gusaling ito, kaya itinatalaga na natin para sa pagsamba. Sa ating mga katoliko ang mga itinatalaga ay nilalangisan ng espesyal na langis na tinatawag na krisma. Ito ay binebendisyunan ng obispo kada taon sa misa ng pagbabasbas ng langis. Ang krisma ay ginagamit sa binyag kung kailan tinatalaga natin ang isang tao para sa Diyos. Naging anak na siya ng Diyos. Ginagamit din ito sa kumpil kung saan pupuspusin siya ng kaloob na Espiritu Santo. Ginagamit din ang krisma sa pagtalaga sa magpapari. Pinapahiran ng langis ang kamay ng pari. Sa ordinasyon naman ng obispo, ang ulo ng obispo ang binubuhusan ng krisma. Ang banal na krisma din ang inilalagay sa simbahan sa pagtatalaga nito. Ang altar ay binubuhusan ng langis at ang mga dingding ng simbahan ay nilalangisan din. Banal na ang lugar na ito. Ito ay gagamitin lang para sa pagsamba sa Diyos.
May katangi-tanging kapistahan ang simbahang itinalaga. Ipinagdiriwang ito taon-taon sa simbahang iyon. Kaya pipiliin ang araw ng pagtatalaga ng simbahan na walang ibang pista sa simbahan upang mabigyang halaga ang kapistahan ng pagtatalaga nito.
Ang katedral ay ang simbahan ng obispo na siyang namumuno sa isang local sa simbahan. Itinatalaga din ang katedral. Dito sa ating bikaryato wala pa tayong maayos na katedral dahil sa ginagawa pa lang ito. Kaya hindi pa nating maitatalaga ang pangunahing simbahan ng ating bikaryato. Harinawa, sa ating patuloy na pagtutulungan, darating ang araw na maitatalaga na rin ang ating katedral.
Hinihikayat ko ang lahat ng mga Parokya na ang parish church nila ay maitalaga. Kung hindi pa ito nagagawa, pagsikapan ng mga parokyano na ito ay magawa na. Ang gusaling simbahan ay tanda ng ating pagkakaisa bilang bayan ng Diyos. Sa ating pagtitipon sa gusaling simbahan, tinataas natin ang ating sama-samang dasal at papuri sa Diyos at dito rin ibinibigay sa atin ang banal na grasya sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos at pagdiriwang ng mga sakramento.
Ang nagmamalasakit para sa inyo,
Obispo Broderick Pabillo
Obispo ng Bikaryato Apostoliko ng Taytay
Ika-10 ng Agosto taong 2025