Isang Pahayag Ukol sa Moral at Panlipunang Krisis Dahil sa Online Gambling
“Palayain ninyo ang mga bihag…” (Lucas 4:18)
Minamahal naming mga kababayang Pilipino at mga kapatid kay Kristo,
Kami po ay lubos na nababahala sapagkat tila may bagong salot o virus na sumisira sa mga indibidwal at pamilya, at sa lipunan. Ito ay tahimik na kumakalat at nagdudulot ng malawakang pagkaalipin. Ang salot na ito ay ang pagkasugapa sa online gambling o sugal sa internet. Akala natin nakaligtas na tayo sa POGO at E-Sabong, at hindi maipagkakaila ang malalang epekto ng mga ito na hanggang ngayon ay ating dinaranas. Pero narito ang bagong mukha ng pagsusugal. Hindi natin namamalayan, talamak na ito, at marami, kasama na ang mga kabataan, ang nagiging adik sa online gambling.
Ipinahayag ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ni San Lukas na ang buod ng misyon niya ay ang magdala ng mabuting balita sa mga dukha, magpalaya sa mga bihag, at magpagaling sa mga sugatan (cf. Lukas 4:18-18). Bilang mga pastol na inatasang mangalaga sa tao at sa kanilang dangal, kailangan naming manawagan at magpahayag.
Malinaw na ang online gambling ay hindi na simpleng libangan lamang. Isa na itong malalim at malawak na suliraning moral, na nakakubli sa anyo ng libangan at teknolohiya. At kahit ang ganitong uri ng paglilibang ay kinikilala bilang bahagi ng “karapatang pantao,” hindi pa rin nangangahulugan na tama ito, lalo na kung nagiging sanhi ito ng pagkapahamak ng maraming sa ating mga kababayan. Ang pagkasugapa sa online gambling ay isang malinaw na anyo ng pagkaalipin.
Paano ba nang-aakit ang online gambling?
Ang mga sugal sa internet ay hindi inosente. Ito ay sinadyang maging kaakit-akit, lalo na sa mga kabataan at mga pangkaraniwang mamamayan. Madaling pasukin online; mabilis ang panalo at mabilis din ang pagkatalo; makulay ang mga patalastas –ginagamit pa ang mga sikat na artista para i-promote ang mga ito kaya marami nga ang naaakit dito. Pero lingid sa ating kaalaman ang sistemang ito’y dinisensyo para mahuli sa lambat ng pagkagumon sa sugal ang mga tao at malulong sa akala nila’y inosenteng laro at panandaliang aliw lamang.
Ang pagsugal ay hindi naman bago; ngunit ang bagong mukha na ibinigay dito ng digital technology ay naghatid ng isang napakatinding panganib. Sa pamamagitan ng smart phones kaya nang pasukin kahit saan ninuman ang pasugalan—bata man o matanda. Naging bukas 24-oras kada araw, 7-araw kada Linggo. Isang pindot lang sa anumang online account o e-wallet ay sapat na para mawala sa isang tao ang lahat ng nakadepositong pera sa loob lamang ng isang iglap. Pwede pa ngang umutang online ng pansugal.
Sa pagsusugal ang konsensiya ay para bang unti-unting nagiging manhid. Kinukundisyon tayo para isipin na ito ay “normal na libangan” lamang o “pampasaya,” na “wala namang masama dito.” Pero malinaw ang sinasabi ng Katesismo ng Simbahang Katolika tungkol dito: “…ang sugal ay mali kung ito ay nagdudulot ng pagkalulong o pagkaubos ng dapat ay para sa mga pangangailangan ng pamilya” (Catechism of the Catholic Church #2413).
Bakit kaya mukhang tahimik ang lipunan?
Bakit mistulang tahimik ang marami sa media, sa gobyerno at sa mundo ng negosyo? Hindi kaya dahil ang marami sa kanila ay nakikinabang din dito? Sa kasalukuyan, kapansin-pansin na hindi gaanong pinagtutuunan ng atensyon ang online gambling sa media, ginawang legal ng pamahalaan, pinopondohan ng malaki ng mga negosyante ng sugal, at pinapatakbo ng mga online platforms dahil sa napakalaking kita mula rito. Nitong taon 2024 lamang, tinatayang mahigit 154 bilyong piso ang naitalang kinita ng mga ito, halos 165 porsiyentong pagtaas mula sa nakaraang taon. At ang nakalulungkot ay sa maraming pagkakataon ang mga pamilya, komunidad – pati na rin ang simbahan – ay nananatiling tahimik din sa panaghoy ng dumaraming bilang ng mga humihingi ng tulong dahil sa pagkaalipin dito.
“Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa…” (Lucas 23:34)
Ganyan din ang ating dasal ngayon para sa mga naaalipin dahil sa sugal. Hindi na nila alam kung paano sila nalubog sa ganitong kalagayan—kaya’t marami sa kanila ang namumuhay sa hiya, takot, at kawalan ng pag-asa.
Ito ang mga naririnig natin tungkol sa pagkalulong sa sugal:
- “Ubos palagi ang sahod ko…” “Nagsinungaling na naman ako sa pamilya ko…”
• “Yung pambili ng gamot at pagkain, naubos sa sugal ni Tatay…”
• “Nalubog na ang kapatid ko sa utang…” “Nasira ang pamilya namin dahil sa sugal…”
• “Hindi ko na alam kung paano titigil…”
• “Hindi ko namalayan na ang mga anak ko ay addicted na pala sa online gambling…” “Apektado na ang kanyang mental health.”
Hindi na ito isang simpleng problema ng mga indibidwal. Isa na itong pampublikong krisis pangkalusugan sa ating lipunan, katulad ng pagkalulong sa droga, alak at iba pang uri ng adiksyon. Sinisira nito hindi lamang ang tao kundi pati ang kanilang mga pamilya. At ang mas higit na nakababahala ay ang pagkakalulong ng mga kaanak ng mga OFWs, gayundin ng mga kapatid nating halos wala nang sahod o ipon, mga kababayan nating kapos sa pantustos sa mga pang-araw-araw na pangangailangan, mga kabataang hirap na nga sa mga gastusin sa pag-aaral, nalululong pa sa online gambling. Hindi kaya dapat itanong, sino ang tunay na nakikinabang sa online gambling?
Hindi natin matiis na manahimik sapagkat ang pagiging talamak ng sugal at pagkasugapa ng marami ay mistulang isang salot o pandemyang nakamamatay, nakawawasak ng buhay ng mga indibidwal at pamilya, at ng buong lipunan.
Itanong natin sa ating mga sarili: Uunlad ba ang ating bansa o ang mga pamayanan natin at barangay kung hahayaan nating lumaganap ang kultura ng katamaran dahil sa walang puknat na sugal, pagkalugmok ng marami sa pagkakautang, pagkaalipin sa bisyo na nagiging sanhi ng pagkasira ng mga pamilya at mga relasyon at nagdudulot ng masamang epekto sa mental health? Uunlad ba tayo kung nalulusaw naman ang mga moral values natin? Magiging matatag ba tayo? Maiaahon ba natin sa kahirapan ang bansa o ang pamilya natin, kung nagiging manhid tayo sa mali at nakasasama? Hindi ba natin nakikita ang panganib na dulot nito sa lipunan, ang mga krimen, karahasan, at banta sa kaligtasan na ibinubunga ng ganito katalamak na pagsusugal? Sugal ba ang sagot sa kahirapan sa ating bayan?
At ano ang kinabukasan ng bansa kung ang mga kabataan ay madaling maakit sa online gambling, sapagkat halos wala nang restrictions? Ano ang mangyayari kung habang sinasabi nating kailangan ng de-kalidad na edukasyon para sa mga kabataan, at pagkakaroon ng trabaho ng mga mamamayan, maging talamak naman ang sugal. Maituturing bang common good o public service ang pagtataguyod ng mga pansamantalang aliw na nagbubunga naman ng higit na kahirapan sa nakararami?
Ano ba ang gusto natin: Culture of Resilience o Culture of Gambling? Kultura ng pagtataguyod o kultura ng pananamantala?
Malinaw ang paninindigan ng Simbahan: ang pagsasamantala sa kahinaan ng kapwa para lamang kumita ay kasalanan. Ang pagiging karaniwan na ng sugal, lalo na sa mga kabataan at sa mga mahihirap, ay isang napakalaking iskandalo. Bilang isang lipunan—ang pamahalaan, ang mga negosyante, ang paaralan at simbahan ay hindi dapat maging bulag, bingi at pipi sa nalilikhang pinsala nito.
Kaya kami bilang inyong mga Obispo ay nananawagan:
- Sa lahat, na kilalanin na ang pagkalulong sa sugal ay isang pampublikong isyung pangkalusugan, na dapat pagtuunan ito ng sapat na edukasyon, batas, at gamutan.
• Sa pamahalaan, na lagyan ng karampatang kontrol ang mga online payment systems para hindi maging kasangkapan ang mga ito ng madaliang pagpasok sa mga online gamblingsites. Na maprotektahan ang ating kabataan mula sa mga laro ng sugal sa mga online payment systemsna ito.
• Sa mga advertisers at media, na itigil ang romanticization ng sugal at ipakita ang totoo nitong epekto.
• Sa mga ahensya ng gobyerno, lalo na ang PAGCOR, na gawing tunay na prayoridad ang pangangalaga sa kapakanan ng nakakarami, at hindi ang pagtutulak ng sugal para lamang sa maaaring kitain mula rito.
• Sa mga parokya—na maging aktibo sa pagtulong sa mga tao at mga pamilyang apektado sa sugal, at huwag manatiling tahimik o magsawalang-kibo.
• Sa pamahalaan, na ideklarang ilegal ang anumang uri ng online gambling.
•Sa mga mambabatas, at mga local government units, na tiyaking ang ikabubuti ng mga tao, ng bayan at kinabukasan, ang unang isaalang-alang sa pagbibigay-pahintulot o permits o sa pagsasabatas ng ano mang uring sugal. Huwag sanang hayaang dahil sa kinang ng pera ay isasakripisyo ang tunay na mahalaga.
• Sa inyong lahat, mga kapatid, palagi nating unahin ang kapakanan ng bawat isa at ng pamilya; at ingatan ang mga ugnayan (relationships).
Nananawagan kami sa bawat konsensiya na isaalang-alang ang ikabubuti ng bansa, ng lipunan, ng mga kabataan, at ng kanilang mga kaluluwa. “Sapagka’t ano ang mapapala ng isang tao, kung makamtan man niya ang buong sanlibutan, mawawalan naman siya ng kaniyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” (Mat. 16: 26).
Hindi naman laban ang simbahan sa anumang uri ng aliwan o libangan. Pero kapag ang kasiyahan ay nagiging sanhi ng pagkaalipin, at ang “libangan” ay nagiging dahilan ng pagkawasak ng buhay—kailangan naming manawagan at magbigay ng babala.
Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo na Magpagaling
Nais naming magpa-alala na tayo’y makakaalpas sa pagkaalipin sa pamamagitan ng marangal na trabaho, at sa patuloy na pagtahak sa landas ng katotohanan, kabutihan, katarungan, at higit sa lahat sa biyaya ng Diyos.
Dumating si Hesus hindi upang humatol, kundi upang magligtas. Sa mga nalulong sa sugal, sa mga pamilyang tahimik na nagdurusa, at sa lipunang nawawala na sa tamang landas, muling iniaalok ng Simbahan ang tunay na pag-asa na bukod-tanging sa kalayaang pahayag ni HesuKristo matatagpuan.
Sa mga nalululong: hindi kayo nag-iisa.
Ang inyong pinagdadaanan ay hindi kahinaan lang ng loob, kundi madalas ay nag-uugat sa malalim na sugat sa iyong buhay na maaaring lumikha ng lamat sa ating mga pag-iisip o damdamin. Binabago ng sugal ang pag-iisip, ginugulo ang wastong pagpapasya, at ninanakaw ang kapayapaan ng ating kalooban. At tulad ng suliranin ng droga, kailangan ng mga biktima ng malasakit, suporta, atpaggabay—hindi panghihiya at panghuhusga.
Panawagan sa lahat:
Balikan natin ang tunay na kalayaan sa Ebanghelyo—hindi ang kalayaang gawin lang ang gusto, kundi ang kalayaang kumawala sa pagkaalipin. “Kapag pinalaya kayo ng Anak, kayo’y tunay na magiging malaya” (Juan 8:36).
Minamahal na bayan ng Diyos, huwag nawa tayo magsawalang kibo sa nangyayaring kasiraan na ito sa ating lipunan, mga kabataan at mga pamilya. Sa taóng ito ng Jubileo ng Pag-asa manguna nawa tayo sa pagpuna, pagtutol at pagpigil sa paglaganap at pagpapakalat ng ganitong uri ng sugal. Magdala nawa tayo pag-asa sa mga naging biktima ng bisyong ito at magsilbing mga kapatid na handang magpaalala, gumabay at tumulong sa kanila.
Nawa’y muli nating marinig sa ating mga simbahan, pamilya, at lipunan ang mensahe ng kalayaan na dulot ni Kristo. At huwag na nating tawaging “libangan” ang mga bagay na itinuturing ng Diyos bilang “pagkaalipin.”
Sa lahat ng ito, hinihingi namin ang panalangin at tulong ng Mahal na Birheng Maria, ang Immaculada Concepcion, at, higit-sa-lahat, ang habag at awa ng Banal na Santatlo: Ama, Anak, at Espiritu Santo. Amen.
Para sa Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas:
+Pablo Virgilio S. Cardinal David, D.D.
Obispo ng Kalookan
Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines