Umapela ng suporta ang Apostolic Vicariate of Taytay Palawan sa mamamayan para sa pagpapatapos ng St. Joseph Cathedral.
Ayon kay Taytay Bishop Broderick Pabillo 2008 nang simulan ang pagpapagawa sa cathedral ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatapos dahil sa kakulungang pinansyal.
Isa sa mga inisyatibo ng bikaryato ang paglulunsad ng Trip to Palawan for 2 raffle draw upang makalikom ng pondo sa pagpapagawa ng cathedral.
“Nananagan po kami sa Bikaryato ng Taytay Palawan na tulungan nyo po kami sa pag-build ng aming Cathedral; suportahan po ninyo ang aming initiative Trip to Palawan for 2 raffle,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Ilulunsad ang programa sa July 15 na magtatagal hanggang December 15, 2023 habang ang mapapanalunan ay maaring gamitin sa pagitan ng January 2024 hanggang December 2024.
Nagkakahalaga ang ticket ng P1, 000 para sa limang kataong papalaring mananalo ng Trip to Palawan for 2.
2002 nang maitatag ang Bikaryato ng Taytay nang hatiin sa dalawa ang Apostolic Vicariate of Palawan; ang Apostolic Vicariate of Puerto Princesa na nangasiwa sa Central at Southern Palawan habang Northern Palawan naman ang sakop ng Apostolic Vicariate of Taytay.
Taong 2009 nang makakuha ng lupa ang bikaryato para pagtayuan ng cathedral sa pangunguna ni Bishop Emeritus Edgardo Juanich subalit dahil sa limitadong resources ng bikaryato hanggang sa kasalukuyan ay nanatiling under construction ang cathedral.
Naantala ang pagpapagawa nito dahil sa pandemya at pananalasa ng bagyong Odette noong December 2021 sapagkat inunang tugunan ng simbahan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Sa taya ng mga nangasiwang engineers at architects aabot sa 90-milyong piso ang kakailanganing pondo upang matapos ang pagpapagawa ng dambana ng bikaryato.
Sa mga nais maging bahagi ng Trip to Palawan for 2 Raffle Draw makipag-ugnayan sa Chancery office ng bikaryato at sa tanggapan ni Bishop Pabillo sa numerong 0921-754-5457 at 0915-936-9752 para sa karagdagang detalye sa pagbili ng ticket.
Maari ring makipag-ugnayan sa Radio Veritas sa pamamagitan ni Norman Dequia sa 8925 – 7931 o sa 0918 463 3458.