“Natitiyak kong ang mabuting gawain na pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Jesukristo.” (Fil 1:6)
Mga kapatid ko kay Kristo sa Bikaryato ng Taytay,
Katatapos lamang nating ipinagdiwang ang anibersaryo ng ika-400 taon ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano dito sa Palawan. Ngayong nakita natin ang kahalagahan ng biyaya ng pananampalataya, italaga natin ang ating mga sarili na ipagpatuloy ang pagdaloy nito sa atin at sa ating mga anak at mga kaapuhan. Ang pananalig sa Diyos at ang mga biyaya na dala nito ay hindi lang para sa atin. Ang sinimulan niyang pagpapadama ng kanyang pagmamahal ay ipagpapatuloy niya hanggang sa pagbabalik muli ni Jesus. Ang hamon po sa atin ay makiisa tayo sa pagpadaloy na ito ng kanyang pagmamahal sa kasaysayan ng Palawan.
Gagawin natin ito sa pagpapalalim ng kamalayan na tayo ay mga katiwala ng Diyos at kumilos tayo bilang mabubuting katiwala. Katiwala tayo ng buhay, katiwala tayo ng pananampalatayang Kristiyano, at katiwala tayo ng kalikasan na dito sa Northern Palawan ay nararamdaman natin na maganda at mabuti.
Dito sa Bikaryato ng Taytay, may programa na tayo ng Mabuting Katiwala. Dahil sa tayo ay mabubuting katiwala tayo ay nagbabalik handog ng panahon, ng talento at ng yaman. Sana ito ay magiging bahagi na ng buhay natin. Ang ating pagbabalik handog ay tanda ng ating pasasalamat sa Diyos. Ganoon kalaki ang mga biyaya niya ng Diyos na nagbibigay tayo ng panahon, talento at pera sa kanya. Ang ating pagbabalik handog ay tanda rin ang ating tiwala na hindi tayo pababayaan. Sagana ang pagpapala ng Diyos sa mga bukas loob sa kanya.
Upang paalalahanan tayo na mamuhay bilang mabubuting katiwala, hinihiling ko na ang bawat Parokya at Mission Station ay magkaroon ng Stewardship Committee na binubuo ng limang members. Ang kanilang tungkulin ay patuloy na i-promote ang ating stewardship program. Pag-aralan nila paano ipalaganap ang katotohanan at pagsasabuhay ng pagiging Mabuting Katiwala sa mga tao. Ipakita sa kanila na ito ay isang mabisang pamamaraan ng pagiging alagad ni Kristo.
Ang awit ng Mabuting Katiwala na ginawa ni Fr. Eddie Penafiel ay ipapaliwanag sa mga tao at mga kabataan, at ito ay aawitin at sasayawin bilang panghuling awit sa ating mga pagdiriwang sa simbahan. Maganda ang mensahe nito para sa atin. Awitin din at sayawin ang mission-vision song ng ating Vicariato sa simula ng mga pagdiriwang.
Magkaroon ng mga seminar tungkol sa pagiging katiwala. Pagkatapos ng mga seminar na ito, hikayatin ang mga dumalo na magcommit sila sa pag-aalay nila ng stewardship card. Uunahin ang stewardship ng panahon upang magbigay ang mga tao ng angkop na panahon na magdasal at sumamba sa Diyos. Sa ganitong paraan mapapalalim nila ang kanilang relasyon sa Diyos. Susunod ang stewardship of talents. Maghahanap sila ng paraan paano maka-serve sa simbahan ayon sa sarili nilang kagalingan. Ang talento natin ay binigay ng Diyos upang makatulong din tayo sa iba. Ang panghuli ay ang stewardship of money. Huwag tayong matakot na magbigay sa Diyos at bibigyan din tayo ng siksik, liglig at nag-uumapaw pa. Sinulat ni San Pablo: “Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang may magamit kayo sa pagkakawangga.” (2 Cor 9:8)
Mga kapatid, kapag tayo ay nabubuhay bilang mabubuting katiwala isinasabuhay na natin ang unang misyon ng Diyos na Manlilikha para sa ating mga tao. Ginawa tayo ng Diyos upang pangalagaan ang ibang nilikha niya, upang pangalagaan ang mga biyaya niya, at palaguin ito. Sa ganitong paraan tayo magiging mga kawangis at kalarawan ng Diyos sa mundo.
Si San Jose, ang patron ng ating bikaryato, ay ang ating huwaran sa pagiging mabuting katiwala. Pinangalagaan niya ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, si Jesus at si Maria. Ginawa niya ito sa kanyang pagpapagal bilang tatay, asawa at manggagawa. Kumilos din tayo kasi tayo rin ay mga katiwala ng Diyos. Huwag nating biguin ang tiwala ng Diyos. Magbalik handog tayo!
Ang kapwa ninyong katiwala,
Bishop Broderick Pabillo
Obispo ng Bikaryato ng Taytay,
Ika-28 ng Setyembre 2023, kapistahan ni San Lorenzo Ruiz