Solemnity of the Most Holy Trinity Cycle B
Basic Ecclesial Community Sunday
Deut 4:32-34.39-40 Rom 8:14-17 Mt 28:16-20
Matapos ang makababalaghang karanasan ng mga Israelita sa paglikas nila sa Egipto at matapos ang mahabang paglalakbay nila sa disyerto ng apatnapung taon, pinaisip sila ni Moises bago sila pumasok sa lupaing ipinangako sa kanila. Sabi niya: “Isipin ninyo kung may naganap bang ganito sa ibang mga bayan?” Napakalapit ng Panginoong Diyos sa kanila. Niligtas sila sa pamamagitan ng mga kababalaghan, nagsalita ang Diyos sa kanila at ibinigay sa kanila ang kanyang mga utos. Nakipagtipan ang Diyos sa kanila at ginabayan sila sa disyerto. May iba pa bang bayan na nagkaroon ng ganitong treatment mula sa kanilang diyos? Iisa lang ang Diyos na ito at mayroon kayong espesyal na kaugnayan sa kanya. Kaya sundin ninyo ang kanyang mga utos. Ito ang sabi ni Moises sa mga Israelita.
Espesyal nga ang kaugnayan ng mga Israelita sa Diyos. Pero tayong mga Kristiyano, mas lalong espesyal ang ating kaugnayan sa Diyos. Nagkatawang tao ang Diyos at namuhay siya na kasama natin. Bago umalis si Jesus, nangako siya na magpapadala siya ng isa pang katulong upang gabayan tayo sa katotohanan. Sinabi rin niya na hindi na niya tayo itinuturing na mga alipin pero mga kaibigan kasi ipinaaalam na niya sa atin ang lahat na nanggaling sa Ama. Wala na siyang isinisikreto sa atin. Kaya pinakilala niya na ang iisang Diyos nila ay Ama, Anak at Espiritu Santo. Hindi lang nga kaibigan ang turing niya sa atin. Itinituring pa niya tayo na Anak ng Diyos kaya ibinigay sa atin ang Espiritu upang matawag natin ang Diyos na Ama ko.
Oo, pinaalam sa atin ni Jesus ang lahat tungkol sa Diyos. Sinabi niya sa atin na ang iisang Diyos ay Ama, Anak at Espiritu Santo. Ang Ama, Anak at Espiritu Santo ay isang Diyos. Pareho sila sa pagka-Diyos pero iba sila sa isa’t-isa. Iba ang Ama sa Anak at iba ang Anak sa Espiritu Santo. Isa sila at tatlo. Kaya isang-tatlo ang turing natin sa Diyos. Siya ay isa’tlo. God is a Trinity, that is, three and one.
Ito ay isang misteryo. Hindi natin ito lubusang maiintindihan pero ito ay nararanasan natin, kasi tayo ay bininyagan, kung baga tinatakan, sa ngalan ng Diyos na Ama, Diyos na Anak at Diyos na Espiritu Santo. Dahil dito iba’t-iba ang ating karanasan sa Diyos. Nararanasan natin siya bilang Ama. Siya ang pinanggalingan ng lahat at siya ang umaakay sa atin. Kinakalinga niya tayo bilang Ama. Bilang mga Anak sinusunod natin ang kanyang utos at nagtitiwala tayo sa kanya. Ang Diyos ay kapatid natin. Naging tao siya at kilala natin siya na Jesus na galing sa Nazareth. Narinig natin ang kanyang mga aral at nakita natin ang kanyang halimbawa. Matutularan natin siya kasi siya ay tao tulad natin sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan kasi ang kasalanan ay hindi bahagi ng ating tunay na pagkatao. Nagpakasakit siya para sa atin at namatay sa krus alang-alang sa atin. Pero siya ay muling nabuhay at umakyat sa langit. Inaabangan at pinananabikan natin ang kanyang muling pagdating. Ang Diyos ay nasa loob natin. Siya ang kapangyarihan na kumikilos sa atin. Siya ang Divine Energy. Kaya natin nagagawa ang ipinapagawa ni Jesus kasi ang Espiritu, ang Energy ni Jesus ay nasa atin. Siya rin ay ang karunungan na gumabagay sa atin sa katotohanan. Talagang kakaiba tayo sa ibang relihiyon kasi ang iisang Diyos natin ay Ama, Anak at Espiritu Santo. Ang Diyos ay tinitingala natin sa itaas – siya ay Ama; ang Diyos ay kasama natin sa buhay – siya ay Anak na tulad natin; ang Diyos ay nasa loob natin na nagpapalakas sa atin – siya ay Espiritung Banal na nag-eenergize sa atin. God is above us; God is with us; God is within us.
Ano naman ang ibig sabihin nito sa ating buhay? Sinasabi ng Isang-tatlong Diyos na ang pagkakaiba natin sa isa’t-isa ay hindi dapat maging dahilan ng ating pagkakahiwalay. Nakakatulong ang ating pagkakaiba sa ating pagkakaisa. Ganoon din sinasabi sa atin ng Isa’tlong Diyos na ang pagkakaisa natin ay hindi dapat magbura ng ating pagkakaiba. Hindi binabalewala ang ating kanya-kanyang katangian kasi tayo ay nagkakaisa. Nanatili ang ating individuality sa ating unity.
Tignan natin ito sa ating mga pamilya. Iisang pamilya lang tayo, nag-iibigan tayo bilang pamilya at sinisikap natin na magkaisa, pero iba-iba tayo. Iba ang ugali ni Tatay kaysa kay Nanay. Iba ang hilig ni bunso kaysa kay ate. Iba ang kailangan ni Lola kaysa ang kailangan ni Baby. Minamahal natin ang bawat isa kasama ng kanyang katangian, at sa ating pagkakaiba nag-aambag tayo sa ating pagkakaisa.
Ganito rin ang simbahan. Isa lang ang simbahan pero may iba’t-ibang gawain at iba’t-ibang tungkulin at kakayahan. Iba ang gawain ni Father, at iba naman ang nagagawa ng katekista. May ibang may biyayang magpagaling, may iba naman na malakas ang pananampalataya. May mga magaling magsalita at may ibang magaling mag-unawa at makipag-usap. Igalang natin ang iba’t-ibang katangian at gamitin natin ang mga ito sa pag-unlad ng ating pagkakaisa. Ito nga ang ibig sabihin ng synodality – iba’t-iba pero sama-sama sa paglalakbay tungo sa kaharian ng Diyos.
Ang Trinity Sunday ay siya ring BEC Sunday. Ang BEC ay ang Basic Ecclesial Community na siya ang pinakamaliit na grupo ng simbahan. Ito ay tinatawag natin na KRISKA, Kristiyanong Kapitbahayanan. Ang mga kristiyanong magkakapitbahay ay nagtutulungan. Nagkakaisa sila sa pagtugon sa kanilang pangangailangan at sa pag-unlad sa kanilang pananampalataya. Sama-sama silang nagdarasal, sama-samang nagninilay sa Salita ng Diyos at nagtutulungan sila sa kanilang buhay. Hindi tayo maaaring maging Kristiyano na mag-isa. Kailangan natin ang iba sa paglalakbay bilang Kristiyano kasi ang pinaka-utos sa atin ni Jesus ay MAG-IBIGAN KAYO. Mahirap gawin ang pag-iibigan sa Parokya kasi napakaraming mga tao sa ating Parokya at galing tayo sa malalayong lugar. Paano mo iibigin ang tatlong libong tao sa Parokya mo? Kaya pinaghahati-hati natin ang Parokya sa mga Kriska. Magkapitbahay sila, magkakakilala sila at maaari silang magtulungan. Maaari nating mahalin ang mga dalampung pamilya na nasa ating Kriska.
Mayroon po tayong second collection sa misang ito. Ang malilikom natin ay magiging pondo para sa pag-oorganize at pagpapatatag ng ating mga Kriska o BEC.
Sa ating pagsisikap na mamuhay sa pagmamahalan sa ating pamilya, sa ating simbahan at sa ating Kriska o BEC, isinasabuhay natin ang buhay ng Diyos, ang Diyos na isa at tatlo. Mahirap ipaliwanag ang isa’tlo pero ito ay naisasabuhay natin!