Homily March 31 2024
Easter Sunday Cycle B
Acts 19:34.37-43 Col 3:1-4 Jn 20:1-9
Ang dala-dala ng mga Kristiyano ay Magandang Balita at ang Magandang Balita ay: ang huling salita ay buhay at hindi kamatayan, liwanag at hindi kadiliman, katotohanan at hindi kasinungalingan, pag-ibig at hindi pagpapabaya. Kailangan natin ang mensaheng ito na sa ating mundo ngayon parang malakas at lumalakas ang digmaan, ang pagsisinungaling, ang kamatayan at ang pagkasira ng ating kalikasan. Huwag po tayo mawalan ng pag-asa. Ngayong araw masaya nating ipinagdiriwang ang muling pagkabuhay ni Jesus. Nagtagumpay siya sa kasamaan at sa kamatayan! Hindi lang kanya ang tagumpay na ito. Nakikiisa tayo sa tagumpay na ito kasi bilang mga kristiyano nakikiisa tayo sa kanyang buhay. Binuhay tayong muli kasama ni Kristo. Dahil dito pagsikapan natin at bigyang halaga ang mga bagay ng langit at hindi na ng mundong ito. Mas papahalagahan na natin ang mga bagay na panlangit at hindi ang mga bagay na panlupa. Pinatay na natin ang mga makalupang hilig at pagnanais sa krus ni Jesus. Iwanan na natin ang mga ito.
Iwanan na natin ang pag-iisip ng kamatayan at ng kawalang pag-asa. Hindi ito madali, tulad ng hindi naging madali kay Maria Magdalena at kay Pedro man na iwanan ang pag-iisip na si Jesus ay patay at nanatiling patay. Umalis sa Maria Magdalena nang madaling araw upang dumalaw sa libingan. Dadalaw siya sa patay. Kaya malaki ang gulat niya nang makita niyang bukas ang libingan at mas lalong malaking gulat na walang laman ang libingan. Ang paliwanag lang na maiisip niya ay ninakaw ang bangkay. Iyan ang sumbong niya kay Pedro at kay Juan. Totoo ang sabi niya, wala ngang laman ang libingan. Wala na doon ang bangkay! Iyan nga ang nakita ni Pedro at ni Juan. Hindi man humaging sa isip nila na si Jesus ay muling nabuhay kahit na sinabi na ito ni Jesus sa kanila, na mabubuhay siyang muli. Kaya hindi natin masasabi sa ang muling pagkabuhay ay bunga lamang ng imagination o guni-guni ng mga alagad niya. Hindi nila ito expected. Hindi nila ito na-imagine man lang!
Ang katotohanan ng muling pagkabuhay ay pinamukha sa kanila noong nagpakita si Jesus sa kanila. Hindi lang siya nagpakita. Pinahipo niya sa Tomas ang kanyang kamay at ang kanyang tagiliran na binutas ng sugat. Siyang pinatay ay nasa harap nila ngayon at buhay siya! Hindi lang nila nakita ng minsan ang muling nabuhay. Nagpatotoo si Pedro sa ating unang pagbasa: “Napakita siya, hindi sa lahat ng tao kundi sa amin lamang na noon pang una’y pinili na ng Diyos bilang mga saksi. Kami ang kasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya’y muling mabuhay.” Ilang beses nila nakasama si Jesus na muling nabuhay. Hindi lang ito guni-guni.
Ang isa mas malalim na patotoo sa muling pagkabuhay ni Jesus ay ang kapangyarihan na ibinahagi nito sa mga alagad niya. Binago niya sila! Hindi lang si Jesus ang nagkaroon ng bagong buhay, pati na rin ang mga alagad. Sila ay takot at duwag noon; ngayon sila ay matapang ng nagpapatotoo tungkol kay Jesus. kaya pati ang mga leaders ng mga Hudyo ay nagtaka. Mga simpleng tao lamang ito at walang pinag-aralan ngunit ngayon matapang ng nagsasalita sa harap ng mga leaders. Nagkaroon sila ng transformation. Dala ito ng pagkabuhay ni Jesus. Hindi lang si Jesus natransform. Pati ang mga sumusunod sa kanya ay natransform din.
Makikita natin ito sa buong kasaysayan ng simbahan hanggang ngayon. Marami ay hindi na natatakot ngayon na maging generous sa pagbigay ng kanilang panahon, ng kanilang galing at ng kanilang yaman para sa Panginoon. Alam nila na buhay ang Panginoon at hindi magpapabaya sa kanila. Marami pa nga ay hindi natatakot na magtaya ng buhay nila sa kanya. Kaya nandiyan, mga taong matatalino, malulusog, magaganda, at nagbibigay ng buhay nila para magpari, magmadre, magkatekista, maging leader laiko. Sa ating panahon marami ang mga taong handang mag-alay ng buhay nila para sa Panginoon. Kaya mayroon tayong maraming martir. Saan nanggagaling ang lakas at tapang na ito? Sa paniniwala na si Jesus ay buhay at kumikilos sa kanila. Hindi niya pinababayaan ang sumusunod sa kanya.
Mga kapatid, ang muling pagkabuhay ni Jesus ay hindi lang pangyayari para sa kanya. Ito ay nangyayari din sa atin. Ito ay hindi lang ala-ala ng mga bagay na nakaraan. Ang epekto nito ay nararamdaman natin ngayon. Tayo ay patuloy na naniniwala at naglilingkod dahil sa kapangyarihan ng muling pagkabuhay na nararanasan natin ngayon.
Sa harap ng dakilang misteryong ito magpasalamat tayo. Ang tuwa natin ngayon ay tuwa ng pasasalamat. Salamat O Jesus sa bagong buhay na kaloob mo sa amin dahil sa iyong muling pagkabuhay. Sa buhay natin ngayon tanggalin na natin ang anumang takot at pangamba. Ang Panginoong Jesus na muling nabuhay ay kasama natin, at kasama natin siyang lagi. Ito ang kanyang pangako sa atin: “Ang lahat ng kapangyarihan ng langit at lupa ay binigay sa akin… ako’y kasama ninyo hanggang sa wakas ng panahon.”
Maging committed din tayong ipahayag ang mabuting balitang ito. Ligtas na tayo sa pang-aapi ng kasamaan. Napalaya na tayo sa takot at pangamba. Nasa atin na ang bagong buhay ng Panginoong Jesus. Kailangan ng mga tao ang mensaheng ito. Nabuhay na muli si Jesus at tayo ay kasama nilang nabubuhay. At hindi lang nabubuhay. Nabubuhay na masaya, nabubuhay na umiibig at nabubuhay na may panatag na pag-asa.