Homily March 10, 2024
4th Sunday of Lent Cycle B Laetare Sunday
2 Chr 36:14-16.19-23 Eph 2:4-10 Jn 3:14-21
Dinasal natin sa ating pambungad na panalangin: “Sa masigasig na pagsamba at matibay na pagsampalataya ang Sambayanang Kristiyano ay makadulog nawang masaya sa pagdiriwang ng dakilang kapistahan ng Pagkabuhay.” Nasa ikaapat na Linggo na tayo ng Kuwaresma. Sana tapat tayo sa gawain ng kuwaresma na matiyagang pananalangin, pagpenitensiya at pagtulong sa kapwa. Pinapaala-ala sa atin ng Linggong ito na ang mga pagsisikap na ito ay magdadala ng kaligayahan. Kaya ang kulay ngayong Linggo ay Rosas o Pink, isang kulay na mas masaya kaysa violet. Tinatawag ang Linggong ito na MASAYANG LINGGO, upang ipaalaala sa atin na ang patutunguhan ng kuwaresma ay ang kasiyahan ng pagkabuhay ni Jesus. Patatagin natin ang ating loob. Nangalahati na tayo sa panahon ng Kuaresma. Kaligayahan ng bagong buhay ang kahihinatnan ng panahong ito.
Sa gitna ng mga kahirapan at pagsubok sa buhay, ang ating pag-asa ng magandang kinabukasan ay hindi nakasalalay sa ating kabaitan o kagalingan. Ito ay dahil lang sa habag ng Diyos. Iyan ang pinapakita sa atin sa aklat ng Cronika na ating napakinggan sa unang pagbasa. Napakasama ng bayan ng Israel. Hindi sila naging tapat sa kanilang kasunduan sa Diyos. Paulit-ulit na nagpapadala ang Diyos sa kanila ng mga propeta upang paalalahanan sila at bigyan sila ng warning, ngunit ayaw nilang maniwala. Itinakwil pa nga nila ang mga propeta. Dahil sa katigasan ng kanilang puso dumating ang mga taga-babilonia. Winasak ang kanilang lunsod, sinira ang templo ng Diyos, at ang hindi namatay ay dinala na bihag sa lunsod ng Babilonia na nasa kasalukuyang Iraq. Nanatili sila na dayuhan sa lugar na ito na bihag sa loob ng pitumpung taon.
Pero ang Diyos ay tapat sa kanyang salita kay propeta Jeremias. Hindi sila pinabayaan. Nahabag ang Diyos sa kanila. Dumating ang mga Persians at tinalo ang mga Babilonians. Pinukaw ng Diyos ang loob ni Ciro, ang hari ng Persia, na siya ang kasalukuyang Iran, at pinayagan ang mga Israelita sa bumalik sa kanilang lupain upang itayo ang kanilang lunsod at ang templo ng Diyos. Pinarusahan ang mga Israelita dahil sa katigasan ng kanilang loob ngunit ang huling salita ay hindi ang parusa kundi ang habag ng Diyos. Naligtas sila sa kanilang pagkabihag.
Ito rin ang sinulat ni San Pablo na ating narinig sa ating ikalawang pagbasa. “Napakasagana ang habag ng Diyos at nakapadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo ay binuhay niya kay Kristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas tayo dahil sa kanyang kagandahang-loob.” Dahil dito ang ating kaligtasan ay regalo ng Diyos at hindi resulta ng ating kabutihan at pagsisikap. Kaya wala tayong ipagmamalaki na mahal tayo ng Diyos. Ang ating damdamin sa harap ng biyayang ito ay kababaang loob at pagpapasalamat sa kanya.
Ang ating pagbabalik handog ay hindi galing sa ating kabutihan kundi tanda ng ating pasasalamat sa Diyos. Dahil sa kinikilala natin na mahal tayo ng Diyos kaya tayo ay nagbibigay ng balik handog ng panahon, ng talino at ng yaman. Anumang kabutihan na nagagawa atin ay napakaliit na tugon sa napakadakilang pag-ibig ng Diyos sa atin.
Gaano ba kadakila ang pagmamahal ng Diyos? Ganoon tayo kamahal ng Diyos na binigay niya ang kanyang kaisa-isang anak upang hindi tayo mapahamak, bagkus magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ang balak ng Diyos sa atin ay hindi lang na magkaroon tayo ng trabaho o maging malusog tayo, o maging maayos ang kalagayan ng ating pamilya. Oo, gusto din niya ang mga ito para sa atin kasi lahat ng kabutihan ay galing naman sa Kanya. Pero ang pinakabalak niya sa ating lahat ay buhay na walang hanggan sa langit na kasama niya. Mga kapatid, ang buhay ay hindi lang dito sa lupa. Sinabi din ni Jesus na ano ang mapapala natin kung makuha man natin ang gusto natin sa mundo at mawalan naman tayo ng kaligayahang magpasawalang hanggan sa kabilang buhay. Mahal tayo ng Diyos. Binibigyan niya tayo ng maayos na buhay dito sa lupa at buhay na walang hanggan sa langit.
May mga nag-iisip na upang maging maligaya tayo sa kabilang buhay kailangan na magdusa o maging malungkot tayo dito sa lupa. Mali ang paningin na ito. Ang Diyos natin ay Diyos sa buhay na ito at Diyos sa kabilang buhay. Ang kaligtasan ay hindi lang para sa kabilang buhay. Ang kaligtasan ay para din sa buhay na ito. Kaya magsikap tayo na mamuhay ng maayos ayon sa kanyang kalooban. Kumilos tayo laban sa mga sitwasyon na pumipigil sa iba na maging maligaya, tulad ng pagsasamantala sa kanila. Ito ay magdadala sa atin ng kapanatagan ng loob at kaligayahan sa buhay na ito.
Madalas piniprisinta sa atin na masaya ang gumagawa ng masama – naghahalakhakan ang mga lasing, marami ang pera ng mga corrupt at nakatira sila sa magagandang bahay na pinaglilingkuran ng maraming mga alalay. Masaya nga ba sila? Mababaw ang kanilang kaligayahan, ang kung mayroon man, pansamantala lang. Ang nagsisikap na maging malapit sa Diyos at naglilingkod sa kanya at sa kapwa ay tunay na kontento sa buhay. Hindi nasasayang ang buhay nila. Hindi malayo ang Diyos sa kanila. Nagiging makabuluhan ang buhay nila at nagbibigay sila ng pag-asa sa iba.
Ang mga nasa kadiliman ay takot sa liwanag. Takot sila na makita ang kahihiyan nila. Iyan ay sinabi ni Jesus. Nagdadala siya ng liwanag pero ang mga taong masasama ay takot sa liwanag. Kaya takot ang mga pumatay noon sa kanilang drug war. Ayaw nilang imbistigahan sila ng international court na hindi na nila hawak at hindi nila mabibili o matatakot. Takot din ang mga corrupt ngayon kaya pinapapatay nila ang mga radio broadcasters at mga journalists na nag-iimbistiga at nagbubunyag sa kanilang mga ginagawa. Pero wine-welcome ng mga matuwid ang liwanag. Natutuwa sila sa liwanag kasi makikita ang mabubuti nilang ginagawa at lalabas ang katotohanan.
Si Jesus ang liwanag ng mundo. Tanggapin natin siya. Ang pagtataas sa kanya sa krus ay ang pagpapakita ng kanyang pagmamahal sa atin at ng kanyang tagumpay sa kasamaan ng tao. Pahalagahan natin si Jesus na nakataas sa krus. Iyan ay tanda na kahit na gaano pa tayo kasama, mahal niya tayo. Kung naibigay na niya ang kanyang sarili para sa atin, ano pa ang hindi niya gagawin upang tulungan tayo at gawin tayo na tunay na maligaya, sa buhay na ito at sa kabilang buhay?