Biyernes sa Unang Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Ezekiel 18, 21-28
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 4k-6. 7-8
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Mateo 5, 20-26
Friday of the First Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 18, 21-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinasabi ng Panginoon: “Kung ang isang taong masama ay tumalikod sa kanyang kasamaan, sumunod sa aking mga tuntunin, at gumawa ng mabuti, siya ay mabubuhay. Kakalimutan na ang lahat ng nagawa niyang kasalanan at mabubuhay siya dahil sa kabutihang ginawa niya sa bandang huli. Hindi ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama,” sabi pa ng Panginoon, “Ang ibig ko nga, siya’y magsisi at magbagong buhay. Ngunit kung ang isang taong matuwid ay magpakasama at gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, hindi siya mabubuhay. Mamamatay siya dahil sa kanyang pagtataksil at sa kasalanang nagawa. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng kabutihang ginawa niya noong una.
“Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 4k-6. 7-8
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko’y Panginoon,
Panginoon, ako’y dinggin pagka ako’y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko’t paghingi ng iyong tulong.
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa ‘yo ay matakot.
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Sabik akong naghihintay sa tulong mo, Panginoon,
pagkat ako’y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon ay higit pa,
sa serenong naghihintay ng pagsapit ng umaga.
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Magtiwala ka, Israel, magtiwala sa iyong Diyos,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nahahandang sa sinuman ay tumubos.
Ililigtas ang Israel, yaong kanyang mga hirang,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 18, 31
Sinabi ng Poong mahal:
“Kasamaan ay layuan,
kasalana’y pagsisihan;
kayo ay magbagong-buhay,
magbalik-loob na tunay.”
MABUTING BALITA
Mateo 5, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.”
“Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyerno. Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.
“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo ng tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Kuwaresma
Biyernes
Labis ang pagkabigo at pagkamuhing namamagitan sa mga tao, labis na pagtatalu-talo at pag-aaway. Hilingin natin sa Diyos na pagkalooban tayo ng kapangyarihan na maging mga tagapaghilom at tagapagkasundo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, biyayaan Mo kami ng kapayapaan.
Ang Simbahan nawa’y maging kasangkapan ng pagkakasundo, pagpapatawad, pagpapagaling, at pagkakaisa ng mga tao at bansang nakikipagdigmaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y magpasimula ng mga proyektong magtataguyod ng katarungan, kapayapaan, at pagkakaisa sa mga tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang iwasan ang paghihiganti, karahasan, at pag-aaway na bunga ng hidwaan, ideolohiya, o pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y matutuong magpatawad mula sa puso, manalangin tayo sa Panginoon..
Ang mga may karamdaman sa isip at katawan nawa’y magtamo ng kagalingan ng espiritu sa pamamagitan ng pagpapatawad, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, tulungan mo kaming makita ang bawat isa ayon sa iyong paningin upang tanggapin at itaguyod namin ang isa’t isa alang-alang sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon.
Amen.