1st Week of Lent
Gen 9:8-15 1 Pet 3:18-22 Mk 1:12-15
Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pagpapahalaga ng ating binyag. Minsan lang tayo bininyagan pero ang katotohanan ng binyag ay ating isinasabuhay sa bawat sandali ng ating buhay. Dahil sa binyag, nagkaroon tayo ng bagong buhay. Nakiisa tayo sa kamatayan ni Jesus at sa kanyang muling pagkabuhay. Namatay na tayo sa kasalanan. Napatawad na ang ating kasalanan at patuloy tayong pinapatawad kapag tayo ay nagsisisi. Nakikiisa na tayo ngayon sa buhay ni Jesus bilang anak ng Diyos. Kaya mahalaga na sa panahon ng Kuwaresma tumitingin tayo kay Jesus bilang modelo natin kung paano tayo magiging anak ng Diyos.
Ang ating unang pagbasa ay tungkol sa pagtitipan ng Diyos kay Noe at sa buong sangnilikha. Pagkatapos ng malaking baha na pinadala ng Diyos upang linisin ang mundo na noo’y puno na ng dahas at ng kasalanan, nakalabas na si Noe at ang mga anak niya mula sa daong. Nag-alay ni Noe ng handog sa Diyos at dito nagsalita ang Diyos sa kanya. Magpapasimula uli siya ng bagong mundo. Hindi na niya sisirain ang mundong ito sa pamamagitan ng baha. Ang tanda ng pangakong ito ay ang bahaghari, ang rainbow, na lumalabas pagkatapos ng ulan. Ito ay paalaala ng pangako ng Diyos.
Ang malaking baha ay tanda ng ating binyag. Ito naman ang sinulat ni San Pedro sa ating ikalawang pagbasa. Tulad ng baha, sa binyag nilinis ng Diyos ang ating kasamaan at mapakagsimula tayo ng panibagong relasyon sa Diyos. Nagiging anak tayo ng Diyos tulad ni Jesus.
Si Jesus ay nakiisa sa atin. Siya ay ang Diyos na naging tao. Bilang tao nakiisa siya sa lahat ng kalagayan natin bilang tao, maliban sa kasalanan, kasi ang kasalanan ay hindi naaayon sa ating pagkatao. Noong nilikha tayo ng Diyos, hindi tayo nilikha na makasalanan. Dumating lang ang kasalanan kasi noong tinukso ang ating unang mga magulang, pinili nila ang boses ng isang nilikha, ang ahas, kaysa ang boses ng manlilikha. Oo, ang tukso ay bahagi ng ating karanasan bilang tao. Si Jesus ay tinukso din. Pero hindi dahil sa tinukso tayo, magkakasala na tayo. Tinukso si Jesus pero hindi siya nagkasala. Tinukso si Jesus sa disyerto habang nandoon siyang nagdarasal at nag-aayuno. Ang bayan ng Israel ay sinubok din noong sila ay naglalakbay sa disyerto ng apatnapung taon. Ilang beses nagkasala ang mga Israelita sa disyerto. Palagi silang nagrereklamo sa Diyos at hindi sumusunod sa kanya. Kaya ang mga lumabas sa Egipto ay namatay lahat sa disyerto, maliban kay Josue at Caleb. Ang mga anak at apo nila ang nakapasok sa lupang ipinangako sa kanilang mga ninuno. Iba si Jesus. Siya ang bagong Israel na magsisimula ng bagong bayan ng Diyos. Tinukso siya sa disyerto pero hindi siya nagkasala.
Tinutukso din tayo. Ang tukso ay maaaring nanggagaling sa ating sarili, tulad ng katamaran, kahalayan, o kayabangan. Ito ay maaari ring manggaling sa ating paligid tulad ng ating barkada, ng panunukso ng mga politico tulad ng pananakot nila o pangangako ng ayuda tulad ng nangyari sa People’s Initiative para sa cha-cha, o maaaring manggaling sa tiktok o sa mga videos na napapanood natin sa social media. Ang tukso ay maaaring manggaling mismo sa demonyo. Layuan natin ang mga ito at labanan natin. Ang mga sandata na panlaban natin sa tukso ay ang mga gawain sa kuwaresma: ang panalangin, ang pag-aayuno at ang kawanggawa. Disiplinahin natin ang ating sarili sa ating pagpepenitensiya. Maikipag-ugnay tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagdarasal at sa ating pagkawanggawa. Tulad ni Jesus, mapagtatagumpayan natin ang tukso sa ating buhay.
Pero hindi lang sapat na hindi magkasala. Hindi tayo nagiging mabuting Kristiyano kasi hindi na tayo nagkakasala. Makiisa din tayo sa misyon ni Jesus. Pag-alis ni Jesus sa disyerto nagsimula na siya na magpahayag ng Magandang Balita. Ang mensahe niya ay: Ngayon na ang katuparan ng panahon na ipinangako sa atin. Nandito na ang paghahari ng Diyos. Kaya magsisisi na tayo sa ating mga kasalanan at sa Magandang Balita ay manampalataya. Ito rin ang sinabi sa atin noong Miyerkules noong inilalagay sa ating noon ang abo: Talikuran mo ang iyong kasalanan at sa Magandang Balita ay manampalataya.
Nilalabanan natin ang tukso at pinagsisisihan natin ang ating kasalanan upang manalig tayo sa Magandang Balita ng kaligtasan at ito ay ipahayag. At ito nga ang Magandang Balita. Nandito na ang kaligtasan. Nakikiisa na sa atin ang Diyos. Tanggapin natin siya. Tularan natin si Jesus upang mapasaatin ang kanyang kagalakan. Binabahagi na niya sa atin ang kaligayahan ng pagiging anak ng Diyos. Bilang mga anak, manalig tayo sa Diyos Ama na nagmamahal sa atin.
Kailangan ng mga tao ngayon ang Magandang Balitang ito. Maraming mga tao ay nababalot ng lungkot. Parang nag-iisa sila at walang matatakbuhan. Marami ay balisang-balisa sa mga pasanin at responsilibidad sa buhay. Parang nag-iisa sila na nagdadala ng mga problema. Ang iba ay naaalipin ng masasamang ugali o ng galit o ng inggit. Hindi na sila makalaya. Marami ay nagsisikap at abalang-abala sa maraming bagay pero hindi naman sila maligaya. Nandito na ang Magandang Balita. Nandiyan ang Diyos na nagmamahal sa atin. Pinadala na niya ang kanyang anak upang iligtas tayo sa mga pasananin natin. May nagmamahal sa atin at maaasahan natin siya.
Mga kapatid, tanggapin natin at ibahagi natin ang Magandang Balita na ito. Anak tayo ng Diyos. Anumang tukso o anumang nagpapabigat at nagbabanta sa atin sa buhay, malalampasan natin ang mga ito. Minamahal tayo ng Diyos na ating Ama.