Hiniling ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mananampalataya ang patuloy na panalangin para sa lahat ng mga misyonerong naglilingkod sa iba’t ibang dako ng daigdig.
Ito ang mensahe ng obisppo sa World Mission Sunday kung saan binigyang diin ang mahalagang tungkulin bilang binyagang kristiyano na makibahagi sa gawaing pagmimisyon ni Kristo.
“May mga taong itinalaga ang kanilang sarili sa pagmimisyon, suportahan natin sila, ipanalanginat at tulungan sa material at pinansyal na pangangailangan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Batid ng opisyal ang hirap na dinaranas ng mga misyonero lalo na sa mga bansang nakararanas ng labis na kahirapan, kagutuman, digmaan kung saan lantad sa iba’t ibang uri ng panganib maihatid lamang ang mabuting balita ng Panginoon.
Tema ng World Mission Day 2023 ang “Hearts on fire, feet on the move” na ayon kay Pope Francis hango sa paglalakbay ng mga disipulo patungong Emmaus kung saan nakasalamuha si Hesus na nagpapaigting sa kanilang damdaming ipalaganap ang mabuting balita sa mga pamayanan.
Tinuran ni Bishop Pabillo na ang araw na itinalaga para sa mga misyonero ay paalala na bawat isa ay may tungkuling magmisyon sa mga komunidad na kinabibilangan.
“Ang World Mission Sunday pumupukaw muli sa ating commitment na maging misyonero,” ani Bishop Pabillo.
Hamon ng obispo sa mga misyonero na ipalaganap sa buong daigdig ang pag-ibig ni Hesus upang manaig ang pagbubuklod ng mamamayan na maging daan sa pagkakamit ng kapayapaan.
Inalala rin ni Bishop Pabillo ang mga misyonerong nakatalaga sa Gitnang Silangan lalo na sa mga bansang may digmaan tulad ng Israel at Gaza.
Una nang kinilala ng Santo Papa Francisco ang mga migranteng Pilipino bilang ‘smugglers of faith’ dahil sa kanilang pagmimisyon sa mga komunidad ng bawat bansang pinagtatrabahuan.