Apostolic Vicariate

of Taytay, Northern Palawan

HOMILY: Solemnity of all Saints

Homily November 1, 2026
Solemnity of All Saints
Rev 7:2-4, 9-14 1 Jn 3:1-3 Mt 5:1-12
Binabanggit natin sa ating Pananampalataya o ating Creed: Sumasampalataya ako sa Samahan ng mga Banal. I believe in the Communion of Saints. Sa mga unang araw nitong Nobyembre ipinagdiriwang natin ang bahaging ito ng ating pananampalataya. Sino ba ang mga santo? Sila, o tayo, ay iyong isinasabuhay ang buhay ng Diyos. Tayo ay nasa grasya ng Diyos. We are united to God. Sino ang mga ito? Siyempre iyong mga nasa langit na. Sila ay kapiling na ng Diyos. Napakarami nila. Hindi lang sila iyong mga canonized saints. Ayon sa nabasa natin sa Aklat ng Pahayag, sila ay iyong 144,000. Itong number na ito ay hindi absolute number. Ito ay symbolic number. Ang 144,000 ay 12x12x1000. Ang unang 12 ay kumakatawan sa lahat na nabibilang sa lumang tipan na galing sa labing-dalawang lipi ni Jacob. Ang pangalawang 12 ay kumakatawan sa lahat na sumusunod at naniniwala sa pahayag ng 12 apostles ng New Testament. Ang ibig sabihin ng bilang na 1000 ay napakarami. Kaya sila ay napakaraming mga tao na hindi kayang bilangin ninuman. Sila ay mula sa bawat bansa, lahi, bayan at wika. Sila iyong tinubos ni Kristo. Nakadamit sila ng puti kasi nilinis na sila ng dugo ng Kordero ng Diyos. Sila ay nandoon sa langit na sumasamba sa trono ng Diyos kasama ng lahat ng mga anghel at mga kapangyarihan at lahat ng nilalang. Sila ay naging banal dahil sa pag-aalay ni Jesus. Ang biyaya ng kabanalan ay para sa lahat. Marahil kasama na diyan ang ilang mga kamag-anak natin. Kasama diyan ang lahat ng mga babies o mga bata na nabinyagan at tinawag na ng Diyos na maging kapiling niya.
Bukas naman aalalahanin natin ang mga lahat ng mga kaluluwa na nasa purgatoryo na. Nasa kanila rin ang buhay ng Diyos pero may kulang pa sila sa pag-ibig ng Diyos. Kaya sila ay nagpapakabanal pa sa purgatoryo. Natutulungan natin sila ng ating mga dasal at mga sakripisyo. May samahan tayo sa kanila.
Ang pangatlong level ng mga santo ay tayong mga kristiyano na nandito pa sa mundong ito. Nagsisikap tayong mamuhay ayon sa pag-ibig ng Diyos. Patuloy pa tayong tinutukso kaya nakikipagtunggali pa tayo sa kasamaan. Sa labanan na ito tinutulungan natin ang isa’t-isa. Kaya pinagdarasal natin ang isa’t-isa at pinapayuhan at iniingatan natin ang isa’t-isa. Tumatawag din tayo sa mga santo sa langit at sa mga anghel, at tinutularan natin ang halimbawa ng ating mga patron. Maaari din tayong tumawag sa mga nasa purgatoryo at humingi ng tulong sa kanila.
Ang mga santo sa langit, ang mga santo sa purgatoryo at ang mga santo dito sa lupa ay nagtutulungan. Mayroon tayong spiritual bonding. Kaya mayroon tayong communion o samahan. Tayong lahat ay nagkakaisa sa buhay ng Diyos. Magandang isipin na hindi tayo nag-iisa sa ating paglalakbay patungong langit. May nauna na sa atin at ini-encourage nila tayo. Tumingala tayo sa kanila. May mga kasama tayo na wala na sa lupa pero wala pa sa langit. Sila ay papunta din doon. Inaalalayan natin sila sa ating mga dasal. At dito sa lupa nagkakaisa tayo, hindi lang para maging maayos ang buhay natin sa lupa pero lalo na para makarating tayo sa ating tunay na tahanan. Taga-roon tayo. Maka-langit tayo.
Ang tanging assurance natin na tayo ay makalangit ay tayo ay anak ng Diyos. This makes all the difference. Anak tayo ng Diyos kaya hindi niya tayo pababayaan. Ang pamana na langit ay nag-aantay sa atin. Kahit na may kahirapan tayo dito sa lupa, kahit nasa kalagayan tayo na hindi kaakit-akit sa mata ng mundo, hindi tayo pababayaan ng Diyos. Dahil sa anak tayo ng Diyos, mapalad tayo.
Kahit na dukha tayo na walang maaasahan sa mundo, kahit na tayo ay nahahapis, kahit na mababa ang tingin sa atin ng iba, kahit na hindi pinapansin ang ating pagsisikap na magdala ng kapayaan, kahit na nananatili tayong dalisay sa mundong madumi at puno ng kahalayan, kahit na inuusig tayo at binu-bully kasi tayo ay magpagpaumanhin at mapagpatawad – matuwa tayo. Hindi tayo pababayaan ng Diyos. Anak niya yata tayo. Sa langit babaliktarin ng Diyos ang pinapahalagahan ng mga tao sa mundo.
Upang huwag tayong mabigla pagdating ng araw sa huling panahon, pakinggan natin ang pahayag ni San Vicente Ferrer. Si San Vicente Ferrer ay inilalarawan na may dalang trumpeta at aklat. Siya rin ay inilalarawan na may pakpak. Ang pakpak niya ay tanda ng kanyang pagiging maliksi sa paggawa ng kabutihan. Ang kanyang trumpeta ay tanda ng kanyang walang sawang magpahayag ng Salita ng Diyos. Ang summary ng kanyang mensahe ay ang tinatawag natin ngayon na FOUR LAST THINGS. Ito ay DEATH, JUDGMENT, HEAVEN AND HELL. Kamatayan, paghuhukom, langit at impiyerno. Alalahanin po natin ang mga ito upang huwag tayong mapasama.
Darating ang kamatayan. Hindi natin ito maiiwasan. Ang hindi lang natin alam ay kung kailan, kung saan at kung papaano. Hindi matatapos ang lahat kasi patay na tayo. May kabilang buhay na nag-aantay. Dadaan tayo sa paghuhukom. Haharapin natin ang Diyos na sinusuri niya ang lahat. Lahat tayo ay ginawa ng Diyos para sa langit. Sana makapunta tayo doon. Nandoon na ang mga santo sa langit, papunta doon ang mga nasa purgatoryo. Sana ang buhay natin ngayon ay patungo din doon. Kung inaayawan natin ang Diyos at patuloy ang katigasan ng puso natin masasama tayo sa mga demonyo sa impiyerno. Ngayon pa lang ayawan na natin ang impiyerno. Hindi ito para sa atin.
Kaya ngayon pa lang magtulungan na tayong mga banal na maging kapiling ng Diyos. Purihin natin ang Diyos sa tawag niyang kabanalan para sa ating lahat. San Vicente Ferrer, ipanalangin mo kami.
Bishop Broderick Pabillo
Scroll to Top