30th Sunday in Ordinary Time Cycle A
Prison Awareness Sunday
Readings: Ex 22:20-26 1 Thess 1:5-10 Mt 22:34-40
October 25, 2026
Naghahanap ang mga komokontra kay Jesus ng dahilan na
may ibintang sa kanya at siraan siya. Noong nakaraang Linggo
sinubok nila kung masisilo siya tungkol sa usapin ng buwis,
kung naaayon ba sa kautusan na magbigay ng buwis sa Cesar
o hindi. Nabigo sila. Hindi nila inaasahan ang sagot ni Jesus na
ibigay kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos.
Ngayon naman, ang sinubok si Jesus ng mga Pariseo, ang mga
tao na tumutupad ng batas ni Moises. Ang tanong sa kanya ng
dalubhasa sa batas ay kung alin ang pinakamahalagang utos
sa kautusan. Siguro tinitingnan niya kung alam ni Jesus ang
kautusan. May mga 613 na mga utos sa kautusan. Napakarami
noon. Hind iyan maalaala ng mga tao. Kaya ang pinag-
didiskusyunan ng mga tao ay, alin ang mahahalagang utos.
Hindi man maalaala at magawa ang lahat ng mga batas, at
least man lang masundan nila ang mahahalagang batas lalo na
ang pinakamahalagang utos.
Ang sagot ni Jesus ay alam ng maraming masunurin na mga
Hudyo: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong
puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.” Ito ay
bahagi ng Bibliya na inuulit ng mga Hudyo tatlong beses araw-
araw, ang tinatawag na Shema Israel. Pinapahiwatig nito ang
katangian ng relihiyon ng mga Hudyo – ang pagkilala at
pagsamba sa iisang Diyos lamang.
Pero may pagbabago na dinagdag si Jesus. Isang utos lang ang
tinatanong sa kanya, ang pinakamahalaga, pero ang sagot
niya ay dalawa. Idinugtong niya ang mga salitang, “ibigin mo
ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Nasa Banal na
Kasulatan din ito. Idinugtong niya ito kasi ayon sa kanya ang
pangalawang utos na ito ay tulad ng nauna. Hindi pwedeng
paghiwalayin ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa.
Sinulat ni San Juan sa kanyang liham sa Bagong Tipan na hindi
natin maaaring ibigin ang Diyos na hindi natin nakikita na
hindi natin minamahal ang kapwang nakikita natin. Ang
nagsasabing mahal niya ang Diyos at kinapopootan ang
kanyang kapwa ay sinungaling. Wala ang katotohanan sa
kanya.
Napapatunayan na mahal natin ang Diyos sa ating
pagmamahal sa kapwa, lalo na sa kapwa na hindi pinapansin
at isinasantabi. Madaling mahalin ang kapwang maganda.
Nakakatawag sila ng pansin. Ang kapwang mayaman, ang
kapwang mabait sa atin, ang kapwang may posisyon ay
madaling igalang at pagbigyan. Pero ang iba ay madaling
pabayaan at pagsamantalahan pa nga. Kaya narinig natin sa
ating unang pagbasa ang sinabi ng Batas ng Panginoon:
“Huwag ninyong aapihin ang mga taga-ibang bansa… huwag
ninyong aapihin ang mga babaeng balo, ang mahihirap at mga
ulila.” Madaling pabayaan at pagsamantalahan pa nga ang
mga ito kasi wala naman silang kalaban-laban. Pero hindi!
Kung hindi man natin sila pinapansin, naririnig sila ng Diyos.
Ang Diyos ang maghihiganti.
Hindi lang na huwag natin silang aapihin; dapat ay
pagbibigyan at tutulungan natin sila. Kung mangungutang ang
ating kapwang mahihirap, pahiramin natin sila na hindi na
humihingi ng tubo. May mga tao na napipilitang mangutang
dala ng matinding pangangailangan – pambili ng gamot para
sa anak, pambili ng pagkain, at tutubuan pa natin sila!
Pinagkakakitaan pa natin ang kapwa natin na
nangangailangan! Iba iyong nangutang sa atin para
pampuhunan sa kanilang business. Dahil sa ating pera,
kumikita sila. Makatarungan lang na may kita rin tayo sa pera
natin na pinagkakitaan nila. Pero huwag na nating
pagkakitaan ang matinding pangangailangan ng iba.
Ang ating pag-ibig ay naipapakita natin sa pagbibigay ng
nararapat sa minamahal natin. Ano ang nararapat sa Diyos?
Ang ating pagsamba. Siya ay dakila sa lahat. Sa kanyang
nanggaling ang lahat – kilalanin at sambahin natin siya kung
mahal natin siya. Ginagawa natin ito sa pagdakila sa kanya, sa
pagpasalamat sa kanya, sa pagdarasal sa kanya. Bibigyan
natin siya ng panahon. Ang araw ng Linggo ay ang araw ng
pagsamba. Hindi lang tayo nagsisimba kasi may hinihingi tayo.
Nagsisimba tayo kasi dinadakila at pinasasalamatan ang
Diyos.
Ano naman ang pagmamahal sa ating kapwa? Ang pakikiisa at
pagtulong sa kanila. Huwag nating gamitin ang kapwa;
paglingkuran natin sila. Hanapin natin ang ikabubuti ng iba at
hindi lang ang pakikinabang natin sa kanila.
Maganda at tinuturuan tayo ni Jesus na huwag paghiwalayin
ang pag-ibig sa Diyos sa pag-ibig sa kapwa. Hindi natin
mayayakap ang Diyos. Hindi naman natin siya matutulungan
kasi wala naman siyang pangangailangan. Ang mayayakap
natin ay ang ating kapwa; ang matutulungan natin ay ang
ating kapwa. At maliwanag na sinabi ni Jesus na anumang
ginawa natin sa iba, lalo na sa mga mahihirap, ay ginagawa
natin sa kanya. Siya ang maggagantimpala. Kaya ang pagkain
sa nagugutom, ang pagbisita sa may sakit at nasa bilangguan
ay paglilingkod kay Jesus. Pero kung pinababayaan natin ang
mahihirap, siya ang ating pinababayaan. May parusa din dito.
Hindi lang tayo pinaparusahan sa kasamaan na ating
ginagawa. May parusa din sa kabutihan na hindi natin ginawa.
Isang sektor ng kapwa na ating pinababayaan ay ang mga
bilanggo. Kinukulong sila dahil sa may masama daw silang
ginawa. Hinihiwalay sila sa lipunan. Hindi ibig sabihin nito na
kakalimutan na natin sila at pababayaan. Sinabi ni Jesus, “ako
ay nasa bilangguan at dinalaw mo ako. Halina sa kaharian na
inihanda para sa inyo.” Hindi lahat ng nasa bilangguan ay
masasamang tao. Marami ang nandoon dahil sa sila ay
biktima ng pagsasamantala. Kaya ngayon ay Prison Awareness
Sunday. Pinapaalaala sa atin na pansinin ang mga
nabibilanggo. Kapwa tao pa rin natin sila at makakaambag sila
sa lipunan kung bibigyan lang ng pagkakataon. Kaya ang mga
bilangguan natin ay dapat maging rehabilitation centers, at
hindi lang lugar ng pagpaparusa at lalo na hindi lugar ng
paghihiganti. Mayroon tayong second collection ngayon para
sa prison ministry ng simbahan. May mga grupo na
pumupunta sa mga piitan upang dalawin ang mga bilanggo,
upang magmisa doon at mabigyan din sila ng sabon o personal
na kailangan nila, lalo na ang hindi na dinadalaw. Sa ating
second collection nakikiisa tayo sa magandang gawaing ito.
Sinabi ni Jesus, ako ay nasa bilangguan ang inyong dinalaw.
Pumasok kayo sa kaharian ng langit.
Bishop Broderick Pabillo