17th Sunday of Ordinary Time Cycle B
World Day of Grandparents and the Elderly
Fil-Mission Sunday
2 Kgs 4:42-44 Eph 4:1-6 Jn 6:1-15
Kapag mayroon tayong malaking problema o malaking project na gagawin, ano ang madalas nating tinatanong at ginagawa? Magkano ba ang kailangan natin para diyan? Tulad natin, may malaking cathedral tayong pinapatapos, ang tanong ay magkano pa ba ang kailangan natin? Kailangan pa natin ng 50 million pesos! 50 million pesos? Saan tayo kukuha niyan? Bahala na lang sila diyan, hindi natin kaya iyan. At hindi na tayo nakikialam sa project.
Ito ang nangyari sa mga alagad noong tinanong sila ni Jesus paano nila mapapakain ang limang libong mga tao. Limang libo? Kaagad nag-calculate si Felipe, kahit na dalawang daang araw na sahod ay hindi sasapat diyan. Kung ang sahod ngayon ay 500 pesos sa isang araw, dalawang daang araw na trabaho ay 100,000 pesos. Hindi sasapat ang 100,000 pesos upang pagkainin ang madlang ito. Pauwiin na lang sila. Bahala na lang silang maghanap ng kanya-kanyang pagkain. Iyan din ang madalas nating iniisip. Bahala na ang bawat isa. Huwag na nating sagutin sila. Pero iba si Jesus. Ang utos niya ay pakainin natin sila. Kung magkakanya-kanya sila, kawawa ang nasa malalayong lugar, kawawa ang mahihina, kawawa ang walang kakilala.
May isang batang nakarinig sa pag-uusap ni Jesus at ng mga alagad. Sa kanyang kasimplihan, inalok niya kay Andres ang mayroon siya – limang tinapay at dalawang isda. Dinala naman siya ni Andres kay Jesus, pero sabi ni Andres: Balewala naman ito sa ganyan karaming mga tao. Binabalewala natin ang kakaunti.
Iba si Jesus. Pinahalagahan niya ang kakaunti. Tinanggap niya ito at ipinasalamat pa niya sa Diyos Ama. Kakaunti lang, pinagpirapiraso pa at ibinahagi sa mga tao. Para sa atin dahil sa kakaunti lang, tinatago na lang natin o kaya sinasarili na lang natin. Ibinahagi ni Jesus ang kakaunti! Nagkasya ito sa lahat. Nabusog silang lahat. Pinaipon pa ni Jesus ang sobra para hindi masayang, at may labing dalawang basket pang naipon. Madalas, dahil sa kakaunti, hindi na natin ibinabahagi; dahil sa marami naman, pinababayaan naman natin na masayang. Iba talaga si Jesus. Ibinabahagi niya ang kakaunti at iniipon niya ang maraming sobra.
Para kay Jesus ang solusyon sa malaking problema o malaking project ay generosity, hindi pera. Maging mapagbigay, tulad ng ginawa ng bata. Ibinigay niya ang mayroon siya at iyan ang ginamit ni Jesus upang mapakain ang lahat. Sa kamay ng Diyos may milagrong mangyayari, pero kailangan niya ang ating generosity upang makagawa siya ang milagro.
Iyan din ang nangyari noong panahon ni propeta Eliseo na narinig natin sa ating unang pagbasa. Mayroong higit na isang daang propeta na kasa-kasama ni Eliseo. Mayroon siyang brotherhood o community of prophets. May nag-alay ng dalawampung tinapay. Ipinahati ito ni Eliseo at pinamigay sa kanyang mga kasama. Nakakain at nabusog ang lahat at marami pang sumobra. Talagang kumikilos ang Diyos. Hindi siya nagpapabaya. Huwag nating tingnan kung ito ay sapat o hindi. Basta naibigay ang lahat ng buong generosity, ang Diyos na ang sasagot sa iba. Pinapansin ng Diyos ang kakaunti at ito ay pinapahalagahan niya.
Hindi ba nangyari din ito sa babaeng balo na nag-alay ng dalawang kusing para sa templo? Napansin ito ni Jesus at tinawag ni Jesus ang pansin ng kanyang mga alagad sa balong ito. Higit pa ang kanyang binigay kasi ang marami tao doon ay nagbibigay mula sa kanilang extra na pera, siya ibinigay niya ang lahat. Siguradong may gantimpala siya sa Diyos. Kahit na nga ang isang basong malamig na tubig na ibinigay sa alagad ng Diyos ay makakatanggap ng nararapat na gantimpala.
Dito sa atin sa Pilipinas may ganitong milagro na nangyayari. Ito ay ang Pondo ng Pinoy na ngayon ay nasa ika- dalawampung taong anibersaryo na. Nagsimula ito sa pagbibigay ng 25 centimos lang, at ngayon ay isang piso na kasi mahirap nang makakita ng 25 centimos. Maliit lang ang isang piso. Wala ka ng mabibili dito. Ibigay mo ito sa isang bata na humihingi ng pera at iiyak ito kasi ano naman ang mabibili niya ng one peso. Pero dahil sa patak-patak ng maliliit na pera, sa loob ng 20 years nakalikom na ang Pondo ng Pinoy ng more than 500 million pesos. Nakapagpatayo ito ng mga bahay sa Pasay City, nakapagpakain ng libu-libong mga bata sa ating FAST TO FEED program, nagkapagpaaral ng maraming scholars, at ngayong taon, mga 10 scholars ng ating bikaryato ang napopondohan ng Pondo ng Pinoy. Kapag dumating ang bagyo, nakakatulong din ito sa mga parokyang nasalanta. Patuloy ang milagro ng pagpaparami ng kakaunti. Ang kakaunti sa kamay ng Diyos ay nakakatugon sa maraming problema. Basta lang maging generous tayo. Hindi gaano tinitingnan ng Diyos ang halaga ng ating binibigay. Ang tiningnan niya ay ang pusong lubos na nagbibigay.
Binibigyan natin ng diin ang pagiging mabuting katiwala. Nagiging mabuting katiwala tayo ng mga handog ng Diyos sa ating pagbabalik handog. Mula sa ating natatanggap, nagbabalik tayo sa Diyos ng ating panahon, ng ating talento at ng ating yaman. Kahit na kaunti ang ating nababalik handog, ito ay napapahalagahan ng Diyos at nakakatulong sa marami. Pinaparami niya ang ating binibigay sa kanyang kamay.
Ngayong Linggo ay Linggo ng mga Lolo, ng mga Lola at ng mga Matatanda. Pahalagahan natin sila. Tulungan natin sila. Hindi na sila maliksi tulad natin. Maaaring mahina na sila at ulyanin pa, pero ang pagmamahal natin sa kanila ay kinikilala ng Diyos. Batiin at ipagdasal natin sila.
Ngayon din ay Fil-Mission Sunday. Inaalaala natin at sinusuportahan ang mga misyonerong Pilipino. Ang Pilipinas ay nagpapadala na rin ng mga missionaries. May second collection tayo ngayong Linggo bilang tulong sa kanila. Huwag nating ipagkait kahit na ang maliliit na maitutulong natin sa mga kababayan nating mga misyonero. Sa ating maliliit na maiaambag nakakatulong tayo sa pagpapalaganap ng Magandang Balita na ginagawa ng ating mga Misyonerong Pilipino.