Miyerkules ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Isaias 10, 5-7. 13-16
Salmo 93, 5-6. 7-8. 9-10. 14-15
Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.
Mateo 11, 25-27
Wednesday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Isaias 10, 5-7. 13-16
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
Ikaw Asiria ang gagamitin kong pamalo
at malupit na kasangkapan ng aking galit.
Susuguin ko siya laban sa isang bayang tampalasan, sa bayang kinapopootan ko,
upang ito’y wasakin at samsaman ng lahat ng yaman
at yurakang parang putik sa lansangan.
Ngunit wala ito sa kanyang isipan,
hindi ito ang kanyang hangad.
Ang layunin niya’y manira at magpasuko ng maraming bansa.
Sapagkat ganito ang sabi niya:
“Nagawa ko iyan pagkat ako’y malakas, marunong at matalino.
Inalis ko ang hangganan ng mga bansa,
at sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan,
at ibinagsak sa lupa ang mga nakaluklok sa trono.
Kinamkam ko ang kayamanan ng mga bansa na parang kumukuha ng pugad ng ibon.
Dinampot ko ang buong daigdig
na parang dumadampot ng itlog na iniwan ng inahin,
walang pakpak na pumagaspas, ni huning narinig.”
Makapagmamalaki ba ang palakol sa may-ari nito?
Makapagmamataas ba ang lagari sa gumagamit niyon?
Ang baston pa ba ang magwawasiwas sa may hawak nito?
Kaya nga ang magigiting niyang mandirigma
ay pagkakasakitin ng Panginoon.
At sa ilalim ng kanilang maringal na kasuotan
mag-aapoy sa init ang kanilang katawan,
parang sigang malagablab.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 93, 5-6. 7-8. 9-10. 14-15
Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.
Yaong mga hinirang mo ay kanilang nililipol,
inaapi nila yaong tinubos mo, Panginoon.
Ang mga ulila, balo’t mamamayan ng ibang bansa,
pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.
Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.
Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ng Diyos,
hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.”
Unawain ninyo, bayan, kayong pahat ang isipan:
hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?
Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.
Itong Diyos na lumikha nitong ating mata’t tainga,
akala ba ninyo’y bingi at ni hindi makakita?
Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol?
Di ba siya’ng guro nila pagkat siya ang marunong?
Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.
Ang lingkod ng Panginoo’y hindi niya iiwanan,
yaong mga hirang niya’y hindi niya tatalikdan;
mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.
Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinapahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 25-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.
Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Ibinunyag ng Ama ang misteryo ng Kaharian sa mga maliliit. Manalangin tayo sa Diyos na nagpapahayag ng kanyang pag-ibig sa mga maliliit at mabababang loob. Dalhin natin sa ating Amang nasa Langit ang lahat ng ating pangangailangan na may buong pananalig sa kanyang mapagmahal na kalinga.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Amang nasa langit, basbasan Mo ang Iyong mga anak.
Ang Simbahan nawa’y bigyan ng higit na pansin ang mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng gobyerno nawa’y pakinggan ang mga hinaing at pangangailangan ng pinakamahirap na mamamayan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga bata nawa’y makilala ang Diyos sa pamamagitan ng ating pagtuturo at halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kalinga at kagalingan mula sa mga taong nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng mga namatay nawa’y magkaroon ng kasiyahan sa walang hanggang kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, gawin mo kaming matalino sa iyong karunungan at tulungan mo kaming makasunod sa iyo sa kababaang-loob na ipinakita sa amin ng iyong Anak. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.