Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen
Zacarias 2, 14-17
Lucas 1, 46-47. 48-49. 50-51. 52-53. 54-55
D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.
o kaya
Mahal na Birheng Maria,
Ina ng Anak ng Ama.
Mateo 12, 46-50
Memorial of Our Lady of Mount Carmel (White)
UNANG PAGBASA
Zacarias 2, 14-17
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Zacarias
Sinabi ng Panginoon, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Sion, pagkat maninirahan na ako sa piling mo.”
Sa araw na yaon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri sa Panginoon at pasasakop sa kanya. Siya’y maninirahan sa gitna ninyo. Sa gayun, malalaman ninyong sinugo ako ng Panginoon. Muli niyang kukupkupin, ituturing na kanyang sarili, at itatangi ang Jerusalem.
Manahimik sa harapan ng Panginoon ang lahat ng nilalang, pagkat siya’y tumindig mula sa kanyang templo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Lucas 1, 46-47. 48-49. 50-51. 52-53. 54-55
D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.
o kaya
Mahal na Birheng Maria,
Ina ng Anak ng Ama.
Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.
o kaya
Mahal na Birheng Maria,
Ina ng Anak ng Ama.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi,
dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan —
Banal ang kanyang pangalan!
D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.
o kaya
Mahal na Birheng Maria,
Ina ng Anak ng Ama.
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali’t saling lahi.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
Pinangalat niya ang mga palalo ang isipan.
D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.
o kaya
Mahal na Birheng Maria,
Ina ng Anak ng Ama.
Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono,
At itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.
o kaya
Mahal na Birheng Maria,
Ina ng Anak ng Ama.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”
D’yos ay Makapangyarihan,
Banal ang kanyang pangalan.
o kaya
Mahal na Birheng Maria,
Ina ng Anak ng Ama.
ALELUYA
Lucas 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 12, 46-50
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita pa si Hesus sa mga tao, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at ibig siyang makausap. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at ibig kayong makausap.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Sino ang aking ina, at sinu-sino ang aking mga kapatid? Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Hulyo 16
Birheng Maria ng Carmel
Manalangin tayo sa Diyos Ama habang pinararangalan natin si Maria, ang Birhen ng Carmel.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa pamamagitan ng mga panalangin ni Maria, basbasan Mo kami, O Panginoon.
Tayo nawa’y magbahagi ng pananampalataya ni Maria at sundin ang kalooban ng Diyos nang may kagalakan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y lukuban ng Banal na Espiritu at punuin ito na pagsunod at pananampalataya at pamumunga ng mabuting gawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Kung paanong naging tirahan ng Salita ang katawan ni Maria, nawa’y parangalan din natin ang ating mga sariling katawan bilang mga Templo ng Banal na Espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating buhay nawa’y ilaan natin sa pag-aaral at pagninilay ng Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y makatagpo kay Maria ng isang tunay na kanlungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, ipadala mo sa amin ang iyong Banal na Espiritu upang marinig namin nang may pananampalataya ang iyong Salita at tuparin ito sa aming buhay. Pagkalooban mo kami ng mga pusong nalulugod at sumusunod sa iyong banal na kalooban. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.