Apostolic Vicariate

of Taytay, Northern Palawan

SABADO, HULYO 13, 2024

Sabado ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kay San Enrico
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Isaias 6, 1-8
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Mateo 10, 24-33

Saturday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Henry, King (White)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 6, 1-8

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nang taong mamatay si Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon. Nakaupo siya sa isang napakataas na luklukan. Ang laylayan ng kanyang damit ay nakalatag sa buong Templo. May mga Serapin sa kanyang ulunan, at bawat isa’y may anim na pakpak. Dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa buong katawan, at dalawa ang ginagamit sa paglipad. Wala silang tigil nang kasasabi sa isa’t isa ng ganito:

“Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan;
Ang kanyang kaningninga’y laganap sa sanlibutan.”

Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang pundasyon ng templo at ang loob nito’y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi. Mapapahamak ako pagkat ako’y isang makasalanang nakakita sa Panginoon, ang Makapangyarihang Hari.”

Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga sa dambana, at lumipad na patungo sa akin. Ang baga ay idiniit sa aking mga labi, at sinabi, “Wala ka nang sala. Napawi na ang mga kasalanan mo.” Narinig ko ang tinig ng Panginoon, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?” Sumagot ako, “Narito po ako. Ako ang isugo n’yo.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Panginoo’y naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at batbat ng kalakasan.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Ang sandigan ng daigdig, matatag ang pinatungan
kahit ano ang gawin pa’y hindi ito magagalaw.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una.
Bago pa ang ano pa man, likas ika’y naroon na.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Walang hanggan, Panginoon, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

ALELUYA
1 Pedro 4, 14

Aleluya! Aleluya!
Hirap kaisa ni Kristo
ay kapalarang totoo,
kaloob ng Espiritu.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 24-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Walang alagad na higit kaysa kanyang guro, at walang aliping higit sa kanyang panginoon. Masisiyahan ang alagad na matulad sa kanyang guro, at ang alipin na matulad sa kanyang panginoon. Kung ang puno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo na nilang aalimurahin ang kanyang mga kasambahay!

“Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.

“Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Natitipon bilang isang komunidad na nagdiriwang ng misteryo ng ating kaligtasan at mulat ang ating kaisipan sa kanyang pag-ibig sa bawat isa sa atin, dumulog tayo sa pananalangin sa Diyos, ang ating walang hanggang Ama.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, ipagsanggalang Mo ang aming kaluluwa at katawan.

Ang Santo Papa, mga obispo, at mga tinawag nawa’y maging gabay ng Bayan ng Diyos upang umakay sa sangkatauhan sa kaalaman at pananampalataya kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y mabigyan ng biyaya na harapin ang mahihirap na pagsubok nang may katapangan, nalalaman na panig sa atin ang Panginoon na nagbibigay sa atin ng lakas, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kabataan nawa’y magnilay sa tawag ng pagiging pari o relihiyoso at relihiyosa upang mapaglabanan nila ang pagdududa, takot, at kalituhan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y makadama ng kagalingan at kasiyahan na tanging si Kristo lamang ang makapagbibigay, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga namayapa nawa’y umani ng pabuya sa kanilang mabuting mga gawain sa walang hanggang Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Makalangit na Ama, ipinauubaya namin sa iyo ang aming mga mithiin. Bigyan mo kami ng lakas na makasunod sa iyo sa gitna ng mga pagsubok at paghihirap. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top